Dibuho ni  Michelle Angelique E. CanoyGanito pala sa kolehiyo, unang araw pa lang, may assignment na. Katatapos pa lang magpakilala ng buong klase sa isa’t isa, pinagpapasa na kami ng aming propesor ng iginuhit naming dream house bilang Plate #1 para sa drafting class kinabukasan. Gusto raw niyang malaman kung mayroon kaming kakayahan sa pagguhit. Sa tingin ko naman, gusto niya lang kaming pahirapan sa pagkuha ng mataas na marka.

Pagkauwi, hinanap ko agad ang T-square, triangle at triangular scale na ginagamit ni Papa noon sa pagguhit para maumpisahan ang paggawa ng plate. Mabuti’t pinanonood ko siya dati kaya’t natutuhan ko na ang tamang paggamit sa mga ito.

Inilabas ko ang drafting paper at lapis sa bag ko at inilapag ang mga ito sa drafting table na naging saksi sa mga pangarap na ginawang kongkreto ni Papa sa bawat guhit ng lapis niya. Sa mesa ring ito siya madalas nagpupuyat upang tapusin ang mga hinihingi ng mga kliyente niya. Dito ko rin nadiskubre ang hilig ko sa pagguhit.

Umupo ako sa harap ng drafting table at nagsimulang gumuhit ng isang tuwid na linya gamit ang T-square. Pagkatapos ay kinuha ko ang triangle at inilapat ito sa papel. Sukat dito, guhit doon at kaunting shading ang mga ginawa ko hanggang sa mabuo ang aking simpleng dream house na may isang palapag at hindi kataasan ang bubong. Nilakihan ko rin ang mga bintana para maayos ang daloy ng hangin at wala rin masyadong mga dekorasyon para mas komportable.

Inirolyo ko ang aking natapos na gawa at inilagay ito sa canister. Napakabigat na ng mga talukap ng mata ko. Mukhang mamanahin ko rin yata ang pagpupuyat ni Papa. Tiningnan ko ang orasan, alas-dos na pala ng madaling-araw, ang mismong oras nang magpaalam si Papa.

Wala siyang ipinakitang senyales ng iniinda niyang karamdaman noong araw na iyon. Nakapag-jogging pa nga kami pa-ikot sa buong village noong umaga. Pero kinagabihan, bigla na lamang siyang naging tahimik matapos maghapunan. Nakakapanibago dahil dati-rati’y makikipagkulitan pa siya sa akin bago ako matulog. May tatapusin lang daw siyang plano ng isang bahay para bukas. Hindi ako makatulog noon kaya’t naisipan kong manood sa ginagawa niya pero nang puntahan ko siya, napansin kong hindi na siya humihinga. Akala ko, nakatulog lang siya sa drafting table, iyon pala’y inatake na siya sa puso. Huli na nang maisugod siya sa ospital. Walong taong gulang pa lang ako noon.

READ
Clowning around

Akala nila noon, masyado pang musmos ang aking pag-iisip para maintindihan ang mga nangyayari. Pero ang totoo’y batid ko na ang pagkawala ni Papa. Paano na kami ni Mama ngayong wala na ang haligi ng aming tahanan? Sino na ang mag-aalaga kay Mama? Sino na ang sasagot sa mga gastusin naming mag-ina? Ito ang mga katanungang bumagabag sa akin noon. Buti na lang, may isang bagay na nakapagpapanatag at nagpalakas ng aking loob. Ito ang mga sinabi ni Papa noong nagsisimula pa lang akong gumuhit noong Grade 1.

Noong una, pinanonood ko lang ang bawat pagguhit ni Papa habang sinasabi niya kung anong tawag sa iginuguhit niya. “Papa, gusto ko mag-drawing ng ganyan!” Sinabihan lang niya akong maghintay at matatapos na siya sa kanyang ginagawa. Nainip ako’t sinimulan ang paggaya sa iginuguhit niya. Napatingin siya sa akin at nakita ko ang kanyang pagngiti. “Kaya mo naman palang mag-isa,” sabi niya. “Ipagpatuloy mo lang ‘yan Miko, siguradong magagamit mo iyan balang araw.” Sayang, hindi na namin matutupad ang mga pangarap na iginuhit naming magkasama.

Magmula noon, itinatak ko sa aking isipan na kaya kong gawin ang lahat ng bagay nang hindi humihingi ng tulong sa ibang tao.

Siguro kung nabubuhay pa si Papa, abot-langit ang kasiyahan niya dahil sa nakuha kong scholarship sa isang kapita-pitagang unibersidad sa Quezon City at ang lagi kong pagkabilang sa honor roll mula elementarya hanggang high school.

Marami ang pumupuri kay Mama dahil kahit na bata pa lang ako nang mabiyuda siya, hindi ako lumaking loko-loko at pabaya sa pag-aaral. Naging maganda raw ang pagpapalaki niya sa akin. Ngunit kahit si Mama na lang ang nagpalaki sa akin, hindi ko pa rin maikakaila ang naging impluwensya sa akin ni Papa kahit sandali lang kaming nagkasama.

Nang maging valedictorian nga ako noong high school, tinapos ko ang aking talumpati sa pagpapasalamat sa kanya.

