Sinubukan kong bilangin

ang puting buhok ni Mama

 

na mas dumami pa ngayon

kumpara noong nakaraang Pasko.

 

Ganoon siya palagi:

maraming tanong,

maraming sagot.

(Kadalasan higit pa sa sagot na hinihingi ko.)

Tumatandang madaldal

at laging nakangiti.

 

Tuwang-tuwa raw siya

na makita akong

hindi naka-uniporme

at hindi nagmamadali.

 

Sumigla ang mga mata niya

habang ipinagyayabang sa akin

ang mga inilutong handa—

spaghetti na umaapaw sa sauce,

fruit salad na hitik sa keso,

crispy pata na bawal sa kaniya.

Nanghihinayang,

sumenyas ng halik si Mama

bago ibinaba ang mahigit isang oras din na video call.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.