“PURO pabula ‘yang mga kuwento n’yo,” ang sabi ni Albino sa mga nag?iinuman sa tindahan ni Aling Choling.
Ikinukuwento ni Mariano na noong Biyernes Santo raw nang hatinggabi, habang namimingwit siya sa Gumabao, ay inabutan siya ng pagtigas ng tubig sa ilog. Tumigil aniya ang agos at ang tubig ay naging parang laway ng baka. Hindi aniya ako tuminag sa pagkakahawak ko sa bingwit pero naramdaman ko aniya, sa takot ko, na nagtayuan ang balahibo ko sa buong katawan. Nang tumingin aniya ako sa itaas ng kahoy na sinisilungan ko ay nakita ko sa isang malaking sanga ang pagkaitim?itim na kapre na nananabako. Humahagikgik aniya ito na parang nanunuya at pagkatapos ay nilaglagan ako sa ulo ng upos ng tabako. Noon aniya ako kumaripas ng takbo. Dalawang ulit aniya akong nasubsob doon sa putikan, sa tumana ni Pareng Baste.
Nagtawanan sila. Pero sabi ni Ambo ay totoo raw ‘yon. Kapag Biyernes Santo aniya ay maraming milagro. Kung nakasalok ka aniya, Mariano, no’ng lumapot na tubig, ay t’yak ‘santaon kang susuwertihin sa pamimingwit!
“Ako rin,” sabi ni Peles, “nasubukan ko ring magbaon ng pusa sa krus na daan isang Biyernes Santo. Si Gorya nga ay gusto akong hambalusin ng tukod ng bintana porke’t malas daw. No’ng hukayin ko ang pusa no’ng sumunod na Biyernes Santo, akalain n’yong naagnas lahat ‘yong pusa pati buto! Pero anong natira? ‘Yong isang mata ng pusa! Tumigas na parang bato pero hindi nabulok! Inilagay ko sa isang botilya at itinago sa silong ng papag na higaan naming mag?asawa. Pero isang tanghaling kumukulog?kumikidlat ay mabilis kong ibinaon ang mata ng pusa sa katawan ng saging sa likod ng bahay. Natakot ako’t hinahanap daw ng kidlat ang mata. Akalain n’yong pagkabaon ko mismo ng mata ay isang pagkalakas?lakas na kidlat ang tumama sa saging! Umusok ang buong puno at ang mata ay nawala!”
“Naku! Tigil?tigilan n’yong mga katarantaduhang ‘yan,” sabi ni Albino. “Baka pareho lang kayo ni Tandang Pisyo. Alam n’yo ba’ng nangyari kay Tandang Pisyo? O, ikaw Pikong, ’di ba kinakapatid mo si Tandang Pisyo, ha? Anong nangyari? Bumaba ng bahay noong alas dose ng Biyernes Santo, may dalang sandok na bao! Umikot ng tatlong ulit sa kaniyang kubo, pagkatapos ay naghintay, naupo, dahil may higante raw na magbibigay sa kanya ng anting?anting. Alam n’yong nangyari? Umulan ng bato sa sagingan sa tabing kubo! ‘Yong pobreng matanda, mabilis pa sa tsonggong umakyat sa bahay! Ki­nabukasan, anong ikinuwento ng matanda? May higante raw na umihi sa sagingan. ‘Yon pala, nambato yong mga salbaheng anak ni Luis Ballesteros!”
Noon nagsalita si Lolo Kakoy, ang Lolo Kakoy ng buong baryo. Ang matandang sabi nga nila ay matanda pa sa humukay ng Ilog Yawa.
“Albino,” sabi niya, “makinig ka sa ‘kin. Itong mga kuwento nila’y puwedeng hindi lahat totoo. Malikot ang isip ‘pag kadiliman ng gabi. May nakikita ang mata na gawa?gawa lamang ng isip. Ang ilog ay puwedeng umakyat sa bundok; ang hangin, ‘pag dumaan sa kakahuyan, ay nakapagsasalita; ang bundok ay puwedeng gumalaw.
