BILANG simbulo ng pagsisimula ng isang panibagong kabanata sa kasaysayan, isang tradisyon na ang paglalagay ng panulukang-bato o cornerstone bago itatag ang isang gusali. Isang angkop na halimbawa nito ang seremonya ng cornerstone laying noong 1911 na opisyal na naglunsad sa pagtatayo ng bagong kampus ng Unibersidad.

Pinangunahan ng matataas na opisyal ng Unibersidad, tulad nina Padre Jose Noval, O.P., ang rektor, at si P. Florencio Llanos, O.P., ang bise-rektor, ang seremonya na ginanap noong Disyembre ng taong iyon. Isinabay ito sa pagdiriwang ng ika-300 anibersaryo ng pagkakatatag ng Unibersidad.

Nangyari ang paglalagak ng panulukang-bato sa gitna ng isang masukal na loteng may sukat na 20 ektarya na bahagi noon ng tinatawag na Hacienda de Sulucan.Bago simulan ang seremonya, naglagay ang mga organisador ng isang plataporma kung saan nagtanghal ang mga estudyanteng mang-aawit at mga nagtalumpati ang mga opisyal. Katabi nito ang isang tripod na yari sa kawayan kung saan nakasabit ang panulukang-bato, habang nasa ilalim naman nito ang hukay. Mayroon namang apat na tulos na may bandila ang nakalagay sa apat na sulok ng lote.

Sinimulan ang seremonya sa isang programa kung saan umawit ang Estudiantina, isang korong binubuo ng mga mag-aaral na Tomasino, na sinundan naman ng pagpapatugtog ng isang banda ng Tricentenary Hymn. Kasunod nito ang pagbabasbas sa bato na isinagawa ng Arsobispo ng Maynila na si Padre Jeremias Harty, at ang pagtatalumpati nina Padre Noval at Padre Llanos. Tinungo naman ng walong estudyante ang paligid ng bato upang ilagay ang mga bandera ng kani-kanilang mga kolehiyo at pakultad. Matapos nito, inilagak na rin ang panulukang-bato sa ilalim ng lupa.

READ
Solons have problem, critics say

Kasabay rin na inilibing sa lupa ang isang kabaong na naglalaman ng mga barya, diyaryo, at dokumento na magsisilbing alaala para sa pangyayaring ito. Tumagal ng apat na oras ang seremonya bago pumunta ang mga tao sa Intramuros para sa isang serenata o konsiyerto.

Dumalo sa seremonya ang ilan sa mga kilalang tauhan sa larangan ng politika at Simbahan. Ilan sa mga ito sina Obispo D.J. Dougherty ng Jaro, Iloilo; Judge Manuel Araullo, ang naging toastmaster ng seremonya, at si Luis Torres de Acevedo, ang konsul ng Espanya noong 1911.

Isinagawa ang paglagak ng panukulang-bato bilang paghahanda sa paglipat ng Unibersidad mula sa Intramuros. Ito rin ang naghudyat sa pagsasakatuparan ng mga plano ni Padre Roque Ruano upang magtatag ng mga gusali ng Unibersidad na ayon sa mga makabagong istilo at ideya sa arkitektura.

Sa kasamaang palad, nawala ang panulukang-bato at ang kabaong na inilibing sa lupa. Nalaman lamang ito nang hukayin ng mga trabahador ulit ang pinaglibingan ng mga ito habang itinatayo ang Main Building noong dekada ’20.

Ipinapakita sa naganap na paglalagay ng panulukang-bato ng Main Building ang kahalagahan na bukod sa pisikal na paglilibing ng bato, higit na mahalaga na mailagak sa ating alaala ang mahahalagang pangyayari sa ating nakaraan. Ruben Jeffrey A. Asuncion

Tomasalitaan:

ikutkut (pandiwa) – ilibing

Halimbawa:

Ikukutkut na sana ang panulukang-bato nang biglang umulan.

Sanggunian:

Jose Victor Torres, "Haciendia de Sulucan and the UST Main Building," sa Ad Veritatem, Tomo 5, Blg. 1, Oktubre 2005

Jose Victor Torres, "El Tricentenario: The Story of the 300th Foundation Celebration of the University of Santo Tomas," sa Ad Veritatem, Tomo 6 Blg. 2, Marso 2007

READ
UST joins La Mesa coalition

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.