SA PAGMAMAHAL sa pagsulat, maski panahon ay hindi maaaring humadlang.

Iyan ang pinatunayan ng kuwentista at sanaysayistang si Nita Umali-Berthelsen at makatang si Teo Antonio, ang mga tatanggap ng Parangal Hagbong ngayong taon, na may kani-kaniyang karanasan kung paano binago ng takbo ng panahon ang kanilang mga buhay.

Nita Umali-Berthelsen

Halos nabaon man sa limot ang mga nagawa niya, hindi pa rin makakaila ang malaking kontribusyon ng kuwentista at sanaysayistang si Berthelsen sa larangan ng panitikan.

Nagtapos noong 1946 sa noo’y Faculty of Philosophy and Letters (Philets) ng UST, isa si Berthelsen sa mga piling estudyante na nakapagsimulang magturo sa Unibersidad bago pa man magtapos sa kolehiyo.

Taglay ang kaniyang hilig sa pagsusulat, sumali si Berthelsen sa Varsitarian noong dekada ’40.

“She (Nita Umali-Berthelsen) was not driven. She had a very charmed life [when she was young]. She was a spoiled brat and writing was something she liked doing,” ani Karen Cardenas, anak ni Berthelsen.

Nagsimula ang pormal na pagsusulat ni Berthelsen nang makabalik siya sa Pilipinas noong 1947 mula sa University of Iowa kung saan niya kinuha ang kaniyang M.A. English. Isa siya sa iilang bilingguwal na manunulat ng panahong iyon. Sa parehong taon din siya nagpakasal kay Poul Berthelsen, isang Dane, na nagbunga ng tatlong supling.

Sa kaniyang pagbabalik, nag-iwan si Berthelsen ng bakas sa panitikan sa bansa. Nagwagi siya ng ikatlong gantimpala sa timpalak ng Free Press noong 1949 para sa kaniyang kathang, The Monkey Maker, na inilarawan ni Teodoro Locsin, isa sa mga hurado bilang isang magandang kuwento: “A good story, presented obliquely – with strong effect. I found well done clash between appearance and reality, brutal fact and child’s fancy.”

Sa loob ng halos limang taon, nakapaglimbag si Berthelsen ng mahigit-kumulang 50 kuwento at sanaysay sa Ingles at Filipino sa iba’t ibang pahayagan sa Maynila. Nagsilbi rin siyang taga-salin at naging regular na kolumnista rin ng Taliba. Sa katunayan, ang kaniyang seryeng The Silk Cord ay nailimbag sa Weekly Women’s Magazine noong 1956.

Sa kabila ng tinamong pagkilala at tagumpay sa pagpapaanod niya ng mga salita, naging madalang na ang pagsusulat ni Berthelsen simula noong taong 1954. Nagtrabaho siya sa Philippine Coconut Authority (Philcoa) bilang public relations officer na kaniyang iniwan noong dekada ‘60 para magsilbi sa press office ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Nagtrabaho rin siya sa National Media Production Center (NMPC) at isa sa mga nagtayo ng National Population Information Education Program.

READ
Seven presidential bets troop to UST

Nang isailalim ni Marcos ang bansa sa Batas Militar noong 1973, nagpasya si Berthelsen at ang kaniyang pamilya na manirahan sa Denmark kung saan sila nanatili hanggang 2005. Sa kabila nito, patuloy pa ring nagsilbi si Berthelsen sa NMPC bilang information officer sa Europa. Nagtrabaho rin siya sa mga palimbagan sa Denmark. Nagsulat siya ng mga kuwento tungkol sa mga Filipino para sa mga magasin sa Europa.

Dito rin niya sinumulang isalin sa Ingles ang Fragmentos de Mi Juventud ng kaniyang inang si Ma. Concepcion Herrera Vda. de Umali. Pinamagatang The Tayabas Chronicles, pinarangalan ito bilang Best Translation sa National Book Awards noong 2002.

Aminado si Cardenas na hindi ganoon kakilala ang kaniyang ina sa larangan ng panitikan sa Pilipinas dahil sa paghinto nito sa pagsusulat at pagpunta nito sa ibang bansa.

Sa antolohiyang Upon Our Own Ground: Philippine Short Stories in English, 1956 to 1972, sinabi ng may-akdang si Gemino Abad na isa si Berthelsen sa mga manunulat na sa kabila ng mga napagtagumpayan ay tila nalimot na dahil sa kakulangan ng masiglang tradisyon ng mapanuring panitikan sa bansa.

Taong 1992, ng ilabas ni Berthelsen ang The Age of Carcamonia and Other Stories, isang koleksyon ng mga katha na sinasabing nagbalik kay Berthelsen sa sirkulasyon ng malikhaing pagsulat sa bansa.

Si Cardenas mismo ang matiyagang naghalughog sa silid-aklatan ng Ateneo de Manila University ng mga magasing nailimbag mula 1940s hanggang 1950s upang makakuha ng kopya ng mga katha ng kaniyang ina.

Naging malaking impluwensya sa pagsulat ni Berthelsen ang kaniyang probinsyang Quezon at ang pagiging malapit niya sa mga namamalagi sa kanilang lupain. Ani Armando Manalo, kaibigan at kasamahan sa trabaho ni Berthelsen, sa introduksyon ng koleksyon: “There is nothing quite like this chronicle in our literature and it requires only a wider scope of treatment to make it a definitive saga of the powerful but neglected segment of our social hierarchy.”

Tatlong taon na ang nakararaan nang tanggapin ni Berthelsen ang Golden Owl Award for Print Journalism mula sa Philets Foundation para sa matalas na pagtalakay ng kaniyang mga pitak at sanaysay na nailathala sa mga peryodiko sa Pilipinas at maging sa Denmark.

