LANGIT ang bubungan. Tagpi-tagping piraso ng plywood ang dingding at papag. Sako ang kumot–pananggalang sa labis na lamig na dala ng ulan, isang supot ng basura ang unan sa paghimbing.

Hindi na bago ang kuwento ng buhay ni Aling Helen Guerrero. Nagtungo siya sa Maynila dahil sa pag-asang maiaahon niya sa hirap ang pamilyang nasa probinsiya. Ngunit nang lumaon, nakita na lamang niya ang sarili na labis nang nalugmok sa kahirapan. Ngayon, dalawang taon nang namumuhay ang kanyang pamilya sa isang kariton na madalas nakahimpil sa may pader ng UST sa Dapitan.

Ayon kay Aling Helen, umuupa sila ng isang kuwarto noong namamasada pa ng dyip ang kanyang asawang si Mang Edgar. Ngunit nang mawala ang kanyang pitaka kasama ang lisensya ng asawa, nawalan sila ng ikabubuhay. At dahil sa kulang ang kanilang ipon, hindi na nagawang kumuha pa ng bagong lisensya ng asawa at tuluyan nang iniwan ang pagmamaneho. Mula noon, wala na silang panustos sa pang-araw-araw na gastusin. Dahilan rin ito upang mapalayas sila sa inuupahang kuwarto at tuluyang mamuhay sa bangketa.

Ang kalye ng Oroquieta sa Sampaloc ang una nilang pinaglatagan ng mga karton bilang tulugan. Noong mga panahong iyon, sa pamamalimos nila kinukuha ang panawid-gutom sa araw-araw. Piyesta na para sa kanilang pamilya ang magkaroon ng noodles at tuyo.

“Naaawa man ako sa mga anak ko, wala akong magawa,” wika ni Aling Helen habang yakap-yakap ang bunsong anak na si Romelyn.

Sa pamamagitan ng mga naipong limos, nakabili si Aling Helen ng mga gamit upang maigawa ng asawa ang kanilang pamilya ng isang karitong magagamit sa pamamasura.

Hatak-hatak ang kanilang kariton, araw-gabi ay umiikot ang pamilya ni Aling Helen sa mga tindahan at restawrang nakapalibot sa UST. Humihingi at namumulot sila ng mga bote at plastik na ibinebenta naman nila sa mga junkshop. Kumikita sila ng P80 hanggang P90 bawat linggo mula rito, sapat na para sa isang linggong pagkain.

Ayon kay Aling Helen, sa ilang taon na ring paninirahan sa kalye, wala na silang hindi matitiis. “Nu’ng bumaha nga rito nang malalim (Dapitan), diyan lang kami sa bangko (University Savings Bank) nakaistambay. Tapos, aanod-anod iyong kariton namin, parang dinuduyan,” nakangiti pa niyang kuwento.

READ
From an artist's lineage

Sa UST

“Hindi naman kami nagkakalat, pero kami ang sinisisi nila,” pagrereklamo ni Aling Helen nang itanong sa kanya ng Varsitarian ang pagtratong ibinibigay sa kanila ng mga guwardiya ng UST.

Ayon kay Aling Helen, mas maayos pa ang paraan ng pagpapaalis sa kanila ng mga pulis kung ikukumpara sa pamamaraan ng mga guwardiya ng UST. ”Mas maganda (ang pagtrato sa amin) ng mga pulis. Sabihan lang naman kami ng maayos, aalis kami,” wika niya.

Idinagdag pa ni Aling Helen na bukod sa naninigaw, nanakit din ang mga guwardiya. Ayon sa kanyang kuwento, noong bago pa lamang nakaparada ang kariton nila sa tabi ng pader ng UST, binatukan ng isang guwardiya ang isa nilang kasamang namamasura.

“Ang sabi ko nga, dahil ba ganito lang ba ang buhay namin, ginaganyan-ganyan na lang nila kami?” dagdag pa ni Aling Helen.

Dahil dito, tinungo ng Varsitarian ang Security Office ng UST upang alamin ang standard operating procedures (SOP) ukol sa mga pulubing namamahay sa paligid ng UST. At sa panayam kay Chief Officer Alfredo Mifa, pinasinungalingan niya ang mga paratang nina Aling Helen.

Ayon kay Aling Helen, minsan lamang kung mag-ikot ang mga guwardiya ng UST sa puwesto nila kaya’t nabibigla na lamang sila sa tuwing darating ang mga ito at sapilitan silang paalisin.

“Minsan-minsan lang sila dito. Ilang buwan na (ang nakalilipas), bago sila bumalik kahapon,” salaysay ni Aling Helen.

Samantala, ayon kay Mfra, araw-araw na pinupuntahan ng mga miyembro ng kanilang departamento ang mga puwesto ng mga lamang-lansangan.

“Paikot-ikot lang naman ang mga ‘yun (pulubi). Iikot sa Dapitan, pupunta sa P. Noval, tapos sa España,” dagdag pa niya.

