SAKSI sa paglawak at pagyaman ng pananampalatayang Tomasino ang parokya ng Santisimo Rosario.

Unang tinawag na University Chapel o UST Chapel, itinatag ito bilang parokya noong 1942 alinsunod sa mungkahi ni Msgr. Miguel O’Doherty, arsobispo ng Maynila noon, at sa pag-udyok ng mga Dominikano upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad sa gabay sa moralidad at ispirituwal na kalagayan.

Dagdag pa rito, naging sandalan din ito ng mga mamamayan sa kanilang mga pangangailangang pinansiyal noong digmaan laban sa mga Hapon.

Naunang inilagak sa Intramuros ang arsobispado ng Maynila subalit nang atakihin ito sa simula ng naturang giyera, inilipat ito sa Unibersidad kung saan namalagi si Msgr. O’Doherty kasama ang mga Dominikano.

Sapagkat ginawang concentration camp ng mga Hapon ang Unibersidad, napilitan ang mga Dominikano na itigil ang pagkaklase rito na naging hudyat naman ng pagkawala ng pagkukunan nila ng kita at pondo.

Bukod pa rito, itinatag ang kapilya bilang parokya upang kilalanin ang debosiyon ng mga Dominikano sa Birheng Maria. Agad naman itong sinang-ayunan ng mga opisyal ng Unibersidad na nagnanais ding paramihin pa ang nasasakupan at napagsisilbihan ng parokya.

Isang Espanyol ang kauna-unahang naging pastor ng Santisimo Rosario. Itinalaga si P. Emiliano Serrano, O.P. sa puwesto kasabay ng pormal na pagkakatatag sa naturang institusiyon sa isang high mass na pinamunuan ni O’Doherty noong Abril ng nasabing taon.

Noong ika-28 ng Setyembre 1942, inilipat sa Santisimo Rosario ang imahen ng Mahal na Ina ng Santo Rosario, na kilala rin sa tawag na “Mahal na Ina ng La Naval,” matapos itong maisalba mula sa pagbomba sa lumang simbahan ng Santo Domingo sa Intramuros kung saan ito unang inilagak. Ninais ng mga opisyal ng simbahan, lalo na ni Serrano, na maipagpatuloy ang nakagawiang pagnonobena sa Mahal na Ina. Ipinagdiriwang na simula noon ang pista ng parokya tuwing unang Linggo ng Oktubre.

READ
Uste bilang Unibersidad

Subalit noong 1954, ibinalik ang imahen ng Birheng Maria sa bagong simbahan ng Santo Domingo sa lungsod ng Quezon. Dito na ginaganap ang taunang pagdiriwang at prusisyon para sa pista ng Mahal na Ina ng La Naval.

Sa kasalukuyan, nananatiling pook ng matibay na pananampalataya sa Mahal na Ina ang parokya ng Santisimo Rosario hindi lamang ng mga Tomasino kundi pati na rin ng mga kalapit nitong komunidad.

Tomasino Siya

Bago pa man magtapos ng kursong panitikan sa Unibersidad si Maria Kalaw-Katigbak, nagkaroon na siya ng dalawang degree sa Unibersidad ng Pilipinas at isa naman sa Unibersidad ng Michigan sa Estados Unidos.

Kalaunan, naging magna cum laude siya sa kaniyang doktorado sa pilosopiya.

Naging aktibo si Katigbak sa mahabang panahon niyang pamamalagi sa kolehiyo. Pinamunuan niya ang UST Graduate School of Social Work kasabay ng paninilbihan niya rito bilang kawaksing propesor.

Samantala, hindi nabigo si Katigbak nang subukan niya namang sumali sa patimpalak sa pagandahan. Taong 1931 nang koronahan siya bilang Miss Philippines.

Muling nagibabaw ang pangalan niya taong 1961 nang mailuklok siya sa Senado bilang tanging babaeng miyembro ng naturang sangay hanggang 1963. Dito niya isinulat ang panukala na nagtatag sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.

Noong 1981, itinalaga siya ng dating pangulong Ferdinand Marcos bilang pinuno ng Movies and Television Review and Classification Board na naunang pinamunuan ng kaniyang ama na si Teodoro M. Kalaw taong 1929.

Ikinasal siya kay Dr. Jose R. Katigbak, isang hinekologo, at nagkaroon ng apat na anak.

Pumanaw na si Katigbak sa edad na 80 noong 1992.

READ
Tagapagtanggol ng kalusugan at bayan

Tomasalitaan:

Busilig (png) – puting bahagi ng mata.

Hal: Halos hindi ko na matanaw ang busilig ng mga singkit na mata ng iniirog ko.

Mga sanggunian:

The Varsitarian Tomo XXXIV Blg. 2, Pebrero 7, 1962; 1960-1962, p.1042

Santisimo Rosario Parish: Its History and Guide for Parish Leaders

Your Parish Newsletter

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.