(Litrato mula sa Facebook page ni Florentino Timbreza)

30
Agosto 2015, 6:11p.m.
– GINAWARAN ng prestihiyosong “Gawad Dangal ng Wikang
Filipino” ang isang Tomasino sa kaniyang kontribusyon sa pagpapaunlad ng
wikang Filipino at larangan ng Pilosopiya.

Inihandog
ang parangal kay Prop. Florentino Timbreza, propesor sa Paaralang Graduwado ng
Unibersidad, noong ika-19 ng Agosto sa lungsod ng Quezon.

Ayon
sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), piling mga indibiduwal lamang ang
ginagawaran ng nasabing gantimpala. Ang mga ginagawaran ng gantimpala ay
dapat may angking kontribusiyon sa pag-angat ang Filipino sa iba’t ibang
larangan at dominyo ng kapangyarihan.

Tinaguriang
“Ama ng Pilosopiyang Filipino” si Timbreza dahil sa kaniyang
pagpapalawig sa larangan ng Pilosopiya sa bansa, maging ang kaniyang paggamit
ng wikang Filipino sa pagtuturo. Pinakilala rin niya ang “Pilosopiyang
Filipino” na binubuo ng ilan sa mga katutubong pananaw sa bansa.

“Nag-iwan
ng mohon sa pambansang wika ang kaniyang doktoradong disertasiyon at yumanig sa
daigdig ng Pilosopiya ang kaniyang unang aklat. Binuksan niya ang pinto sa mga
katutubong kultura at malinaw na inilarawan ang hugis ng kaisipan at kaloobang
Filipino,” ayon sa pahayag ng KWF.

Sa
kasaysayan ng edukasiyon sa Pilipinas, si Timbreza ang kauna-unahang nagsulat
at nagdepensa ng disertasiyon sa wikang Filipino para sa kaniyang
pagkadoktorado sa Pilosopiya sa Unibersidad noong 1980.

Bukod
sa pagiging propesor, isa ring tagasalin, kritiko at manunulat si Timbreza. Sa
katunayan, siya ang unang nakapagpalimbag ng aklat tungkol sa Pilosopiyang
Filipino at kaakda ng kauna-unahan at nag-iisang ensiklopediya ng Pilosopiya sa
bansa noong 1983. 

Si
Timbreza rin ang unang nagsalin sa wikang Filipino ng “Tao Te Ching,”
isa sa pinakatanyag na sulating pilosopikal ni Lao Tzu, noong 1999. 

Kasalukuyang
nagtuturo si Timbreza ng asignaturang St. Thomas and Critical Thinking sa
graduate school ng Unibersidad. Jasper Emmanuel Y. Arcalas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.