ORION, BATAAN-

LAYUNIN ng Buwan ng Panitikan ngayong taon na makatuklas ng mga makabagong anyo at kaisipan mula sa mga batang manunulat na higit pang makapagpapasigla sa panitikan ng Filipinas.

Sa temang Banyuhay o “bagong anyo ng buhay,” idiniin ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at pinuno ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, na nakatuon ang pagdiriwang sa paghikayat sa mga kabataan na makiisa sa pagpapayabong ng pambansang panitikan.

“Kaya ‘banyuhay,’ ang ibig sabihin noon [ay] nais nating mag-emphasize sa paghahanap ng bagong literary forms at sa pag-encourage din ng new writers lalo na ‘yong [mga] kabataang manunulat,” wika ni Almario sa isang panayam sa Varsitarian.

Sa pamamagitan ng paglangkap ng makabagong panlasa sa mga lokal na akda, maaaring lumakas pa ang pagtangkilik sa mga ito, dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Almario ang pagnanais na makilala ang mga lumang manunulat na hindi naging tanyag sa kanilang mga panahon ngunit may mga akdang maaaring makapag-ambag sa pagpapaunlad ng panitikan ng Filipinas sa kasalukuyan. Kabilang dito ang mga rehiyonal na manunulat na hindi nabigyan ng pagkakataon na maipaabot ang kanilang mga kalidad na sulatin sa labas ng kani-kanilang mga lalawigan.

Pagbabalik-tanaw sa mga lumang akda 

Kasabay naman ng pagpapayabong sa makabagong panitikang Filipino, wika ni Almario, kinakailangang ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga itinuturing na klasiko at katutubong akda.

Sa ganitong paraan, aniya, mapagtatagpi-tagpi nang maigi ng mga mambabasa ang mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Filipinas.

“Patuloy pa rin [dapat] ‘yong ating pag-patronize sa ating traditional literatures. Dapat ‘yong new literature is anchored on traditional [literature] para mayroong ‘continuity in history,’” wika ni Almario.

Ibinigay niyang halimbawa ang mga akda nina Jose Rizal at Francisco “Balagtas” Baltazar na kapuwa nagkaroon ng makabuluhang ambag sa panitikang Filipino sa kanilang panahon.

Kapuwa nilang ginamit ang pagsusulat upang ipahayag ang kanilang mga paniniwala at pananaw sa pangkabuuang kalagayan ng bansa noon.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakalangkap sa kurikulum ng mataas na paaralan ang pagbabasa ng mga klasikong akdang isinulat nila gaya ng Florante at Laura, El Filibusterismo at Noli Me Tangere.

Pagkilala kay Balagtas

Sa bisa ng Proklamasiyon Bilang 968 na nilagdaan ng Pangulong Benigno Aquino III noong 2015, alinsunod sa Konstitusyon, ginugunita ang Abril bilang Buwan ng Panitikan ng Filipinas.

Itinapat ito sa buwan ng kapanganakan ni Balagtas na itinuturing na mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng panitikan.

Pinili rin ng Komisyon sa Wikang Filipino, isa sa mga namumuno sa malawakang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan, na ganapin ang pormal na pagbubukas nito sa Bataan sapagkat sa lalawigang ito sinasabing sumapi si Baltazar sa isang lihim na pangkat na lumaban para sa kalayaan noong panahon ng mga Kastila. Bagaman isang Bulakeño, sa Bataan umano isinulat ni Balagtas ang marami sa kaniyang mga kilalang akda.

“Sa ating panahon na lubhang pinaghaharian ng mga politiko at ng mga negosyante, isang dakilang mohon si Balagtas upang ipakilala ang importanteng puwang ng panitikan at kultura sa ating lipunan,” paglalahad ni Almario sa kaniyang pambungad na talumpati sa pagdiriwang.

Pinasinayaan ang Buwan ng Panitikan sa pamamagitan ng Kampo Balagtas, isang pagtitipon ng mga kabataang manunulat mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang sumailalim sa pagsasanay at lumahok sa mga maliliit na patimpalak. Idinaos ito mula ika-31 ng Marso hanggang ikalawang araw ng Abril sa Mababang Paaralan ng Orion sa Bataan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.