muling bumuhos
ang mala-kristal
na luha ng mga kerubin,
kasabay ng
pagbagyo ng iyong dalamhati.

winika nang nagliliparang bibig
na muli mong pinaglalamayan
ang nabasag ninyong pagsasama
at patuloy ka pa ring hinihiwa
ng mga bubog ng nakaraan.

sanay na akong gamutin
ang mga sugat
na ikaw din ang lumikha.
nakapapagod.
ngunit patuloy ko pa ring kinakalampag
ang nakapinid mong pinto.

sana,
sa paglipas ng unos,
matuyo na ang mga sugat
nang walang kirot
at ang tanging maiiwan
ay peklat
ng kahapon.

Montage Vol. 9 • February 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.