READ
Rainy season diseases

“Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Papa. Siya ang aking naging inspirasyon upang mapagbuti ang bawat ginagawa ko.”

* * *

Pagpasok ko sa klase kinabukasan, nagpapakitaan at nagpapayabangan ng drawing ang mga kaklase ko. May gumuhit ng bahay na naimpluwensiyahan ng Romanesque style na nauso noong 1870, American Federal House kung saan ang mga bintana ay hugis bilog at iba’t iba pang naggagandahang house styles. Nakakahiyang ipakita ang gawa kong simpleng bungalow style lang.

“Bakit naman napakasimple niyang dream house mo,” tanong ng isa sa mga kaklase ko. “Sabi nga sa TV, ‘Dream Big, kapamilya!’”

Napaisip ako. Oo nga naman, dream naman, bakit hindi ko pa ginawang magarbo?

“Kung magdo-drawing ako ng palasyo, alam ko namang hindi matutupad iyon,” pasimula ko. “Mas gugustuhin ko nang simple lang ang pangarap ko pero puwede namang matupad, ‘di ba?”

Hindi na ako kinausap ng kaklase ko. Nasungitan yata dahil sa isinagot ko sa kanya. Ipinasa na ang plates at natapos na ang unang period. Ilang oras pang nakalipas at uwian na. Sumakay ako ng jeep pauwi. Tulad ng pagbiyahe, naglakbay ang isipan ko sa mga panahong sana’y kasama ko si Papa.

Dumaan ang jeep sa may ospital kung saan ako nagpatuli. Naalala ko na halos lahat ng kasabay ko noon, mga tatay ang kasama. Ako lang yata ang may kasamang nanay. Halos lahat sila, nakatingin sa akin. Hindi ko malaman kung naaliw o naiskandalo sila sa aking sitwasyon. Pati ‘yung nars at doktor, nakangiti. Bago pa nga ako “binyagan” nung doktor, tinanong pa niya kung bakit si Mama ang kasama ko. “Patay na po kasi ang Papa ko,” sagot ko. Mukhang naawa yata ang doktor at binigyan pa ako ng libreng antibiotic. Hindi alam ni Mama ang gagawin noon. Ano naman ang alam niya? Hindi naman niya naranasang magpatuli.

Medyo nahirapan din ako dahil walang mas nakatatandang lalaki na nagturo sa akin maglanggas matapos ang operasyon. Sinunod ko na lang ang payo ng doktor. Mabuti nga’t hindi “nangamatis.” Sayang at hindi naabutan ni Papa ang pagbibinata ko at ang pagkakaroon ko ng girlfriend.

Noong una akong ma-in love, wala akong tatay na malapitan para hingan ng payo kung paano manligaw. Lahat ng ginawa ko, ginaya ko lang sa napapanood ko sa TV.

READ
Maiiwasan ba ang food poisoning?

Ayan tuloy, walang pinatunguhan ang aking panliligaw. Wala raw akong originality. Magpaturo raw muna ako sa tatay ko. Paano nga naman ako magpapaturo? Sasagot ba siya kapag pinuntahan ko ang kanyang puntod?

Hindi ko inaasahan ang pagtulo ng aking luha. Nakakahiya! Pinagtitinginan na ako ng mga tao sa jeep. Tulad ng pagbiyahe sa jeep, malayo na pala ang narating ng isipan ko. Ngunit kagaya ng isang paglalakbay na nagtatapos sa isang destinasyon, kinakailangan ding matapos ng aking pagbabalik-tanaw sa aking nakaraan. Pinunasan ko ang aking mga mata’t sumilip ako sa bintana. Tanaw ko na ang bahay. “Para po!”

Kinabukasan, ibinalik na ang plates namin. Laking gulat ko nang makakuha ako ng 100 porsyento na grado. Hindi naman pala ganun kabagsik si prof. Pag-uwi, nakapaghain na si Mama ng hapunan. Inilapag ko ang mga gamit ko sa sofa at pumunta na sa may hapagkainan. Masaya kaming nagkuwentuhan ni Mama sa mga nangyari sa amin noong araw na iyon habang kumakain. Tulad ng lagi kong ginagawa, hinugasan ko ang mga pinagkainan.

Matapos magpalit ng damit pambahay, tinawag ako ni Mama at may ipapakita raw siya sa akin. Iniabot niya sa akin ang isang naninilaw na papel na may drawing na bahay. Nakita raw niya ito habang nililinis ang mga gamit ni Papa.

“Bata ka pa lang, ginagaya mo na ang Papa mo sa pagguhit. Sinabi niya sa akin noon na pagtanda mo raw, hindi ka na niya kailangan pang turuan sa mga bagay-bagay dahil kaya mo namang mag-isa. Napakalaki ng tiwala niya sa iyo.”

Pinagmasdan kong mabuti ang iginuhit ko sa naninilaw na papel na iyon ilang taon na ang nakararaan. Magkahawig ang naka-drawing dito at sa plate ko.
Ito yata ang pangarap na sabay naming iginuhit ni Papa, naisip ko. Napakarami nang nangyari sa buhay ko na sana’y nasa tabi ko siya. Pero napagtanto kong tama siya – kaya kong gawin ang ilang bagay ng mag-isa.

Muli akong umupo sa drafting table at sinimulan ang paggawa ng Plate #2.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.