Saturday, April 20, 2024

Filipino

Kuwento ng Pag-ibig

MARAHANG nilalakad ng Babae
Ang makipot na landas ng hardin;
Nakaabang sa dulo ang Mahal
Na nagbabasa ng lumang nobela.
Palaging hinihiling ang kalinawan
Kaya’t itinatala ito ng sino mang
Magsasalaysay: mahabang-
Mahabang panahon ng isang digmaan
Ang pumagitan.
Babanggitin din na bago nagkalayo,
Iniukit ng dalawa sa kampana
Ang kanilang mga pangalan—
Sumpaan ng tapat na tipanan.
Bibigyang diin na natapos ang giyera
At hindi na nakita ang Lalaki.
Ipinagpalagay nang siya’y nasawi
At ipinagpatugtog ng Rekiyem.
Ngunit mananaig ang kutob ng Babae.
Patuloy siyang maghahagilap.

Tungo sa preserbasyong kultural ng UST

ANG PAGHIRANG sa Main Building, Central Seminary, Arch of the Centuries at open spaces bilang “National Cultural Treasures” ay kauna-unahan para sa isang edukasyonal na institusyon. Subalit sa kabila ng pribilehiyong ito, maituturing na isang “limitasyon” ang karangalang iginawad ng National Museum sa Unibersidad.

Nakasaad kasi sa Section 13 ng Republic Act No. 4846 o “Cultural Properties Preservation and Protection Act” na lahat ng pagbabagong gagawin sa mga National Treasures ay kailangan munang isangguni sa National Museum.

Isang taon

HABANG abala ang karamihan sa pagsalubong ng bagong taon, heto ako at nag-iisa sa madilim, mainit at tahimik na lugar na ito.

Dati, pinoproblema ko kung saan kukuha ng pera pambili ng mga bilog na prutas, pansit o kahit tinapay at mantikilya para pagsaluhan ng aking pamilya sa Media Noche. Natatakot pa nga akong maputukan ng five-star sa kalsada kaya hindi ako lumalabas. At halos mapaos na din ako sa kakasaway sa anak kong si Jun-Jun na huwag nang maglaro ng watusi. Noon iyon, hindi na ngayon.

Pulubi*

SUMAMPA siya sa dyip
at sinalubong ng mga titig

ng mga pasaherong
agad niyang inaabutan

ng mga sobreng puno
ng pag-asang makalilikom

ng sapat. Pagdating sa dulo,
muli niyang titipunin ang ikinalat

niyang kahihiyan, bubuklatin
bawat isa at matatagpuang

wala na ang mga laman nito.

*Mula sa koleksiyong “Hanapbuhay” na nagwagi ng unang gantimpala para sa Tula sa Gawad Ustetika Taunang Parangal Pampanitikan noong 2009. Si Castillo ay dalawang beses nang hinirang na Makata ng Taon noong 2007 at 2009.

Umali-Berthelsen, Teo Antonio pararangalan sa Ustetika

SA PAGMAMAHAL sa pagsulat, maski panahon ay hindi maaaring humadlang.

Iyan ang pinatunayan ng kuwentista at sanaysayistang si Nita Umali-Berthelsen at makatang si Teo Antonio, ang mga tatanggap ng Parangal Hagbong ngayong taon, na may kani-kaniyang karanasan kung paano binago ng takbo ng panahon ang kanilang mga buhay.

Nita Umali-Berthelsen

Halos nabaon man sa limot ang mga nagawa niya, hindi pa rin makakaila ang malaking kontribusyon ng kuwentista at sanaysayistang si Berthelsen sa larangan ng panitikan.

Nagtapos noong 1946 sa noo’y Faculty of Philosophy and Letters (Philets) ng UST, isa si Berthelsen sa mga piling estudyante na nakapagsimulang magturo sa Unibersidad bago pa man magtapos sa kolehiyo.

Taglay ang kaniyang hilig sa pagsusulat, sumali si Berthelsen sa Varsitarian noong dekada ’40.

Mag-isip bago sumulat

ISIPIN muna ang gustong ikuwento bago problemahin kung paano ito isusulat.

Binigyang-diin ng mga panelista ng ikalimang Varsitarian Fiction Workshop na idinaos noong Setyembre 13 at Oktubre 11 na sa pagsulat ng katha, mahalagang pag-isipang mabuti ng manunulat ang paksa upang may patunguhan ang kuwento.

“Ang puwede lang magkuwento, ‘yung may sasabihin,” ani Jun Cruz Reyes, premyadong manunulat at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas. Para sa kaniya, dapat ay may laman ang mga kathang isinusulat.

