ISA NA namang panibagong henerasyon ng mga pelikula ang itinampok sa ikatlong Cinemalaya Film Festival na pinasinayaan sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas mula Hulyo 20 hanggang 29.

Labing-walong pelikula ang opisyal na kasali sa kompetisyon na hinati sa dalawang kategorya batay sa haba ng pelikula.

Gamit ang iba’t-ibang masining at malikhaing presentasyon sa mga tradisyonal na tema tulad ng pag-ibig, pagkakaibigan at problemang panlipunan, pinatunayan ng bawat kalahok ang umuunlad na kahusayan ng Pilipino sa paglikha ng indie films.

Inuwi ng pelikulang Tribu ang parangal para sa pinakamahusay na mahabang pelikula at Endo ang karangalang banggit ang Special Jury Prize.

Tribu: Matira ang matibay

Isang natatanging kuwento ng kultura ng mga batang Tondo ang Tribu ni Jim Libiran. Ipinapakita ng pelikula ang iba’t-ibang pangyayaring nagaganap paglubog ng araw sa Tondo kasama ang inuman ng mga tambay, pakikipagtalik ng mag-aasawa, at sigawan ng mga magkakasambahay. Bukod sa mga ito, sumentro rin ang pelikula sa alitan ng dalawang “tribu” ng Tondo, ang Thugz Angels at Sacred Brown Tribe. Isinasadula sa pelikula ang sunod-sunod na sagupaan ng magkalabang grupo na humantong sa isang madugong serye ng patayan. Sa huli, ipinahihiwatig ng pelikula na walang nananalo sa laro ng kamatayan.

Naging isang palaisipan sa karamihan ang mensahe ng kwento ng Tribu ni Libiran na nanalo ng ikalawang gantimpala sa Gawad Palanca 2006 para sa kategoryang dulang pampelikula. Marahil ang karanasan ng direktor sa pagkikipagkapwa-tao ang siyang nagbigay sa kanya ng inspirasyon na gawin, isulat, at isapelikula ang Tribu. Tila kapalaran din ang nagtulak kay Libiran sa pelikulang Tribu nang magtapos siya ng Sosyolohiya mula sa Unibersidad ng Santo Tomas at lumaki rin sa Tondo. Ang natural na pag-asta at pagganap naman ng mga aktor bilang mga batang Tondo, pati na ang kanilang orihinal na pag-rap, ang nagbigay sa kanila ng parangal para sa Pinakamahusay na Aktor at Pinakamahusay na Sound Design ng Cinemalaya.

Endo: Yugto ng pag-ibig

May katapusan ang lahat ng bagay. Ito ang kaisipang ipinahihiwatig sa pelikulang Endo ni Jade Castro na kuwento ng paghihikahos ni Leo (Jason Abalos), paghahanap-buhay at buhay pag-ibig.

Dahil sa hindi nakapagtapos ng pag-aaral at sa pagkaaksidente ng amang si Rey (Ricky Davao), napilitan si Leo na magtrabaho sa loob ng mga kontratang tumatagal lamang ng lima o anim na buwan. Nakilala ni Leo sa mga panahong iyon ang umano’y soulmate na si Candy (CJ Javarata). Ngunit naunang mag-endo ang kontrata ni Candy kaya kailangan niyang iwanan si Leo at putulin maging ang kanilang relasyon.

Sa muling paghahanap ng trabaho, nag-krus ang landas ni Leo at ng isang saleslady ng sapatos na si Tanya (Ina Feleo) at dagti silang nagkahulugan ng loob. Ngunit alam nilang maaari rin silang magkahiwalay dahil sa pangarap ni Tanya na makapagtrabaho sa barko. Sa kabila ng pagpupumilit ni Leo, napilitan pa ring mag-“endo” ang kaniyang pag-ibig para kay Tanya sa pagtungo ng dalaga sa katuparan ng pangarap nito.

