UMAABOT nang mahigit 80 ang mga diyalekto sa Pilipinas tanda ng pagkakaiba-iba ng kultura ng mga tao sa loob ng bansa. Sa kabila nito, iilang manunulat na lamang ang nagsusulat gamit ang diyalektong kinalakihan nila. Buhay pa nga ba ang panitikang rehiyon?

Inihandog ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo at ng UST Center for Creative Writing and Studies ang “Mga Suliranin ng Panitik Mulang Rehiyon,” kung saan tinalakay ang paggamit ng diyalekto, lalo na ang Bikol at Iloko sa mundo ng panitikan. Ginanap ito noong Hulyo 21 sa Thomas Aquinas Research Center.

Sa ngalan ng “pagkakaisa”

Dahil sa pagbaba ng bilang ng mga mambabasang Pilipino, maraming mga manunulat, kritiko, at kasapi ng akademya ang naghahanap ng paraan upang mapausbong muli ang pagbabasa sa bansa, lalung-lalo na sa kabataan.

Iminumungkahi ng mga batikan sa panitikan tulad ng dating patnugot para sa Panitikan ng Varsitarian na si Bienvenido Lumbera, pambansang alagad ng sining, ang pag-iisa ng mga teksto sa bansa sa iisang wika, ang wikang Filipino, upang maitaguyod ang “panitikang pambansa.” Hindi lamang nakabatay sa diyalektong Tagalog ang wikang Filipino, bagkus ay may impluwensiya rin ito ng mga pangunahing diyalekto sa Pilipinas tulad ng Cebuano.

Pero hindi sang-ayon dito ang tagapagsalita ng panitikang Bikolano na si Abdon Balde, Jr., isang Bikolanong manunulat na nanalo sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa maikling kuwentong. Nanalo rin ng National Book Award ang libro niyang Hunyango sa Bato (University of Santo Tomas Publishing House, 2004)

Pinuna ni Balde ang pagsasalin sa Filipino ng mga panitikan para mas mabasa ng nakararami. Para sa kanya, mas angkop pa rin ang diyalektong gamit ng manunulat upang mailathala ang mga karanasang natatangi sa mga naninirahan sa rehiyong iyon.

READ
Walang batas para sa 'mandatory drug test'

“Kapag nagsasalin ka kasi ay hindi maiiwasang maiba ang mensahe ng tula. Problema na rin diyan ang issue ng intellectual property rights dahil kadalasan ay hindi humihingi ng pahintulot ang tagasalin mula sa manunulat,” ani Balde.

Isinalaysay din ni Balde ang kaniyang pagsusulat gamit ang wikang Bikol matapos subukang sumulat sa Filipino.

“Babalik at babalik din iyong kamalayan mo sa pinanggalingan mong pook,” ani Balde.

Binanggit din ni Balde ang pagkakaroon ng pag-iisip ng karamihan na nakasentro lamang ang panitikan sa Maynila, kung kaya’t maraming mga manunulat ang pilit na pumupunta sa lungsod upang magkaroon ng pagkakataon na makilala. Isinama ni Balde ang kakulangan ng mga paaralan at silid-aklatan sa mga probinsya bilang isa sa mga dahilan ng naturang mentalidad. Isa ring balakid ang kakulangan ng mga publikasyon at patimpalak na nagpapayaman sa panitikang Bikol.

“Madalas ay sinusubukan muna ng manunulat sa rehiyon ang maging columnist sa diyaryo para sumikat. Pagkatapos ay luluwas na siya papuntang Maynila para mas makilala siya,” paliwanag ni Balde.

Idinagdag ni Eros Atalia, kuwentista at propesor sa Pakultad ng Sining at Panitik, na sakit ng isang multilingual na bansa ang pagkakaroon ng “imperial language,” kung kaya’t naisasantabi ang mga diyalekto sa kapakanan ng wikang nangingibabaw sa marami.

Kultura ang batayan

Ngunit para sa Ilokanong manunulat na si Jose Bragado, mayhawak ng AB Journalism equivalency degree mula sa Fakultad ng Sining at Panitik, at dating pangulo ng Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano (GUMIL) o Samahan ng mga Manunulat na Ilokano sa Pilipinas, walang suliraning hinaharap ang panitikang Iloko. Dahil nakaugat sa kultura ang mga sulatin ng mga manunulat na pangrehiyon, tulad ng komedia at zarzuela, napagyayaman at napalalago na nito ang diyalektong gamit nila.

READ
Benipayo return still uncertain

“Ang mga ito ay batay sa kultura ng mga Ilokano,” ani Bragado.

Ginamit na halimbawa ni Bragado ang dallot, isang tulang binibigkas ng pakanta, at ang dung-aw, isang tulang inaalay sa patay, na natatangi sa kasanayan at karanasan ng mga Ilokano.

“Ang mga makatang Ilokano ay binibigkas ang kanilang tula na may himig na katutubo,” paliwanag niya.

Para kay Bragado, sapat na katibayan ang pagkakalimbag ng mahigit 100 na titulo ng panitikang Iloko upang patunayan ang pagkakaisa ng mga manunulat na Iloko sa mundo ng literatura.

Katapatan sa pinanggalingan

Gumagawa ngayon ang mga manunulat mula sa rehiyon ng paraan upang mapalago ang kanilang panitikan. Nariyan ang GUMIL na tumutulong sa mga kasapi nito sa mga adhikaing pampanitikan, tulad ng pagpapalimbag ng kanilang mga gawa, upang mapagyaman ang panitikang Iloko. Mahigit 2000 ang kasapi ng GUMIL. Nariyan din ang Bannawag, ang pangunahing magasing Iloko na itinatag noong 1937. Naglalathala ng mga maikling kuwento, tula, balita, at mga sanaysay sa wikang Iloko ang nasabing babasahin.

Napagyayaman naman ang panitikan sa Visayas tulad ng panitikang Cebuano ng mga publikasyon tulad ng Bisaya magasin, Banat News, at SunStar Superbalita na naglalathala ng mga sulatin sa wikang Cebuano. Bukod dito, tumatanggap din ng mga Cebuanong manunulat ang UP National Writer’s Workshop at Illigan’s National Writer’s Workshop.

Tumutulong din ang mga patimpalak tulad ng Palanca sa pagpapayaman ng panitikang pangrehiyon sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga kategorya para sa wikang Iloko, Hiligaynon, at Cebuano.

“Karamihan sa mga sumasali (sa patimpalak) ay mga propesyonal. Nagiging inspirasyon (sila) sa mga baguhang manunulat,” paliwanag ni Bragado.

READ
UST all set for 2015 Bar examination

Sa huli, nagbigay ng mensahe si Balde sa mga kabataan, lalo na sa mga baguhang manunulat, na hindi nila dapat talikuran ang pinanggalingan nila.

“Para maging unibersal ang isinusulat mo, hindi kailangang magsulat ka sa buong daigdig. Sa maliliit na bagay manggagaling ang kahusayan ng sinulat mo,” ani Balde.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.