LUWALHATI sa mga panginoon ng Parnassong Pilipino.

Sa pamamagitan ng “Pistang Panitik,” binigyang-pugay ng ilang manunulat at kritiko ang mga naiambag sa panitikang Pilipino ng mga nabubuhay pang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Idinaos ito kasabay ng ika-28 Manila International Book Fair mula Agosto 31 hanggang Setyembre 2 sa World Trade Center, Lungsod ng Pasay. Lumahok din ang ilang Tomasinong propesor ng panitikan sa apat na araw na pagsusuri at pagbabalik-tanaw sa mga akda nina Bienvenido Lumbera, Francisco Sionil Jose, Virgilio Almario, Alejandro Roces, at Edith Tiempo.

Sining at bayan

Sa unang araw ng “Pistang Panitik,” tinalakay nina Roland Tolentino, Rod Nuncio, at Rosario Torres-Yu ang pagpapahalaga ni Bienvenido Lumbera sa tungkulin ng literatura sa pagbabagong-panlipunan. Personal namang dumalo sa okasyong ito si Lumbera, na isang alumnus ng Unibersidad at dating patnugot sa panitikan ng Varsitarian.

Ipinaliwanag ni Nuncio, na kasalukuyang puno ng Kagawaran ng Filipino sa De La Salle University-Manila, na mayroong tatlong hakbang sa pag-unawa sa mga kritikal na akda ni Lumbera. Ang mga ito ay ang pagtanaw ng isang kritiko sa kaniyang lipunan, ang muling pagsusuri sa kasaysayan at ang pag-aakda ng bansa. Tinutukoy ng huli ang pagbibigay ng mga mungkahing pagbabago sa lipunan sa pamamagitan ng mga akdang-pampanitikan. Dagdag pa ni Nuncio na isinasakatuparan ng mga ito ang mga ideya ni Lumbera hinggil sa isang makabayang pagsusuring-pampanitikan.

Para naman kay Tolentino, na isang propesor sa pagsusuring-kultural sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman(UP-Diliman), naging mahalaga si Lumbera dahil sa kaniyang paglahok ng mga usaping hindi gaanong napapansin ng mga iskolar tulad ng mga pocketbooks, pelikula at mga panitikang rehiyonal.

“Una rin si Bien sa pagkilala sa mga hindi kinikilalang koneksyon sa kritisismong-panitikan: ang kaugnayan ng kasaysayan ng pelikula at lipunan, at ang pangangailangang pagsubstansiya ng panitikang-rehiyonal sa panitikang-pambansa,” ani Tolentino.

Itinuon naman ni Yu, na dating dekana ng College of Arts and Letters ng UP-Diliman, ang kaniyang pag-aanalisa sa pagbalikwas ni Lumbera mula sa kaniyang dating “burgis” na ngayo’y “makabansang” pananaw hinggil sa lipunan at panitikan. Aniya, mapapansin sa mga akda ni Lumbera gaya ng Bayan at Lipunan ang kaniyang matatalim na pananaw hinggil sa itinuturing niyang mga puwersang sumisiil sa pambansang pagkakilanlan ng mga Pilipino.

READ
Panalangin

”Nangingibabaw (sa mga sanaysay ni Lumbera) ang pang-uusig niya sa kolonyalismo, imperyalismo, at globalisasyon. Nangingibabaw rin ang kamalayang-pangkasaysayan o historical consciousness sa mga ito,” paliwanag ni Yu.

Ang imahe bilang mensahe

Sinuri naman nina Jose Victor Torres at Ferdinand Lopez, kapwa mga propesor sa Unibersidad, at J. Neil Garcia ng UP Diliman, ang papel ng imahe sa mga nobela ni Francisco Sionil Jose sa ikalawang araw ng Pistang Panitik noong Agosto 31.

