MAGKAHALONG tuwa at awa ang naramdaman ko nang makitang namimilog ang mga mata ng aking mga anak. Masasaya nilang pinagsasaluhan ang uwi kong palabok at tinapay habang kaliwa’t kanan ang putukan na bumabati sa pagpasok ng taon.

Hindi ko maintindihan kung bakit tulala ako habang pinagmamasdan ang ilang kalalakihang nagpapaputok sa labas. Nanginginig ako habang marahang ipinupukpok ang kamao sa bintana. Unti-unting nanumbalik sa aking alaala ang mga nangyari nang iwan ko ang aking mga anak kanina.

“Grace, bahala ka muna sa mga kapatid mo. Aalis lang ako sandali,” bilin ko sa panganay.

“’Nay, ingat po kayo sa daan,” tugon ni Grace.

Mag-isa akong naglalakad sa kalsada at humihinto sa bawat sulok ng kalye. Panay ang tingin ko sa salamin at sinasabayan ng pagpahid ng pulbos sa mukha. Dinukot ko rin ang lipstick sa dalang bag at ipinahid sa labi kong namumuti sa lamig. Winisikan ko rin ng pabango ang aking katawan para mawala ang amoy ng pulbura habang pinaglalaruan ang paglabas-masok ng usok sa aking bibig.

Kaunti lang ang mga tao. Lahat yata ay nasa kani-kanilang bahay at pinaghahandaan ang pagpasok ng bagong taon. Wala rin ang mga batang lansangan at matatandang pulubi. Natatakot siguro sa putukan. Hindi ko rin maintindihan kung bakit may kaba akong nararamdaman pero halos ilang buwan ko na itong ginagawa. Siguro dahil may okasyon ngayon pero heto ako’t nakakalat sa kalye.

Makalipas ang ilang minuto, nakasakay na ako sa likod ng isang puting kotse habang tanaw pa rin ang liwanag ng siyudad. May iba’t ibang kulay na waring nakikipag-unahan sa pagkurap sa isa’t isa. Mas malamig sa loob ng kotse dala na siguro sa lakas ng aircon. Hinigpitan ko na lang ang yakap sa sarili.

READ
Something sweet

“Pangalan mo?,” bungad ng lalaki na nagmamaneho ng sasakyan.

“Marita,” sagot ko.

“Matagal ka na rito? Ibig sabihin ko sa trabaho mo?” tanong niya.

“Hindi naman, fresh na fresh,” sabi ko.

“Magaling ka ba?” tanong niya muli.

Tawa lang ang isinagot ko.

Pagkatapos nito, bumaba kami, pumasok sa kuwarto, niyakap ako, hinalikan, hinipuan, hinubaran, at kung anu-ano pa ang ginawa ng matanda sa akin.

Matapos iyon, nahiga na lang ako sa kama. Pagud na pagod. Para akong isang manikang pinaglaruan. Wala akong pakialam kung anuman ang ginawa niya basta’t may laman na ngayon ang bulsa ko para sa kanila.

Matapos magbihis, nagmadali akong lumabas at lumayo habang mahigpit na hawak ang perang iniabot sa akin.

Pilit pa ring bumabalik sa alaala ko ang nakaraang bagong taon na buo pa ang pamilya ko—sama-samang kumakain, nagkukuwentuhan, at nagtatawanan. Subalit bigla na lang kami iniwan ng ama nila makalipas ang isang linggo na parang mga kuting na hinahanap ang inahing pusa para pasusuhin! Parang mga asong naghihintay ng magpapalamon!

Kahit pinipilit kong kalimutan, unti-unti itong pumapasok sa pagod kong isip. Duwag ako. Hindi ko man lang ipinaglaban ang aking mga anak. Nagpakalunod ako sa mga pangakong walang katotohanan—pakakasalan, magtatayo ng sariling bahay, pag-aaralin ang mga anak, bibigyan ng magandang negosyo, at ipapasyal sa malalayong lugar. Ayoko nang umasa pa.

Binilisan ko na ang paglakad dahil malapit na ring mag-alas dose. Bitbit ang supot ng pagkain, dumaan muna ako sa likod ng bahay bago pumanhik para maghilamos. Dumaloy sa tubig ang mga koloreteng nagtago sa tunay kong pagkatao.

READ
Improving the ranks

Nadatnan kong himbing na sa pagtulog ang mga bata.

“Grace, kumain muna kayo,” gising ko sa panganay.

Nagpangalumbaba ako sa bintana habang pinagmamasdan ko ang pagsayaw ng mga ilaw sa labas na sinasabayan pa ng mga awiting masasaya. Marami ring mga bata sa labas na may hawak na lusis. May mga tao ring nakatumpok at nagtatawanan. Bakas ang kasiyahan sa lahat maliban sa loob ng aking bahay.

Napatingin ako sa aking mga anak. Parang silang mga sisiw na mabilis na isinusubo ang mga pagkain. Hindi ko ipinakitang naaawa ako sa kanila dahil panay ang tingin sa akin ni Grace. Ngumingiti na lang ako sa kanya.

“Happy New Year!” sigaw ng mga tao sa labas.

“Bagong taon na naman, bagong pag-asa sabi ng iba,” sabi ko sa sarili.

Lumapit si Grace sa akin dala ang isang piraso ng tinapay.

“’Nay, happy new year po, kain muna kayo,” sabi niya.

Alam kong nahihirapan siyang sabihin ito dahil malimit naman niya akong kausapin. Namumugto ang kanyang mga mata nang yakapin niya ako. Mahigpit ang pagkakayakap niya sa akin na halos kilabutan ang aking katawan.

Nakatingin sa akin ang mga iba kong anak. Napaiyak ako.

“Happy New Year din anak,” sagot ko sabay halik sa noo ng panganay.

Lumuwag ang pakiramdam ko. Tila hindi na ako ang dating “Marita.” Pero tulad pa rin ng dati, mangangarap ako para sa kanila—pangarap na magsisimula sa sarili kong pagbabago.

Matapos ang ilang minuto at halos tahimik na sa labas, isang malakas na putok ang narinig na mabilis na pumasok sa loob ng tenga ko. Putok na gumising sa aking nanlalamig na kamalayan. Putok na gumambala sa aking kunsensiya. Putok na nagbukas ng panibago kong mundo. Iyon ang huling putok nang gabing iyon. Putok na hudyat ng bagong simula.

READ
Poetry's therapeutic powers emphasized

“Para sa akin ‘yun,” sabi ko sa mga anak ko na may ngiti.

“Hindi po ‘nay, para sa atin ‘yun,” tugon naman ni Grace sabay tawa.

Sana lagi nang masaya rito sa loob ng bahay. Rupert Roniel T. Laxamana III

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.