“Pero hindi lahat ng nasa kuwento ay kasinungalingan. Ang isip ng tao ay hindi likas na sinungaling. Kaya lamang, nalilito ang isip kapag ang mata ay nakakikita o ang tainga ay nakaririnig ng mga bagay na hindi pangkaraniwan.
“Ngayon, isipin mo ito Albino: Ano ang hindi pangkaraniwan sa kuwento nila? ’Yong mga pambihirang karanasan na siyang nag?udyok para magkaroon ng ganyang mga kuwento? ’Yon ang mga katotohanan! Bakit Biyernes Santo? Bakit tuwing alas dose ng gabi? Yon ang mga hiwaga!
“Ang milagro na maaring katotohanan! Pero puwede mong sabihin na ako’y sinungaling. Bakit hindi? Mas maraming kasinungalingan ang naipon ng matatanda kaysa kabataan. Pero heto—para malaman mo kung alin ang katotohanan at alin ang kasinungalingan ay may ipagagawa ako sa ‘yo. Pagkatapos mong magawa ito ay magkita tayong muli dito kina Choling at saka mo ikuwento ang parting totoo.
“Sa makalawa ay Biyernes Santo na. Ganito ang gagawin mo: sa hapon ng Biyernes Santo ay huwag ka nang pasasakop ng dilim sa labas. Habang may kaunting araw pa, pumasok ka na sa simburyo, sa gitna ng simenteryo.
“Alam mo ‘yon di ba? Sa loob ng simburyo, sa bandang dulo, ay makikita mo ang bunton ng mga kalansay na pansamantalang iniipon doon ni Tiagong sipulturero. Umupo ka sa harap ng bunton na ‘yon at doon mo hintayin ang hatinggabi. Maririnig mo ang tunog ng kampana sa simbahan pagdating ng alas dose. Eksaktong pagtunog ng huling kalembang ng kampana, sabi nila, sabi ng matatanda, ay may magpapakita sa’yo.
”Puwede mong isiping kasinungalingan, puwedeng hindi totoo. Ayon sa kanila, ang magpapakita daw sa iyo ay tao. Pero tao na hindi pa nagkakalaman. ‘Yong orihinal na tao bago pa ginawa ng Diyos si Adan. ‘Yong espirito ng tao na may kaanyuan—kung baga sa pananim ay binhi, similya na hindi pa ipinupunla. Kapag daw ang espiritong ’yon ay sumanib sa katauhan mo, ikaw ay magkaka­roon ng buhay na walang hanggan!”
Biyernes Santo ng hapon. Kulay?dugo ang araw na dahan­-dahang lumulubog sa kanluran. May namumuong makapal na ulap sa silangan, nag?aabang na parang buwitre sa pagsilang ng buwan. Walang hangin. Ang mga dahon ng malalaking puno ng akasya ay marahang tumiklop na parang mga palad ng birhen na nagdaop sa pagdarasal, pagkatapos ay nanahimik, ’di na gumagalaw, ’di natitinag, tulad ng mga nitso.
Sa loob ng simburyo ay ganap ang nakapangangambang kata­himikan. Si Albino ay nakita kong pumasok sa simenteryo at tuluy?tuloy na naglakad papunta sa simburyo. Dahan?dahan siyang umupo sa bunton ng mga kalansay. Isang bungo sa itaas ng mga ito ang may biyak sa noo at sa butas ng kaliwang mata nito ay may uod na nagpupumilit makalabas. Nadaanan ako ni Albino kanina sa pintuan ng simburyo pero hindi niya ako nakita. Kahit ngayon sa tahimik niyang pagkakaupo ay tila banayad na hangin akong dumaan sa kanyang harapan.
Mamayang hatinggabi pa kami magkikita.

Montage Vol. 11 • September 2008

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.