Para kay Torres, isinisiwalat ng mga nobela ni Sionil Jose hindi lamang ang heograpiya ng tagpuan ng kuwento kung hindi pati na ang kabuuang kasaysayan ng bansa tulad sa Po-on na nagtatampok sa mga huling kabanata ng labanan sa Pasong Tirad.

“Ang mga nobela ni Jose ay hindi lamang sulating pampanitikan kung hindi ay paglalathala rin ng ating kasaysayan,” paliwanag ni Torres.

Inilahad naman ni Lopez ang kahusayan ni Sionil Jose sa paggamit ng wika upang mailarawan ang magkasalungat na mga imahe ng isang lugar. Ginawa niyang halimbawa ang nobelang Mass, na aniya ay nailantad ang magkakaibang pananaw hinggil sa Tondo.

“Nang binabasa ko ang nobela, ang dami kong nakitang imahe ng Tondo. Ang una ay ang Tondo na maikukumpara sa isang mapagkalingang ina habang ang ikalawa naman ay ang Tondo na parang isang libingan ng lahat ng mga pangarap na hindi naisakatuparan,” aniya.

Pinagtuunan naman ng pansin ni Garcia, na nagtapos ng AB Journalism, magna cumlaude, sa UST, ang pagkakaroon ng makabayang tema sa mga akda ni Sionil Jose. Ayon sa kaniya, makikita sa mga nobelang ito ang kabalintunaan ng nasyonalismo ng mga Pilipino.

“Paano natin tutuligsain ang Amerika kung ito ang bumubuo sa malaking parte ng ating pagkatao, na sadyang nagbibigay rin sa atin ng kakayahang labanan ito?” ani Garcia.

Ang makata at ang kritiko

Tinalakay naman ng mga makatang sina Roberto Añonuevo, Rogelio Mangahas, at Michael Coroza ang naging papel ni Virgilio S. Almario bilang makata at kritiko sa pag-unlad ng panulaang Filipino.

Ayon kay Añonuevo, mababakas ang kasaysayan ng panulaang Filipino sa mga tula ni Virgilio Almario dahil sa lawak ng mga paksang kaniyang tinatalakay sa mga ito. Ipinaliwanag din niya na magkaugnay ang Virgilio Almario bilang kritiko at ang “katuwang” nitong makata na si Rio Alma. Aniya, tinataglay ng mga tula ni Rio Alma ang mga aral na nakuha niya sa pagsusuri sa iba pang mga akdang pampanitikan.

READ
Mecheline Zonia Manalastas; 56

Tinalakay naman ni Coroza, na dating katuwang na patnugot ng Filipino ng Varsitarian, ang pagbabago ng pananaw ni Almario mula sa tradisyonal patungo sa isang post-colonial na perspektibo ngunit tumatanaw pa rin sa kaniyang pinanggalingang kaugalian.

Para naman kay Mangahas, na nakasama ni Almario sa University of the East noong dekada 60, isang malaking ambag ni Almario sa panulaang Filipino ang kaniyang pagtatag ng mga palihang-pampanitikan gaya ng Galian sa Arte at Tula, at Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo o LIRA na nagsilbing pandayan ng mga makatang nagpupunyaging mahasa ang kanilang kakayahan sa pagsulat ng tula.

Katuturan sa katatawanan

Tinalakay naman ng mga kritikong sina Joselito Zulueta at Isagani Cruz ang paggamit ni Alejandro Roces ng katatawanan upang ipahayag ang kaniyang mga puna sa lipunang Pilipino.

Para kay Zulueta, hindi maikakailang maituturing pa rin si Roces bilang isa sa mga mahuhusay na manunulat dahil sa kanyang pag-usisa sa ilang aspeto ng kulturang Pilipino gaya ng sabong at pista. Ito ay sa kabila ng hindi pagseryoso ng mga kritiko sa mga akda ni Roces noong una dahil sa kaniyang paghalo ng katatawanan sa mga ito.

