KINAKIKITAAN ng kawani ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng higit na paglakas at pagyabong ang wikang Bisaya sa ilalim ng panunungkulan ni Presidente Rodrigo “Digong” Duterte.

Batid ni Roberto Añonuevo, direktor-heneral ng KWF, na mas makikilala ang mga wikang Bisaya kapag naging malimit ang paggamit ng bagong pangulo sa mga ito, kapuwa sa pabigkas at pasulat na paraan.

Gayunpaman, idiniin niyang isang kamalian ang pagsabungin ang Bisaya at Filipino tulad ng naging tunggalian noon kung Tagalog ba o Bisaya ang nararapat na gawing batayang wika ng Filipino.

Nang mahirang ang wikang Tagalog, marami ang umalmang pangkat tulad ng Defenders of Indigenous Languages of the Archipelago (DILA) sapagkat anila, pinahihina at tuluyang pinapaslang ng polisiya ang mga katutubong wika ng bansa.

“Ang paglakas ng wikang Bisaya ay hindi dapat pangambahan,” ani Añonuevo, “sapagkat ang paglago nito ay kaugnay rin ng paglago ng Filipino.”

Magandang pangitain din umano ang napipintong pagyaman ng wikang nabanggit lalo pa’t matatandaang Bisaya (Sebwano) ang wikang gamit ng pangulo noong panahon ng kaniyang pangangampanya upang mas personal na makisalamuha sa masa.

“Mapapansin natin na sa kaniyang mga pagpapahayag sa publiko, lalung-lalo na sa kampanya, na ginamit niya ‘yung wikang Bisaya para mapalapit sa puso ng taumbayan,” aniya. “Maganda naman [ito] kasi kung isasaalang-alang naman natin, ang wikang Sebwano ay malaki na rin ang sakop.”

Inilatag din ni Añonuevo ang mga pormal na hakbang sa pagdaragdag ng ilang salitang Bisaya sa wikang Filipino tulad ng pagpapatibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF sa Ortograpiyang Pambansa.

Ipinabatid naman ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining at tagapangulo ng KWF, sa isa sa kaniyang mga lecture na pangunahing layunin ng isang ortograpiya ang pagkakaroon ng estandardisadong sistema ng pasulat na wika.

“Ang orihinal [na] trabaho ng ortograpiya ay ispeling,” aniya, “o ang paghanap ng mga simbolo na itinatapat sa mga tunog na ginagamit sa isang wika at ang pagbuo ng mga tuntunin kung paano gagamitin ang mga ito sa pagsulat.”

Samantala, idiniin ni Ernesto Carandang, pinuno ng Departamento ng Filipino sa De La Salle University, na normal na bahagi ng paglago ng wikang Filipino ang pagkakahalo ng mas marami pang Bisayang kataga rito.

“Dahil ang wika ay buhay at dinamiko, at bukas ito sa lahat ng pagbabago,” aniya. “Kahit naman wala o mayroon tayong bagong president, magkakaroon talaga ng impluwensiya ang ating pambansang wika mula sa iba’t ibang wika dito sa ating bayan.”

Magsisilbi lamang aniyang stimulus ang bagong pangulo sa ganitong pag-unlad ng wika lalu pa’t sa Bisaya siya sadiyang “nakababad.”

“Ngayon, ang aabangan natin ay kung papaano si Digong susunod doon sa patakarang pangwika ng bansa,” batid ni Carandang. “May KWF tayo, hindi natin alam ngayon kung papaano niya titingnan at papahalagahan iyon lalo na’t siya ay may pagka-stubborn.”

Mga patakarang pangwika

Hindi naman nangangamba ang mga kasapi ng KWF sa haka-hakang pagkakabuwag ng ahensIya sa pagpasok ng bagong administrasiyon sapagkat, anila, protektado sila ng mandato ng batas.

Alinsunod sa Republic Act No. 7104, nabuo ang komisyon sa pagnanais na magkaroon ng ahensiyang mangangalaga sa paglinang ng Filipino bilang wikang pambansa. Binubuo ito ng 11 komisyoner na kakatawan sa mga pangunahing wika ng Filipinas.

“Kung enabling law iyang RA 7104 ay hindi basta bastang mabubuwag ang KWF,” ani Añonuevo.