Kapuna-puna ang mainam na pagganap ng mga artista sa pelikulang ito na sumasalamin sa hirap ng buhay ng mga manggagawa. Dahil dito, nakuha ng Endo ang natatanging Parangal ng Hurado at Pinakamahusay na Editing sa full-length na mga pelikula. Tinanghal si Ina Feleo bilang Pinakamahusay na Aktres.

READ
Offemaria's offertory to the visual arts


Pisay: Hamon sa buhay estudyante

Matapos ang dalawang matagumpay na pelíkula, Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros at Tuli, nagbabalik si Auraeus Solito dala ang isa na namang dekalidad na pelikula na pinamagatang Pisay (Philippine Science High School).

Nahahati sa apat na bahagi ang kuwento ayon sa apat na taon ng mataas na paaralan. Inilalahad ang kuwento ni Rom (Gammy Lopez) at Wena (Annicka Dolonius) sa unang taon kung saan hinadlangan ng kanilang guro sa Pisika na si Miss Casas (Eugene Domingo) ang namumuong pagtingin sa isa’t isa dahil sa epekto nito sa kanilang pag-aaral. Ipinamalas naman sa ikalawang taon ang mataas na pamantayan ng Pisay sa akademiks sa pagkakatanggal ng tatlong estudyanteng hindi umabot ang marka sa kota ng paaralan, kabilang si Mat (Carl John Barrameda). Isyu ng segregasyon ng mga estudyante ayon sa kanilang ranggo sa akademiks naman ang ipinakita sa ikatlong taon kung saan nabuo ang hidwaan ng mga henyong sina Liway (Shayne Fajutagana) at Andy (Jonathan Neri). Sa ika-apat na taon, ang hirap ng pagpili ng kurso para sa kolehiyo ang tema. Bago pa man pumasok sa Pisay, mayroon na silang kontrata na tanging mga kursong pang-siyensya ang maaari nilang kunin. Malaking problema ito kay Euri (EJ Jallorina) na balak kumuha ng Theater Arts.

Ipinapakita ng pelikula ang iba’t ibang suliranin at tagumpay ng mga iskolar na hinahangaan ng marami, maging ang relasyon ng kanilang buhay paaralan sa panahon ng Martial Law. Higit sa lahat, naipamalas ng pelikulang ito ang talino ng mga mag-aaral na Pilipino, taliwas sa karaniwang pananaw na mabagal matuto ang mga ito.

Ibinase ang Pisay sa mga totoong kwento ng Batch ’86 alumni nito. Iniaalay din ang pelikulang ito kay Mike Almazan. Sa pelikula, siya si Miguel Lamazan o “Minggoy” (Elijah Castillo) na hindi nakapagtapos dahil sa cancer. Nakuha ng Pisay ang mga parangal na Pinakamahusay na Direksyon, Pinakamahusay na Disenyo ng Produksyon, at Audience Choice.

Gulong: Ikot ng tadhana

Tampok sa pelikulang Gulong ni Sockie Fernandez ang makulay na kuwento ng tatlong bata na sina Apao (Steven Fermo), kasama ang kanyang pinsang si Momoy (Jorge Harris Concordia), at matalik na kaibigang si Tomtom (David Joshua Mediana).

Sa pagdating ng pinaka-aasam na bakasyon, umikot ang mga pangyayari sa isang simpleng plano ng mga magkakaibigan na pumunta sa palaisdaan ng tiyuhin ni Tomtom. Sa kasamaang palad, walang bisikleta si Apao at Momoy na gagamitin upang makarating doon. Nagkataon namang nakita ni Momoy ang isang bisikleta sa isang lumang bahay na pagmamay-ari ni Tiya Maggie (Barbara Perez). Ngunit hindi batid ng magpinsan ang nakakubling kuwento ng pag-ibig sa bisikleta kaya hindi naging madali para sa kanila na makuha ito. Sa kagustuhang magkaroon ng bisikleta, nangako si Apao na babalik kinabukasan upang tuparin ang kondisyon na ibinigay ni Tiya Maggie. Lingid sa kaalaman ni Apao, susubukin siya ng ilang pagsubok at pagkabigo. Gamit ang kanyang mabuting puso, unti-unti ring nalagpasan ni Apao ang mga pagsubok na siya ring naging daan para matuklasan at mapagaling niya ang mga lihim na hinanakit na ibinaon ni Tiya Maggie sa alaala ng 40 taong bisikleta.

