Tanging mga guro lamang ang maaaring mag-aral ng kursong “sex education” sa unibersidad upang ipamahagi ito sa kanilang mga estudyante.

Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 1968, sinimulan ito ng UST Graduate School kung saan limitado lamang sa 15 hanggang 20 ang mag-aaral ng kurso na mas nakatutok sa mga guro sa hayskul, kolehiyo at mga propesyong nangangailangan nito.

Nakatuon ang mga aralin tungkol sa mga pagbabago sa panahon ng pagbibinata at pagdadalaga, iba’t ibang pamamaraan upang maging isang responsableng magulang at mga proseso ng paghahanda sa pagpapakasal.

Layunin ng kurso na bigyan ang mga guro ng sapat na kaalaman at epektibong pagtuturo ng anatomiya at pisyolohiya ng reproductive system maging ang biyolohikal, sikolohikal, sosyo-kultural at moral na aspekto nito upang mas mapangalagaan at mabawasan ang suliraning nag-uugat sa seksuwalidad ng isang tao.

Nauukol din ang kurso sa pagtuklas ng seksuwalidad at moral na aspekto ng pakikipagtalik at mga gampanin ng isang babae at lalaki hindi lamang sa kaniyang pamilya kundi pati na rin sa kaniyang komunidad.

Nakipag-ugnayan ang Unibersidad sa Institute for the Study of Human Reproduction at pinangunahan ang mga nangyaring pagtitipon ng mga dalubhasa katulad nina Vicente Rosales, Fernando Hofilena, Miguela Solis at Magin Borrajo.

Tumagal ang nabanggit na kurso ng anim na linggo at idinaraos ito tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes mula 5:30 hanggang 8:30 ng gabi. Naging bukas ito sa publiko tuwing Miyerkules.

Tomasino siya
Kinilala si Antonio Adriano hindi lamang sa kaniyang kontribusiyon sa kaniyang larangan ngunit pati na rin sa kaniyang ambag sa Simbahang Katolika.

Nagtapos si Adriano sa degree na Bachelor of Fine Arts in Interior Design noong taong 1972 sa Unibersidad.

Dahil sa kaniyang natatanging ambag sa pagdidibuho, tumanggap siya ng ilang mga parangal tulad ng Most Outstanding Citizen of Makati noong 1990 at Most Outstanding Letran Alumnus noong 1998. Kabilang din siya sa Board of Interior Designers ng Professional Regulation Commission (PRC).

Hinirang din siya bilang Professional of the Year ng PRC noong 2010.

Isa rin si Adriano sa mga ginawaran sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong 2016.

Itinatag niya ang Antonio S. Adriano Furniture, Inc., Tony S. Adriano Design Studio at Tony S. Adriano Liturgical Arts. Nagbigay-daan ito upang mabigyan ng trabaho ang halos 400 na manlililok ng mga muwebles sa Filipinas.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.