READ
Thomasians rule five boards

Taong 2000 nang ma-stroke si Berthelsen na naging sanhi ng kaniyang pagkakaroon ng vascular dementia, isang sakit sa pagkalimot. Sa edad na 86, kasalukyang naninirahan si Berthelsen kasama ang kaniyang anak sa Quezon City.

Teo Antonio

Isinilang sa Sampaloc, Maynila ngunit laking Bulacan, unang ninais ni Teodoro “Teo” Antonio na maging isang pintor. Hindi niya agarang ninais na sundan ang yapak ng kaniyang amang si Emilio Mar na itinuturing na “Hari ng Balagtasan” noong 1950’s. Una siyang nag-aral ng kursong advertising sa noo’y UST College of Architecture and Fine Arts noong 1964, kasabay ng pagtatrabaho bilang isang draftsman sa Manila City Hall. Tumigil siya nang pansamantala sa kaniyang pag-aaral para alagaan ang kaniyang amang noo’y may sakit, ngunit nang siya’y bumalik, iniwan na niya ang pagpipinta. Bagkus, kumuha siya ng kursong Filipino sa University of the East (UE) kung saan nalinang ang kaniyang talento sa pagsulat.

Naging patnugot ng Filipino si Antonio sa Dawn, ang opisyal na pahayagan ng UE. Pagkatapos naman niyang magkolehiyo, itinuon niya ang kaniyang pansin sa Galian sa Arte at Tula (GAT) at naging pinakaunang pangulo nito. Kasama niya rito noon ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario.

Nahirang siyang “Makata ng Taon” noong 1976 sa Talaang Ginto sa Tula na itinaguyod ng Surian ng Wikang Pambansa. Makalipas pa ang ilang taon ay naipalimbag niya naman ang kaniyang pinakaunang aklat na pinamagatang Biro-Biro kung Sanlan, isang koleksiyon ng mga tula.

Noong dekada ‘80, isa sa mga pinagkaabalahan ni Antonio ay ang pagsusulat ng pitak para sa lokal na pahayagan. Ayon kay Victor Emmanuel Carmelo Nadera, makata at kaibigan ni Antonio, ang paraan ng kanyang pagsulat sa naturang mga pitak ay patula—may tugma at sukat. Araw-araw nailalathala sa Abante si ‘Tasyong Tiwarik,’ ang sagisag-panulat ni Antonio.

Sa loob ng mahigit-kumulang 30 taon ng pagsusulat ni Antonio, umabot na ng 11 ang kaniyang mga naisulat na aklat. Kabilang rito ang mga koleksiyon ng tula katulad ng Bagay-Bagay, Pagsunog ng Dayami, Isang Daa’t Isang Lungkot at Ligaya, at iba pa.

READ
High school studes fare well in national exams

Ayon kay Nadera, kahit kailan o kahit saan, kayang-kayang tumula ni Antonio. Ngunit para kay Antonio, hindi pa rin biro ang pagsusulat ng tula. Marami man siyang mga aklat na naipalimbag, makailang-ulit muna niyang inirerebisa ang mga tulang laman sa kabuoan ng kanyang mga aklat.

Nagbunga naman ang pagiging mabusisi ni Antonio sa pagsusulat, patunay na ang mga parangal na kaniyang natanggap gaya ng ilang Don Carlos Palanca Award, South East Asian Writers Award, at Centennial Literary Prize noong 1998 para sa Piping-Dilat na koleksiyon ng mga tula tungkol sa buhay ng bayaning si Marcelo H. del Pilar.

Impluwensiyang tradisyonal at modernista ang humubog kay Antonio para makapagsulat ng mga tula. Ayon sa kaniya, naniniwala siyang kailangan munang maintindihan ng isang makata ang tradisyonal na tuntunin sa pagtula bago niya tuluyang maunawaan ang modernistang pamamaraan. Nasubaybayan niya ang kaniyang makatang ama bago pa man siya mamulat sa mundo ng pagsusulat. Naging inspirasyon naman niya ang mga akda nina Almario at Alejandro Abadilla, ang kinikilalang “Ama ng Modernismong Panulaan sa Pilipinas,” para sa modernistang pamamaraan ng pagtula.

Ayon kay Michael Coroza, isang kasamahan ni Antonio sa pagsusulat at kasalukuyang propesor sa Departamento ng Filipino sa Ateneo, tunay ngang makikita ang pagtatagpo ng tradisyon at modernisno sa mga gawa ni Antonio sa pamamagitan ng pagbabalik ng panitikang bayan ng Pilipinas at pag-uugnay nito sa mga pangyayari sa kasalukuyan.

“Ang mga tula ni Teo ay makapagbubukas ng pinto para tuklasin ng mga batang tulad natin ang karunungang bayan ng ating mga ninuno at kung paano ang karunungang bayan ng ating mga ninuno ay nananatiling totoo at kaugnay, mailalapat sa ating mga sariling karanasan,” ani Coroza.

Maging sa kasalukuyan, aktibo pa ring nakikiisa si Antonio sa tulaan at balagtasan, gaya na lamang ng gabi-gabing Happy Mondays Poetry Night sa Mag:net Café sa Katipunan, Qeuzon City, kasama ng ibang mga batikang manunula gaya nina Almario, Coroza, at Angelo Suarez.

“Kailangang ipagpatuloy ang pagsusulat ng tula dahil ang tribong ‘yan, pakaunti na ng pakaunti,” ani ni Antonio. May ulat mula kay Mark Andrew S. Francisco

1 COMMENT

  1. pwede po manghingi nang kopya nang tula ni Teo T. Antonio na ang pamagat ay Kasal ni Kikay ?

    Kailangan ko talaga ito ngaun na ngaun

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.