READ
Dismissed instructors sue UST officials

Naipakita sa pelikula ang magandang bunga ng pagkakaroon ng mabuting loob ni Apao sa kanyang pamilya, sa kapwa, at maging sa buong bayan. Patunay ito na sa mumunting kabutihang ipinamamalas, ang pag-usbong ng mas malaking mga bagay ang siyang dulot ng mga ito.

Kadin: Patungo sa kamulatan

Hindi lamang matatanda ang humaharap sa matitinding pagsubok ng buhay dahil kung minsan, nakararanas din kahit mga musmos man. Ito tema ng Kadin ni Adolfo Alix, Jr.

Nagsimula sa isang pista ng mga Ivatan ang pelikula. Nagkakasiyahan ang bawat naninirahan kaya’t marami ang nakaligta sa kani-kanilang kabuhayan. Kabilang na rito si Peping (Rico Mark Cardona), isang batang inatasan ng kanyang ama na alagaan si Gima, isang kadin (kambing sa Tagalog.) Naiwan at hindi inaasahan ni Peping na magigising na lamang siya na wala na si Gima. Dahil ang mga gatas ng kadin lamang ang bumubuhay sa kanilang pamilya, alalang-alala si Peping. Katulong ang nakababatang kapatid na si Lita, hinanap ni Peping ang alaga. Isang serye ng pakikipagsapalaran ang sumalubong sa kanila na unti-unting tumulong sa magkapatid na matagpuan ang kadin at ang tunay na kulay ng buhay.

Kapansin-pansin ang simple ngunit nakaaantig na kuwento ng Kadin. Mapupuna na binigyang halaga ang katapangan ng puso ng isang bata sa pagharap sa isang hamon. Pinatunayan ni Alix ang pagiging mahusay na direktor dahil sa husay na pagkuha ng eksena na kinilala bilang may pinakamahusay na sinematograpiya at pinakamahusay na musika.

Tukso: Misteryo at sapantaha

Isang pelikula na gumamit ng paputol-putol ngunit paulit-ulit na eksena ang Tukso ni Dennis Marasigan. Umiikot ang tema ng pelikula sa misteryosong pagkamatay ng isang dalaga, si Monica (Diana Mahalay). Hindi matukoy kung sino ang pumatay sa kanya kaya’t isang serye ng imbestigasyon ang isinagawa sa mga taong malalapit dito. Kabilang sa mga salarin sa pagpatay kay Monica ang kanyang kasintahan (Sid Lucero), kanyang ama (Soliman Cruz), at malapit na kaibigan (Ping Medina.) Pawang mapagdududahan ang lahat ngunit may kani-kaniya silang dahilan para ipagtanggol ang sarili. Sa huli, hindi inaasahang ang kapitbahay (Irma Adlawan) ang siyang aksidenteng nakatulak kay Monica dahil sa galit nito sa pananakit sa kanyang mahal (Medina). Ngunit hindi rin niya inamin ang kanyang pagkakasala at sa huli ay hindi rin siya naparusahan.

Kumpara sa Sa North Diversion Road na unang pelikula ni Marasigan noong isang taon, matatayang mas maganda ang istorya ng Tukso na siya ring nagkamit ng parangal para sa Pinakamahusay na Dulang Pampelikula sa Cinemalaya. Pino at malinis din ang bawat kuha ni Marasigan sa Tukso.

Still Life: Kulay ng pag-asa

Binigyang buhay ng manunulat at direktor na si Katrina Flores sa kanyang pelikulang Still llife ang karakter ng isang pintor na nahaharap sa isang matinding pagsubok ng buhay.

