PAPATAYIN kita. Ipapapatay kita!

Ilan lamang sa mga bukambibig ng bagong pangulo ng Filipinas na tumatak sa kamalayan ng nakararami sa nakalipas na mga buwan. Ngayong ganap nang pangulo ang dating mayor ng Davao City na si Rodrigo “Digong” Duterte, paano nga ba dapat nating unawain ang tabas ng kaniyang dila?

Paulit-ulit nating maririnig sa kaniyang mga talumpati, kahit sino man ang kaniyang kaharap—mapa-ordinaryong mamamayan man, mga opisiyal ng pamahalaan, o miyembro ng media—ang mga mensahe ng pagpatay, pagmumura at pambabastos.

Ngunit hindi lamang sa mga katagang “papatayin kita” natatapos ang tabas ng kaniyang dila. Nasundan ito ng mga pahayag at patutsadang bumabangga sa mga institusiyon ng lipunan tulad ng Simbahan at media.

Magugunita ang kaniyang paninipol sa isang babaeng mamamahayag noong nakalipas na buwan, na ayon kay Duterte ay hindi naman pambabastos.

Sa mga nasabing pangyayari, naging tampok ang pangangatuwiran ni Duterte na inaalis o nawawala sa konteksto ang kaniyang mga pahayag, na ayon sa kaniya ay hindi lubos na nauunawan ng mga Filipino, partikular ng media.

Maiuugat ang “prangka at brutal” na pamamaraan ng pananalita ni Duterte sa kaniyang kinalakihang kultura na siya mismong sanhi ng hindi lubos na pagkaunawa sa kaniya, ayon kay Prop. Imelda de Castro, dalubwika at mananaliksik sa Filipino sa Unibersidad.

Dahil multilingual si Duterte, maalam sa mga wikang Tagalog, Bisaya at Ingles, sabay-sabay diumano niyang ginagamit ang istruktura ng mga wikang ito sa tuwing nangungusap siya, ayon kay de Castro.

“Alalahanin na ang wika ng Visaya, lalo na sa Davao, [ay] iba ang katangian; kung malakas ang boses at parang hindi disente o parang bastos ang katangian ng ispiker, [minsan ito ay] sapagkat gamit niya ang sarili niyang idiolect. Ibig sabihin may peculiarity,” ani de Castro sa isang panayam.

Dito pumapasok ang etnolingguwistika na tumatalakay sa kulturang humubog at patuloy na humuhubog sa isang wika. Kaya nagaganap ang penomenon na “lost in translation” tuwing nag-uusap ang dalawang taong mayroong magkaibang kulturang kinagisnan; sa kasong ito, si Duterte at ang mga Filipino, partikular ang mga taga-Maynila at kalakhang Tagalog.

Sinang-ayunan naman ito ni Vicente Rafael, historyador, propesor sa University of Washington at may-akda ng aklat na Motherless Tongues: The Insurgency of Language Amid Wars of Translation, na nagsabing buhay na pagsasalarawan si Duterte sa pluralistikong katangian ng mga wika sa Filipinas.

“When he opens his mouth, he’s translating for himself and for his listeners, Bisaya and non-Bisaya speakers alike. To understand him, we—Bisaya and non-Bisaya speakers—have to translate too,” ani Rafael sa isang press release sa paglulunsad ng kaniyang aklat.

Subalit bilang pangulo, tungkulin rin ni Duterte na maipabatid ang kaniyang mensahe nang malinaw, dahil hindi lamang niya “kinakatawan ang mga mamamayan ng Davao o ng Visayas” kundi kinakatawan niya ang buong Filipinas.

Ito ang isang kinakikitaang hadlang ni Rafael, maging ni Roberto Añonuevo, Direktor-Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino, sa pamahalaang Duterte.

“How it will affect his style of governing and the substance of his policies will depend on his ability to translate across different linguistic communities,” dagdag pa ni Rafael.

‘Nilalaman hindi pamamaraan’

Kung pagmamasdan ang tinatahak ng kaniyang mga pahayag sa nakalipas na mga buwan, mukhang ang mamamayan ang siyang dapat umintindi sa bagong pangulo. O marahil hindi.

Pansinin ang pagsasawalang-bahala niya sa mga miyembro ng media, lalo na nang pumutok ang isyu ng pambo-boycott sa kaniya. Tingnan din ang kaniyang patutsada sa mga obispo, sa United Nations at iba pang institusiyon.

Marahil nakasasakit ng kalooban ang kaniyang mga pahayag, ngunit kung susuriin nang lubusan, kumukurot ito sa ating sensibilidad dahil may bahid ito ng katotohanan—katotohanang siya namang dinaranas nating ordinaryong mamamayang Filipino.

Dito pumapasok ang politika ng wika. Sinasalamin din ng “estilong Duterte” ang kapangyarihang kaniyang pinanghahawakan at pinaninindigan, ani de Castro.

Paliwanag niya, tumutumbas kaagad sa disiplina ang brutal at prangkang estilo ni Duterte sa pananalita, na siyang politika ng wikang nais itanghal ni Duterte—malayo sa kahiligan ng mga Filipino sa eupemismo at maliligoy na pananalita.

Ngunit sa kabila ng ganitong pamamaraan ng pananalita, namamayani pa rin ang nilalaman ng bawat pahayag at ito dapat ang pagtuunan ng pansin ng mga Filipino, ayon kay de Castro.

“Mali ang paraan ng pagsasalita pero ano ba ang intent niya? Masama ba o mabuti? Makabuluhan ba o walang kabuluhan?” aniya.

Sa pagkaluklok ni Duterte sa pinakamataas na posisiyon sa bansa, kailangan niyang i-ayon ang kaniyang pananalita sa anumang situwasiyon at pagkakataon dahil sinasalamin niya hindi lamang ang kaniyang sarili kundi ang buong Filipinas, ayon kina Rafael, Añonuevo at de Castro.

Samantala, kailangang maging mapagmatiyag ang mga Filipino sa mga susunod na pahayag ng bagong pangulo, kung magkakaroon siya ng isang banyuhay o metamorposis sa kaniyang pag-upo sa puwesto bilang pangulo ng Filipinas katulad ng kaniyang ipinangako.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.