1. alaala na lamang ang salitang ‘birhen’.

tuso and batang naghulog
ng bilugang piraso ng tanso
sa daang binuhusan ng semento.

nagsigawan ang mga mata sa pakikipagsabong
ng pagkilansing at pagkahilig,
at nakipagsiping
ang mga ito sa lahat ng kanilang hinalikan.
hindi na mabilang ang
salitang pinakawalan
ng labi at dila.

malagkit
ang kapit
ng laway.

nagbadyang kumaway sa daigdig
ang minsang nalibing
sa kapal ng laman at taba.
sa tatag ng araw, hindi na naikubli ang pagtagos
ng mga buto sa lapad at lutong
ng mga balat.

dinumog
ng tunog
ang pandinig.

2. sumuntok sa ulap ang dati’y katalik ng lupa.

sumuko ang katawan ng mga puno sa lakas
ng lagaring pinatatakbo ng yaman ng Saudi.
sa paglubog ng araw, dalawang bundok
ng maninipis na pilas din ang pansamantalang
nanirahan sa silong.

samantala, pinatunayan ng hangin
na ang lahat ay
nangangarap.
maging ang kinahantungan
ng mga puno ay
nangangarap:

nakalulula ang taas ng paglipad
ng ibong hinubog mula sa anak
ng lupa.

nakatingala ang mga musmos,
nag-abang ang mga gusali,
nagdasal ang mga puno.

nanatili sa himpapawid
ang higit
na magaang salaping
sinakop
ng mga bayani.

Montage Vol. 10 • December 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.