Dagdag pa niya na maihahambing din kay Nick Joaquin ang mga akdang isinulat ni Roces dahil sa pagsasaliksik nito sa pagkakakilanlan ng Pilipino batay sa mga impluwensiyang-Kastila at sa kanyang paggawa ng mga katha na halaw sa tunay na buhay.

“Walang Pilipinong manunulat, marahil kahit na si Nick Joaquin, ang sumulat na nang may abilidad, katalinuhan, at matinding impluwensya ukol sa piyesta na tulad niya (Roces),” ani Zulueta.

Inihambing naman ni Cruz si Roces sa ibang manunulat ukol sa paggamit ng katatawanan sa kaniyang mga katha. Aniya, habang nilalagyan ng iba ng katatawanan ang kanilang mga akda upang bawasan ang seryosong dating ng mga ito, nilalahok naman ito ni Roces upang mailahad ang katotohanan sa isang “mapaglarong” paraan

Huwarang ina ng panitikan

Sinuri naman ni Ralph Galan, kasama si Zulueta, ang mga naging ambag ni Edith Tiempo sa larangan ng panitikang Filipino sa Ingles.

READ
UST Jazz Band rocks at the 5th Manila Jazz Festival

Mayroong tatlong dahilan ang pagturing na nagtagumpay si Tiempo sa kaniyang halos limang dekadang pagsusulat, lahad ni Zulueta. Ang mga ito, aniya, ay ang pagiging mahusay ni Tiempo sa pagsulat sa iba’t ibang uri ng panitikan, ang pagbalanse niya sa kaniyang mga tungkulin bilang manunulat, at kritiko at ang pagkakalimbag ng kaniyang mga akda sa ibang bansa.

Para naman kay Galan, na isang propesor ng panitikan sa Pakultad ng Sining at Panitik, naiiba si Tiempo sa ibang manunulat sa bansa dahil sa kaniyang kakayahan na mapagsanib ang husay ng pag-iisip at ang makatotohanang paglarawan ng damdamin.

“Napatunayan ni Tiempo na hindi kailangang paghiwalayin ang utak at ang damdamin sa pagsusulat,” ani Galan.

Tinalakay rin ni Galan ang pagsunod ni Tiempo sa “romantikong tradisyon” sa panitikan na halos likas para sa mga babaeng manunulat. Dagdag pa niya na ang pagsunod na ito ni Tiempo ay isang halimbawa ng pagsanib ng panlabas at panloob na aspeto ng pagiging tao.

“Maraming naipalimbag si Tiempo ng mga tula tungkol sa pag-ibig. Kung ikukumpara ang kaniyang mga tula tungkol sa ibang paksa sa mga tula niya sa pag-ibig, makikita natin na para lang itong bunton ng lupa sa harap ng isang mataas na bundok,” aniya

Dagdag pa ni Galan na isang pambihirang katangian ni Tiempo ay ang pagtanggap sa kaniya ng mga mambabasa at kritiko. Ito ay dahil sa kaniyang “katamtamang” paggamit sa emosyon sa bawat linya ng kanyang mga tula, paliwanag ni Galan.

“Sa katunayan ay halos walang negatibong kritisismo na natanggap si Tiempo mula sa kanyang mga kapwa manunulat,” ani Galan.

Inorganisa ang Pistang Panitik ng Institute of Creative Writing at College of Arts and Letters ng UP-Diliman, Book Development Association of the Philippines, National Book Development Board, Powerbooks, Read or Die, Vibal Publishing House, at Anvil Publishing.

Sa pagdaraos ng Pistang Panitik, muling inilahad sa kabatiran ng mga ordinaryong mambabasa ang mga naging pamana nina Lumbera, Sionil Jose, Almario, Roces, at Tiempo sa lalong pagtaguyod ng pag-unlad ng panitikang Filipino. Ruben Jeffrey A. Asuncion, Kristine Joy L. Dabbay, Richard U. Lim, Roman Carlo R. Loveria, at Raydon Reyes

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.