HINAMON ng mga dalubhasa sa wikang Filipino ang mga guro na lalong pag-ibayuhin ang kanilang pagtuturo ng wikang pambansa at wikang katutubo.

“Hindi tayo makakaasa na maging mahusay na mahusay ang mga mag-aaral kung hindi mahusay na mahusay ang modelo (mga guro) nito,” ani Ruth Mabanglo, dating propesor sa Unibersidad ng Hawaii, sa unang araw ng Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong Wika na idinaos sa Sison Auditorium, Lingayen, Pangasinan noong ika-5 ng Agosto.

Ayon kay Mabanglo, kailangang suriin ang kakayahan ng mga guro na nagtuturo ng wikang Filipino gayundin ang mga materyales na kanilang ginagamit na nakalulumpo sa kakayahan nilang magturo at manaliksik.

“Sa kasalukuyan, hindi naman makatotohanan ang mga aklat na pinagagamit sa mga estudyante. Isinulat ito ng mga awtor na ang nasa isip ay leksiyon ang tangi [nitong] layunin, upang mapadali ang gawain,” aniya.

Makabubuting gamitin bilang panturo ang mga “soap opera” at pelikulang Filipino sapagkat hindi nakatuon ang mga ito sa pagtuturo kundi sa gumagamit ng wika, at makahuhubog pa ang mga ito sa pandinig ng mga mag-aaral.

Batid naman ni Jimmy Fong, komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ang papalit-palit na kurikulum ang nagpahirap sa mga gurong magturo sa wikang katutubo.

“Ang pagbabaybay sa mother tongue at sa Filipino ay parehong-pareho. Ito ang sabihin ninyo sa kanila (mga mag-aaral),” ani Fong.

“Maraming mag-aaral ang nawawalan ng motibasyong matututo sa wikang Filipino pagtuntong ng ika-apat na baitang dahil sa kasanayan sa wikang katutubo,” dagdag pa niya.

‘Patakarang Pangwika’

“Higit sa kawalan ng kasanayan sa pagtuturo sa wikang Filipino, nakababahala din ang kawalan ng isang unibersidad ng sarili nitong patakarang pangwika o language policy dahil nawawalan ng tiyak na tunguhin ang mga itinuturo sa mag-aaral,” ayon kay Prop. Prospero De Vera III, Vice President for Public Affairs ng Unibersidad ng Pilipinas.

READ
Scholarship package

“Mekanismo ito (patakarang pangwika) upang ang galing ng [wikang Filipino] ay umusbong at lumabas. Walang direksyon sa kaguruan, sa mga estudyante lalo nang walang nailalaang atensyon doon sa pagproduce ng knowledge products,” sabi ni De Vera sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon kay Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, ang patakarang pangwika ang siyang nagtatakda kung anong wika ang dapat gamitin—Ingles o Filipino—sa larang ng pananaliksik, paguturo sa klase, maging sa pag-uusap sa isang pulong o sa mga magulang hanggang sa mga sertipiko at palatandaan.

“Ang patakarang pangwika ang nagbibigay sa atin ng identidad kung ang institusyon ba ay maka-Ingles o maka-Filipino,” sabi ni Ampil sa isang panayam sa Varsitarian. “At malinaw na ang Unibersidad ay walang patakarang pangwika.”

Sa kaso ng UST, naisasantabi ang mga proyektong nagsusulong sa wikang Filipino lalo na sa pananaliksik at paggamit nito sa iba’t ibang disiplina dahil sa kawalan ng patakarang pangwika. Dagdag pa rito, hindi napalalakas ang wikang Filipino at ang kursong kaugnay nito, tulad ng Bachelor of Science in Education Major in Filipino, patungo sa pagkakaroon ng Masteral at Doktorado na programa, ayon kay G. Jonathan Geronimo, guro ng Filipino sa College of Commerce and Business Administration.

“Kung may malinaw na polisiya, madaling masusuportahan ang ganitong mga simulain (proyekto) sa pagtuturo gamit ‘yung Filipino sa teknikal na disiplina at gayon din ang pangangailangan sa lumalakas na pananaliksik sa larangan ng Filipino sa UST,” ani Geronimo sa isang panayam sa Varsitarian.

“Gusto natin maging premiere university sa pananaliksik [ngunit hindi tayo] makapagsagawa ng pananaliksik dahil ang inaakala natin ay dapat sa Ingles lang ito gayong ang daming oportunidad at pagkakataon para sa Filipino – galugarin at magsagawa ng pananaliksik sa wikang Filipino bilang midyum,” ani Ampil.

READ
Should bad memories be erased?

Sa mahigit apat na dekada ng Unibersidad, hindi ito nagkaroon ng sariling patakarang pangwika. Taong 1938 nang itinaguyod ni Jose Villa Panganiban, nagtatag ng Varsitarian, ang Departamento ng Tagalog upang isulong ang paggamit ng wika sa Unibersidad. Subalit nabuwag ang nasabing departamento nang 1970. Ibinalik lamang ito noong 2009 bilang Departamento ng Filipino.

Resolusyon

Kaugnay ng mga isyu na tinalakay sa pambansang kongreso—kabilang ang pangangalaga sa katutubong wika, pagsasanay sa mga guro at pagpapaigting ng pagsasalin sa wikang Filipino—nagpasa ng tatlong resolusyon ang KWF at ang mga delegadong dumalo sa pagpupulong.

Nilagdaan ng mahigit 500 delegado na binubuo ng mga guro, opisyal, estudyante at iba pa mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang mga sumusunod na resolusyon: resolusyong nagrerekomenda ng programadong hakbang sa pagsasalin ng mga textbook; resolusyon na nagrerekomenda na magkaroon ng programadong pagsasanay ng mga guro sa Filipino at resolusyong nagreremokendang gumawa ng programadong hakbang sa pangangalaga ng mga katutubong wika.

“Ang paggamit ng wikang Filipino ay hindi dapat hadlangan at gamitin sa ilan lamang na asignatura. Pinalalawak pa natin ang puwersa sa paggamit ng Filipino,” ani Roberto Añonuevo, Direktor-Heneral ng KWF, na pinangunahan ang paglikha ng mga resolusyon.

Ito ang kauna-unahang Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong Wika na isinagawa ng KWF sa loob ng mahigit 79 taon.

“Ang pagpaplanong ito’y makasaysayan dahil napakalaking pagtitipon nito para harapin ang mga problema sa pagpapalaganap ng wika at makaipon tayo ng mga komentaryo at mungkahi kung paano pauunlarin ang wikang pambansa,” ani Virgilio S. Almario, tagapangulo ng KWF.

Ang Pambansang Kongreso ay tatlong araw na pagpupulong ng mga guro, manunulat, at opisyal mula sa iba’t ibang rehiyon mula ika-5 hanggang ika-7 ng Agosto sa Lingayen, Pangasinan.

READ
UST eyes 'vertically articulated' undergrad, grad programs, in shift to global practice

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.