Ang pagtanggal sa mga kawani sa kani-kanilang posisiyon lamang, aniya, ang maaaring gawin ng bagong administrasiyon kung nanaisin nito.

Gayunpaman, plantsado na ang medium term plan ng ahensiya mula 2017 hanggang 2022 na kinapapalooban ng mas maigting na mga proyekto sa pagsasalin; pagbuo ng registry para sa mga banyagang terminolohiya ng iba’t ibang disiplina at pagsasaliksik sa mga “dying languages” ng Filipinas tulad ng sa mga Agta.

Nakasaad naman sa Executive Order No. 335 na nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino ang paggamit ng wikang Filipino sa anumang opisyal na transaksiyon at komunikasiyon sa pamahalaan upang mapalawak ng pagdakila ng mga Filipino sa kanilang sariling wika.

Nakapaloob din sa batas na dapat nasa wikang Filipino ng mga dokumento, oath of office, pangalan ng ahensiya at mga gusali, maging ang pagsasanay ng mga kawani ng pamahalaan sa paggamit ng wika.

Bago pa man ang panunumpa ni Duterte noong Hunyo 30 bilang pangulo ng Filipinas, ipinadala na ng kaniyang kampo ang kopya ng kaniyang talumpati sa KWF upang ipasalin ito sa Sebwano. Ayon kay Añonuevo, isa sa mga komisyoner ang nagsalin nito.

Gayunpaman, napagpasyahan ng bagong pangulo na isagawa ang kaniyang panunumpa at talumpati sa Ingles. Nilangkapan din ng ilang linya sa wikang Sebwano ang nasabing inaugural speech.

Para kay Anonuevo, kung nais ni Duterte na maipabatid ang kaniyang mensahe sa lahat ng Filipino, kailangan niyang gamitin ang wikang Filipino bilang ito ang lingguwa prangkang isinasaad ng batas.

Datapuwat, para kay Añonuevo, hindi dapat pangunahan ang bagong pangulo sa kaniyang mga magiging desisyon at pawang nakasandig pa rin ang kanilang kinabukasan sa kaniyang mga patakarang pangwika sa hinaharap.

“Siguro kung may mga pahayag siya na maaaring sumalungat sa itinatadhana ng Konstitusiyon, lalo na ang mga probisiyong nagtatadhana sa ating pambansang wika at paglinang ng mga katutubong wika, doon siguro magkakatalo.”

Bukod pa rito, maaari lamang daw magkaroon ng katayuan ang KWF kung sakaling itulak ng pamahalaan ang paggamit sa wikang Ingles bilang leveling tongue sa buong kapuluan na nauna nang ipinaglaban ng DILA sa layuning masolusyonan ang pagiging multiligual ng bansa at magkaroon ng “pantay na pagtrato” sa mga katutubong wika.

Filipino sa ilalim ng federalismo

Pinangangambahan din ni Añonuevo ang napipintong panganib na maaaring idulot ng binabalak ni Duterte na federalismong pamahalaan sa wikang Filipino.

Sa ilalim nito, aniya, may kapangyarihan ang nasabing anyo ng gobyerno na hati-hatiin ang bansa hindi lamang base sa heograpiya kundi pati sa kultura at wikang sinasalita sa bawat rehiyon nito.

Sa ganitong paraan, hihina at malulumpo ang wikang pambansa.

“Ang pagbiyak sa Filipinas ay kaugnay ng isinusulong na multilingguwalismo sa Filipinas, at pakana ng gaya ng DILA at Save Our Languages Through Federalism, Inc. na pawang may mga patakarang kumokontra sa diwain at wikang Filipino,” giit ni Añonuevo sa isa niyang blog post.

Paliwanag pa niya, may kapangyarihan ang federalismo na tuluyang palaganapin ang wikang Ingles bilang lingua franca ng buong kapuluan, sapagkat mahihinuhang Ingles na ang mananaig bilang panturong wika sa mga rehiyon kapag naisabatas ang nabanggit.

“Hindi ito tumutulong para paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas bagkus nagpapabilis pa ng pagkalusaw nito,” dagdag ni Añonuevo. “Hindi ko naman mapipigilan ang administrasiyon ni Duterte kung nais nilang isulong ang federalismo, pero dapat nila itong pag-isipan nang maigi.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.