IGINAGALA ni Mariel ang kaniyang paningin sa labas ng simbahan habang pinagmamasdan ang makukulay na palamuti sa paligid nito gayundin ang mga pailaw na nagpapaligsahan sa kislap. Masarap sa balat ang dampi ng hangin at kakaiba ang taglay nitong bango. Dagsa ang mga pamilya galing sa kahit saang sulok ng barangay. Matagal pa bago sumikat ang araw subalit animo alas dos na ng hapon.

Sa gitna ng mga naghahagikhikang mga kabataan, naroon si Mang Anding na halatang aligaga sa pagdukot ng barya sa kaniyang bulsa. Pilit niyang ibinabalanse ang kaniyang sarili sa kaniyang luma at marupok na saklay. Isinabit muna niya ang bunton ng sampagita malapit sa mga tulusan ng kandila bago marahang binilang ang tigpipisong sukli ng isang aleng may bitbit na sanggol.

Nais tumulong ni Mariel subalit tumunog na ang kampana, hudyat ng pagsisimula ng misa. Nagpasukan ang lahat ng nais humabol at naiwang nakatayo sa likuran ang mga nahuli.

“‘Nalalapit na ang araw,’ sabi ng Panginoon, ‘na pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari. Paiiralin niya sa buong lupain ang batas at katarungan,’” wika ng tagapaghatid ng unang pagbasa.

Bahagyang ginambala ng mayuming pagpatak ng ulan ang katahimikan sa loob ng simbahan. Nagpulasan ang mga tindero’t tindera sa labas at nagtungo sa pinakamalapit na masisilungan nila. Sa gilid ng patio nagtungo si Mang Anding akay-akay ang batang may kapansanang si Martha. Tinignan ni Mariel ang bulag na kapatid bago tumango kay Mang Anding. Ngumiti naman ang matanda at animo’y may ibinulong kay Martha. Marahang kumaway ang bata habang nakatingin sa malayo subalit alam ni Mariel na para sa kaniya ang pagbating iyon.

READ
Annual piano concert rocks; UST Conservatory plays 'Moves Like Jagger' by Maroon 5

“Panginoong Matuwid” ang madalas na pamagat ng unang pagbasang iyon. Hindi iyon kailanman makalilimutan ni Mariel sapagkat isang taon na rin ang nakaraan nang basahin sa parokya ang mga naturang bersikulo. Isang taon na rin mula nang dumating sa buhay nila ni Martha si Mang Anding. Panibagong Pasko na naman makalipas ang aksidenteng bumago sa buhay nilang magkapatid.

Isang humaharurot na trak ang sumalpok sa traysikel na sinasakyan nilang mag-anak noon at kumitil sa buhay ng kaniyang mga magulang. Dahil din sa aksidenteng iyon kaya nabulag si Martha. Marahil wala na rin pati si Mariel kung hindi dahil kay Mang Anding na noo’y sorbetero na napadaan lamang. Pilit niyang inangat ang motor na dumagan sa magkapatid subalit pinaandar muli ng lasing na drayber ang kaniyang trak na siyang bumali sa kaliwang binti ni Mang Anding.

Isa. Dalawa. Tatlo.

Tatlong segundo ang binilang ni Mariel bago siya tumayo habang inaawit ng koro ang “Bukas Palad.” Ipinaikot niya ang basket sa bawat hanay ng mga nagsisimba at pinakinggan ang kalansing ng mga baryang kanilang ihinuhulog.

Hindi pa rin tumitila ang ulan subalit naaninag niya ang nag-iisang pulang payong sa labas. Patuloy pa rin itong nagbebenta ng sampaguita.

“Kapag naubos ko ito ngayong gabi,” naalala niyang wika ni Mang Anding noong umaga, “bibilhan ko kayo ni Martha ng tig-isang bagong bestida at kakain tayo ng pansit at puto bumbong.”

Napabuntung-hininga na lamang siya sa kabaitan ng kaniyang ama-amahan. Sa kabila noon, nalulumbay niyang inusisa na kung talagang “matuwid” at makatarungan ang Panginoon kagaya ng nasa bersikulo, bakit sila maagang naulila? Bukod sa mga magulang, bakit ipinagkait kay Martha ang kaniyang paningin? Higit sa lahat, bakit tila hindi pinagpapala nang sapat si Mang Anding?

READ
Imaginative mood in writing history

“Humayo kayong taglay ang kapayapaan upang mahalin at paglingkuran ang Panginoon.”

Tumayo si Mariel mula sa kaniyang kinauupuan. Lumuhod siya sa harap ng altar kahanay ng iba pang naglilingkod sa parokya bago iniyukod ang ulo at tuluyang lumabas ng simbahan.

“Kumusta naman ho ang benta natin ngayon?” narinig ni Mariel na tanong ng isang diyakono kay Mang Anding.

“Sapat na po para sa aming makakain ngayong gabi, brother. Nakakalungkot lang na hindi ko pa naipagbili ang lahat ng sampaguita ko.” nadidismaya subalit nakatawang sagot ni Tatay Anding. “Hindi ko tuloy maibibili ang mga bata ng paborito nilang puto bumbong. Pero alam kong hindi naman magtatampo itong si Martha.”

Tinapik ni Brother Isko ang kaniyang balikat. “Mayroon pa ho ba kayong plano ng mga bata para mamaya?”

“Wala na naman po. Bakit po?”

Pinagmamasdan ni Mariel ang pag-uusap ni Brother Isko at Tatay Anding sa katapat na gilid ng hapag sa loob ng simbahan. Noon lamang nila naranasang makisalo sa mga pari pagkatapos ng Simbang Gabi. Napansin niyang nagkulay-rosas ang mga pisngi ni Tatay Anding pagkatapos may sabihin si Brother Isko. Isang paper bag ang iniabot sa kaniya. Mula roon, inangat niya ang dalawang bulaklaking bestida. Ipinakapa ni Mariel ang laylayan sa kapatid na sarap na sarap noon sa puto bumbong na inihain ng parokya.

Ngumiti si Martha. Ngumiti rin ang kanilang butihing amain. Palagi naman itong nakatawa’t masaya subalit sa pagkakataong iyon, tila pinitas ng isang anghel mula sa hardin ng langit ang pambihirang ngiting iyon ng matanda at ibinigay sa kaniya bilang regalo ng makatarungang Panginoon.

READ
Survey of mediocrity

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.