IGINIIT ng ilang dalubhasa, kasama ang isang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, na ang paggamit ng katutubong wika sa mga saliksik ang magpapaunlad sa akademiya sa bansa sa nakaraang ika-apat na edisyon ng “Hasaan.”

Ginanap noong Okt. 16-18 sa Alfredo M. Velayo-College of Accountancy Multipurpose Hall, ang Hasaan ay isang pambansang kumperensiyang may layong palaganapin ang paggamit ng Filipino bilang moda ng pagsulat at instruksiyon sa mga pamantasan.

Ayon kay Clarence Batan, propesor sa sosyolohiya sa UST at may-akda sa librong “Batong Bahay: Naratibo ng kahirapan at tagumpay ng isang pamilyang Pilipino,” ang kahalagahan ng paggamit ng lokal na wika hindi lamang sa lente ng sosyolohiya kundi pati na rin sa ibang larangan ng pananaliksik.

“Ang kaluluwa ng pananaliksik ay wika; kung ang ginamit na wika ng pananaliksik ay banyaga, nawawala ang tunay na espiritu ng katotohanan dahil sa isip lamang ang tinatalima, nawawala at nagwawala ang kaluluwang katutubo,” ani Batan, na nakatanggap na ng iba’t ibang grant sa pananaliksik sa loob at labas ng bansa, kasama na ang Brown International Advanced Research Institutes Award sa Brown University sa Amerika.

Aniya, ang paggamit ng lokal na wika sa mga saliksik ay nagsisilbing paraan upang lubos pang maintindihan ng nakararami ang mga pag-aaral.

Sinabi rin ni Batan na ang banyagang kasaysayan ng mga Filipino sa konsepto ng pananaliksik at agham ang sanhi ng hindi paggamit ng sariling wika.

Bukod pa rito, binigyang pansin din niya ang higit na pagpapahalaga ng mga Filipino sa banyagang wika. Aniya, hindi niya kinailangang magsalita ng wikang Ingles sa ibang bansa dahil lamang iyon ang wika nila.

READ
AB prof reappointed Unesco commissioner

“Pinababayaan nilang magsalita ka sa wikang Filipino kahit hindi ka nila naiintindihan sapagkat iginagalang nila ang pagkakapantay-pantay ng iba’t ibang lengguwahe,” ani Batan. “Sa Pilipinas ko lamang nararanasan na kailangan kong magsalita sa wikang Ingles dahil lamang may kausap akong banyaga o para mas maging intelektuwal.”

“Ang lipunang ito ay higit na nagpapahalaga sa wikang Ingles na hindi kinakatawan sa ating puso, isipan at kaluluwa kaya hindi magkaintindihan,” giit pa niya.

Samantala, nanindigan ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario na kinakailangang ipagpatuloy ang paggawa ng mga saliksik tungkol sa wika upang makasabay ito sa pag-usad ng mundo.

“Sa palagay ko, ang sanhi ng kakulangan sa ating kaalaman ay ang pangyayari na hindi nadaragdagan ang mga saliksik lalo na ng mga guro,” aniya. “Ang mga itinuturo ay madalas luma na o kaya naman ay hindi naman talaga totoo.”

Iginiit din ni Almario na malimit ang pagbabagong nagaganap sa wika na kadalasang nagmumula sa panghihiram ng mga banyagang salita o kaya naman sa mga imbentong salitang bigla na lamang umuusbong ngayon.

“Alam ng marami kung ano ang ‘jejemon’ at kung ano ang ‘gay language’ ngunit wala namang nakasasagot kung ano nga ba ang kahulugan ng wikang Filipino,” aniya, habang sinasabing ito ang mga nagiging sanhi ng kapabayaan at pagkalimot sa pagpapayaman ng Wikang Pambansa.

Ayon pa kay Almario, walang kahulugan ang wikang Filipino sa mga librong pampaaralan sapagkat kamakailan lamang gumawa ang Komisyon ng Wikang Filipino ng kahulugan kung ano nga ba ang wika.

Sumang-ayon naman si Dr. Clarita Carillo, Vice Rector for Academic Affairs ng UST, kay Almario na malaki ang ginagampanan ng mga guro upang patuloy na mapaunlad at mapalawak ang paggamit ng wikang Filipino, hindi lamang sa loob ng mga silid-aralan ngunit pati na rin sa pananaliksik.

READ
'Pitak ng Wikang Pilipino' sa 'V'

Binigyang pansin ni Carillo ang epekto sa wika ng mabilis na pag-usad ng panahon at ng makabagong teknolohiya. Para sa kaniya, ang pagkakabuklod-buklod ng mga kultura sa pamamagitan ng teknolohiya ang sanhi ng pagkahumaling ng mga Filipino sa wikang banyaga na dahilan ng hindi nila pagtangkilik sa sariling wika.

“Hindi dapat hayaang mapag-iwanan ang wika at kinakailangan ng patuloy na paggamit at pagtangkilik dito,” ani Carillo. “Huwag pabayaang mawala ang talim [ng wikang Filipino] upang mapanatili ang pagyabong nito.” Jonelle V. Marcos

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.