Nilinaw din ni Mifa ang kuwentong hindi maganda ang pagturing nila sa mga pulubi. Ayon sa kanya, maayos ang paraan ng mga guwardiya. “Kung minsan nga, pinangungunahan ko pa sila,” pahayag niya.

READ
Prop binigyang diin ang moralidad

Ang Batas

Ipinagbabawal ng Crimes Against Public Morals, Offenses Against Decency, and Good Customs ng Kodigo Penal ng Pilipinas ang pagkalat ng mga pulubing tulad nina Aling Helen.

Ayon kay Judge Arturo Buenavista, madali lang naman makilala ang mga ito.

“We can identify vagrants as those marginalized who live in the streets, begging in profession and the likes,” ani Buenavista.

Sa ilalim ng Artikulo 202 na may titulong Vagrants and Prostitutes, maituturing na pulubi o vagrant ang isang tao kung wala itong hanapbuhay, ngunit may pisikal na kapasidad na magtrabaho; kung nagpapalaboy-laboy ito sa mga pampublikong gusali o lugar at walang tiyak na mapagkukunan ng panustos sa sarili; kung ito ay may masamang pagkakakilanlan at madalas na matagpuan sa mga pook aliwan o madalas makitang kasama ng mga prostitute o mga taong nagbebenta ng panandaliang aliw.

Isinasaad din ng nasabing batas na ang sinumang maihabla sa ilalim ng kasong ito ay nakatakdang parusahan ng arresto menor o pagkakakulong mula isa hanggang 30 araw o hindi kaya ay pagbabayad ng P200 na multa.

Ang Pamahalaan

Ang Metro Manila Development Authority (MMDA), National Housing Authority (NHA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ilan sa mga sangay ng pamahalaan na inaasahang magbigay-solusyon sa suliranin ng bagansya.

At sa matamang pagtitimbang ng mga pananagutan ng bawat sangay, iisa lamang ang mabubuong konklusyon—hindi natutupad ng mga nasabing sangay ang layunin nilang mapabuti ang kabuhayan ng ating kapus-palad.

Nang sinubukan ng Varsitarian na makipag-ugnayan sa mga nabanggit na tanggapan, muli na namang pumaimbabaw ang sakit na turuan at pasahan ng mga Pilipino. At nang tangkain ng Varsitarian na makuha ang panig ng DSWD-NCR tungkol sa usaping ito, sinabi nila na wala pang “extensive project” ang kanilang sangay para sa mga taong-lansangan.

Dahil sa ang lokal na pamahalaan ang tuwirang namamahala sa malawak na suliranin, malaki ang kakayahan at kapangyarihan nilang matulungan ang mga mahihirap sa kanilang nasasakupan. At dahil sa sila ang namamahala sa pondo, sa kanila rin umaasa ang mga ito. Ngunit kung pakikinggan ang kuwento ni Aling Helen, tila malabo pang maibigay ang tulong na inaasahan nila mula sa pamahalaan.

READ
Broader 'internationalization' sought for students, faculty

“Sinubukan na naming humingi ng tulong sa City Hall pero wala naman. Binibigyan lang kami ng mga groceries, iyun lang,” ani pa ni Aling Helen.

Ang lipunan

Ayon sa pinakahuling report ng National Economic Development Authority (NEDA), mayroong 35% na mga Pilipinong namumuhay sa ilalim ng poverty line. At ayon naman kay Prop. Ernesto Gonzales ng UST Social Research Center, tanda ng labis na kahirapan ng bansa ang pagsulpot ng mga pulubi sa Kamaynilaan.

“Maraming mga dahilan kung bakit sila nama-marginalized. Indicator lang iyan ng phenomenon of poverty pero ‘yung magnitude, hindi natin alam. Given the choice, do you think magiging scavenger sila?” tanong ni Gonzales.

Idinagdag pa niya na kung magkakaroon lamang ang lahat ng sapat na panustos para sa pang-araw-araw na pangangailangan, marahil wala nang mandarayuhan pa mula sa probinsya patungong Maynila.

“Kasi sa countryside, sira na ang ecology, iniisip nilang wala nang kabuhayang uusbong mula rito. Kaya dito (Maynila), nangunguha sila (lamang-lansangan) ng mga basura upang ibenta nila. Pero `pag may kakainin sila sa probinsya, babalik ang mga ‘yan,” paliwanag niya.

Pakikibaka

Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang pakikibaka sa kahirapan ng pamilya Guerrero. Hindi magtatagal, magkakaisip na si Romelyn, ang bunsong anak nina Aling Helen at Mang Edgar. At kung hindi pa rin magkakaroon ng matino at tiyak na proyekto ang pamahalaan para sa mga lamang-lansangang tulad nila, hindi malayong mabuhay din si Romelyn sa pamamagitan ng pamumulot ng basura. Gayundin, tulad ng kanyang mga magulang, bubuo si Romelyn ng mga pangarap at isang pamilya na pagkakasyahin na lamang niya sa loob ng isang lumang kariton.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.