READ
Tomasino nasawi sa Manor

Matapos matuklasan ni James Masino (Ron Capinding) ang matinding karamdaman, nagdesisyon siyang iwan ang siyudad upang hanapin ang bagay na kaniyang ipipinta sa huling pagkakataon. Sa kaniyang paglalakbay, naging kaakibat niya si Emma (Glaiza de Castro), isang maganda at natatanging babae na siyang nagbigay pag-asa sa buhay niyang unti-unting nauubos. Dahil dito, natagpuan ni James ang tangi niyang inaasam at si Emma ang naging kulay sa larawang kaniyang nais maipinta.

Angkop man ang organikong musika sa Still Life, hindi naman nakatulong ang mabagal at limitadong tunog nito sa pagkuha ng atensyon ng mga manonood. Hindi rin naiwasan ang mga pagkakataong malito ang mga manonood sa kung ano ang tunay na nais ipahiwatig ng mga eksena.

Samantala, sa kabila ng kakulangan, kahanga-hanga naman ang sinematograpiya nito kung saan malinaw na naitampok ang simple ngunit kabigha-bighaning tagpuan ng pelikula.

Ligaw liham: Lihim at liham ng pagsinta

Hango sa totoong pangyayari noong 70’s kung kailan ang sulat at telegrama ang pangunahing paraan ng pakikipagtalastasan, isang kuwento ng pag-ibig na umusbong sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon ang Ligaw Liham ni Jay Abello.

Naganap ang istorya sa isang bayan sa Negros, kung saan tuluyang huminto ang komunikasyon ng mga mamamayan sa kabihasnan nang biglang ipinatigil ng kanilang alkalde ang serbisyo ng kanilang post office. Maliban sa kartero at ang tagapangalaga ng bodega kung saan pansamantalang itinago ang mga nakolektang liham, walang kamalay-malay ang taong bayan sa nangyari.

Nang malaman ito ni Nor (John Michael Lee), anak ng tagapangalaga ng bodega, ginamit ng binata ang pangyayari upang mapanatag ang loob ng babaeng kanyang minamahal, si Karen (Karylle), na nag-aalala sa sinapit ng kanyang asawang nagtatrabaho sa Vietnam nang nahinto ang pagsagot nito sa kanyang mga liham.

Sa paguudyok at tulong ng karterong kapatid, natutunan ni Nor kung papaano gayahin ang sulat kamay ng ibang tao at dayain ang pagpapadala ng sulat upang mapapaniwala si Karen na sinasagot siya ng kanyang asawa. Ngunit tulad ng lahat ng kasinungalingan, naudlot ang pagpapalitan ng dalawa ng matatamis na liham nang muling buksan ang post office at mabunyag ang mapait na katotohanang huwad pala ang lahat ng natangap na liham ni Karen.

Bagama’t umikot ang istorya sa tipikal na temang bawal na pag-ibig, nabigyan ito ng panibagong presentasyon ni Abello gamit ang kakaibang sitwasyon. Kahanga-hanga ang sinematograpiya ng nasabing pelikula sa paggamit ni Abello ng magagandang tanawin ng Negros. Napatotohanan din niya ang mahinahong damdaming madadama sa probinsya sa paggamit ng akmang tunog.

Tulad ng nakaraan na taon, naging isang mabungang taon muli ito para sa Cinemalaya. Ayon sa pahayag ni Nestor Jardin, ang direktor ng Cinemalaya, sa isang artikulo mula sa Philippine Daily Inquirer, naging matagumpay ang festival ngayong taon sa pagtapat nito sa 10,000 target mark ng mga manonood. Muling pinalabas ang mga kasaling pelikula sa tanghalang Cine Adarna ng Unibersidad ng Pilipinas sa Hulyo 31 hangang Agosto 4, bago mapunta ito sa tanghalang IndieSine sa Robinson’s Galleria.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.