Para naman kay Abdon Balde, Jr., dapat ay malinaw sa manunulat kung ano ang nais niyang iparating sa mga mambabasa.

“Importanteng pag-isipan muna ang [nais] sabihin [sa kuwento]. “Saka na natin pagtalunan kung paano [ito] sasabihin,” ani Balde na kamakailan ay tumanggap ng 2009 South East Asian Writers (SEA Write) Award.

Masakit ngunit nakakatawang katotohanan

KUNG hindi ka magtatanong, paano mo malalaman ang sagot?

Isa lamang ito sa mga katanungang hinahanapan ng kasagutan ni Eros Atalia, propesor sa Faculty of Arts and Letters, sa kaniyang ikatlong libro na Ligo na u, Lapit na me (Visual Print Enterprises, 2009) na tumatalakay sa “asim ng romansa, pait ng pagkabigo, tamis ng ligaya, alat ng pamumuna at anghang ng kaastigan.”

Bilang prequel ng kaniyang naunang librong Peksman Mamatay Ka Man, Nagsisinungaling Ako at Iba Pang Kwentong Kasinungalingan na Di Dapat Paniwalaan (Visual Print Enterprises, 2007), umiikot ang Ligo na u, Lapit na me sa buhay ni Karl Vlademir Lennon J. Villalobos o Intoy bago siya nakipagsapalaran sa paghahanap ng trabaho. Binigyang-tuon din ang kaniyang buhay-kolehiyo kasama na ang kaniyang buhay-pag-ibig na nagdulot sa kanya ng kabiguan.

Pagkamakabayan sa kasuotan

“ASTIG.”

Ganito inilarawan ni Mary Joy Angeles, nasa unang taon sa kursong civil engineering, ang pagsusuot ng damit na may disenyong three stars and a sun.

“Bukod sa ang cool ng tingin sa akin ng mga tao kapag nagsusuot ako ng ganitong damit, ipinapakita ko rin ang pagsuporta ko sa mga produktong Filipino,” aniya.

Mula sa isang awitin noong 1995, ang three Stars and a sun ay pinauso ng yumaong Francis Magalona kung saan ang mga elemento ng pambansang watawat ay ginamit na palamuti sa t-shirt, jacket, sombrero at iba pa.

Uminit ang pagtanggap dito ng sambayanan, lalo na ng kabataan, dahil na rin sa pagtangkilik ng mga kilalang personalidad tulad nina Manny Pacquiao, Apl.de.ap ng Black Eyed Peas, at ng grupong Philippine All-Stars na kitang-kita ang pagka-Filipino sa kanilang mga kasuotan.

Sandali lang

Dibuho ni J.C. SantosLUNES

Hatinggabi na nang makauwi ako sa bahay. Naabutan ko na namang nag-aabang sa harap ng gate si Lola.

“Bakit ngayon ka lang? Hindi ba sinabi ko sa’yo umuwi ka ng maaga? Pinapasakit mo ulo ko e,” sermon niya sa akin na may halong paglalambing sa boses.

“Lola, sabi ko naman po sa inyo huwag niyo na po akong hintayin kapag gabi na ang uwi ko. Matulog na lang po kayo ng maaga.”

“Hay naku, bata ka. Ako pa ang pinagbilinan mo. Hindi ka ba natatakot umuwi ng ganitong oras? Alam mo namang delikado rito sa lugar natin.”

Kahit kailan, hindi ako nainis kapag pinagsasabihan ako ni Lola. Hindi tulad ‘pag si Papa ang sumisigaw sa akin, nakakabingi. Puro na lang kasi mga pagkukulang ko ang nakikita niya.

Sa Madaling Salita

Ang sinasabi ng sinasabi ay mas mahalaga kaysa sa sinasabi.
—Gary Granada

Dibuho ni R.I.M. CruzSapagkat ang verbo ay nagkatawang tao

nangangahulugan lamang na lahat
ng kanilang sinasabi ay nagkakatotoo:

Ikinasa nila ang mga salitang tulad ng pagbabago,
rebolusyon, kasarinlan at saka inasinta

sa mga inaakalang kaaway,
nakahandang bitiwan ang mga salita sa hudyat

na magsisilbing senyal para sa lahat.
Subalit maging sila pala ay hindi nagkakaunawaan.

Sa madaling salita, nangungusap sila
ng mga bagay na hindi nila lubos na nauunawaan.

*Mula sa “Sa Madaling Salita at iba pang tula” na nagkamit ng karangalang banggit sa kategoryang Tula sa Ustetika Taunang Parangal Pampanitikan noong 2008. Si Castillo ang itinanghal na Tomasinong Makata ng Taon noong Ustetika 2007.

LATEST FILIPINO