ANG PANITIKAN ay ang masining na pagsasalaysay ng mayamang kasaysayan ng isang bansa.

Alinsunod sa layuning muling ibangon ang iba’t ibang panitikan sa bawat rehiyon, pinangunahan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (Umpil) ang pagdaraos ng isang seryeng panayam tungkol sa kalagayan ng panitikang Waray na ginanap sa Ateneo de Manila University noong ika-17 ng Mayo.

Ayon kay Romulo Baquiran, Jr., ingat-yaman ng Umpil, ang pagbigay ng angkop sa lugar upang mapag-usapan ang mga katangian at suliranin sa panitikan ang layon ng samahan.

“Layunin ng Umpilan na palaganapin ang pagpapahalaga sa literaturang Filipino, kabilang na ang panitikang Waray,” ani Baquiran.

Waray ang pangunahing wika sa Silangang Visayas na kinabibilangan ng Samar, Leyte at Biliran. Dala ng pagiging mabundok ng mga islang ito, ang wikang Waray ay nahati sa iba’t ibang diyalekto sa rehiyon: Waray Masbate, Waray Sorsogon, at iba pa.

Bagaman mayroong pagkakaiba ang mga diyalekto sa paraan ng pagkakasunud-sunod ng mga salita sa pangungusap, hindi ito naging hadlang sa pag-usbong ng kanilang sariling panitikan na patuloy na pinagyayaman nina Gregorio Luangco at Victor Sugbo—mga haligi ng bagong panitikang Waray.

Panitikang ‘Wala?’

Ibinahagi ni Jose Duke Bagulaya sa paksang “Laughing at the World: Waray Literature’s Struggle for Existence” na ang salitang Waray ay literal na nangangahulugang “wala” at maaaring isalin bilang “panitikang wala.”

“To suggest that the literature does not exist is like saying that the people of Leyte and Samar have no literary tradition,” ani Bagulaya, isang propesor ng panitikan sa University of the Philippines-Diliman.

Aniya, hindi raw maituturing na “panitikang wala” ang Waray dahil mayroon din namang mga naisusulat na tulang Waray. Ilang mga patunay ay ang mga antolohiya ng tulang gaya ng “Waray Literature: An Anthology of Leyte-Samar Writings” ni Luangco at “Tinipigan: An Anthology of Waray Literature” ni Sugbo.

READ
UST hosts unique exhibit on Islamic architecture

Binigyang diin ni Bagulaya na bagaman salat sa manunulat ang naturang wika, ito’y isa pa ring mahalagang patunay ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino dahil ang panitikang Waray ay isang panitikang magiliw—isang kilalang katangian ng mga Pilipino.

“To laugh is to live. Laughter affirms the existence of people inhabiting these (Leyte and Samar) green islands, laughter affirms the existence of Waray literature, laughter is a way of life that sinks into our poetry,” ani Bagulaya.

“Without laughter, more than half of our poetry would disappear. For us, laughter and existence are one, so while Descartes says I think therefore I am, we (Warays) say, We laugh and therefore we exist,” dagdag pa niya.

Naghihingalo

“Mayroon namang panitikang Waray, naghihingalo nga lang,” bungad ni Jerry Gracio, komisyoner para sa Wikang Waray ng Komisyon ng Wikang Filipino, sa paksang “Ang Poetika ng Kontemporaneong Makatang Waray.”

Aniya, maibubunton sa kasalatan ng mga manunulat sa wikang Waray ang naghihikahos na estado nito.

Sinabi ni Bagulaya na ito ay ‘di lubos na maipaliwanag ng mga kritiko.

“Indeed the act of writing is a struggle to exist, to partake and to resist. Waray Lit… it barely gets printed and distributed, and the consequence is that it is barely understood,” ani Bagulaya.

Sa kabilang banda, ayon kay Gracio, nakilala ang panitikang Waray sa tradisyonal na anyo tulad ng mga awiting bayan at bugtong na patuloy na nababasa sa makabagong anyo tulad ng mga dula sa radyo.

“Hindi ito nabura ng sunud-sunod na pananakop nga mga Espanyol, Amerikano at Hapon, nagbago lamang ito ng anyo,” ani Gracio.

READ
Faculty Union wants rules on evaluation relaxed

Hantungan

Pinaalalahanan ni Gracio ang mga manunulat sa wikang Waray na upang bigyang saklolo ang kasawian ng naturang wika, dapat isaalang-alang na ang mga panitikang isusulat ay ‘di lamang lilikhain upang mapanitiling buhay ang wikang Waray, ngunit mas higit na dahilan ang paglikha upang masalamin nito ang kulturang Waray.

Dagdag naman ni Bagulaya, bagaman isang salik sa pagsusulat ang bilang ng mga magiging mambabasa ng isang likha, hindi dapat ito maging hadlang sa patuloy na pagpapayaman ng panitikang Waray.

“Saka na natin problemahin ang magbabasa,” ani Bagulaya.

Ayon kay Baquiran, handa ang Umpil na suportahan ang sinumang nagnanais na makiisa sa kanilang adhikaing palaguin ang mga punla ng panitikang Waray.

“Pagkatapos ng discussion na ito ay nagkasundo ang mga manunulat ng Waray na palakasin pa ang samahan nila,” ani Baquiran. “Handang sumuporta ang UMPIL through publication, advocacy, at promotion.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.