Himantayon – isang salitang Cebuano na nangangahulugang “pagmamasid”

***

“ANO NA ang mangyayari sa akin pagkatapos ng aking pagtatapos?”

Manaka-nakang pumapasok ito sa aking isipan ilang araw bago ang aking graduation. Dahil nakatuntong na ako sa entablado upang gawaran ng diploma, kailangan ko na talagang pagbulay-bulayin kung ano na ang mga susunod kong hakbang patungo sa mundo ng mga propesyonal.

Una na rito ang paghahanap ng trabaho. Bukod sa humigit-kumulang 110 na Tomasinong kasabayan kong magtatapos ngayong taon sa kursong Journalism, may tinatayang 1000 pang mga magsisipagtapos mula sa iba pang mga pamantasan. Mahirap man na tanggapin, kakompetensiya ko silang lahat sa mangilan-ngilang mga puwesto sa mga dyaryo’t magasin sa bansa. Paunahan na lamang kami kung sino sa amin ang makakapasok sa mga ito.

May ilan akong mga kaklaseng nakipag-unahan na at sinuwerteng makakuha ng trabaho. Noong Pebrero pa lamang, sa pagtatapos ng klase ng mga fourth year students ng AB Journalism, ay nagsimula na silang magbigay ng kanilang mga resume sa mga kompanyang kanilang gustong pasukan. Isa sa kanila ang natanggap na at kasalukuyan nang nagtatrabaho bilang isang researcher sa isang investigative news magazine.

Kasunod nito ay ang kaunting pagtiis sa hindi gaanong kataasang sweldo sa peryodismo. Bagama’t tataas din ito kapag lumaon na, depende sa husay ng reporter sa pagsulat, kailangan pa niyang munang gumawa ng kay-raming artikulo upang kumita nang maayos.

Nakabatay kasi ang halaga ng suweldo ng isang reporter ayon sa laki ng ispasyong nakalaan para sa kanyang artikulo; bawat square inch ang sukat dito.

Depende pa ito sa pagsusuri ng kanyang patnugot kung ang mga istoryang ito ay ilalathala o hindi. Kaya tuloy, nakatutuksong pumasok muna sa mga call center kaysa magsulat kaagad sa diyaryo na, ayon sa ilan, ay maaaring aabot lamang sa P8,000 ang starting salary.

READ
Don't enter the ring

Pagkatapos malutas ang mga suliraning ito ay maaari nang problemahin ng bagong saltang reporter tulad ko kung papaano makatatagal sa trabaho.

Kailangan na naming isalaang-alang para dito ang aming kaalaman tungkol sa isang partikular na paksa, ang bigat ng iskedyul sa beat, at sa dami ng artikulong gagawin para sa isang partikular na araw. Halimbawa, kung nasa isang business newspaper ka, bukod sa pagsulat ay kailangan mo rin ng sapat na kaalaman sa economics o sa matematika.

Makatutulong ito upang makasulat ng isang istorya tungkol sa pag-akyat ng halaga ng foreign exchange rate. Siyempre pa, mayroong time pressure upang matapos ito sa loob ng limitadong oras. May isang dating patnugot ng Varsitarian ang minsang nagsalaysay sa amin kung paano pinapasulat sa kaniya ang isang artikulo tungkol sa isang business seminar na, halimbawa, ay ginanap ng alas-9 ng umaga; kailangang maipasa ito bago mag-alas-5 ng hapon. Tunay ngang masusukat sa mga karanasang ito ang husay at dedikasyon sa pagsulat.

Subalit, ang higit na makakapagpasubok sa aming mga kakayahan ay kung paano haharapin ang mga “occupational hazards” ng pagiging isang peryodista.

Kasama rito ang iba’t ibang uri ng panggigipit mula naman sa mga mambabasang “apektado” sa aming susulatin, tulad ng mga death threat, ang pagkausap sa mga editor na kung pwedeng “patayin” na lang ang istoryang makasisira sa kanilang reputasyon at ang pagsampa ng mga kaso ng libelo. Hindi isang pista ang pagsusulat ng mga balita.

Ano na ang mangyayari sa akin (at sa mga katulad kong balak pumasok sa larangan ng peryodismo) pagkatapos ng Marso 31?.

READ
Can Filipino animation reach digital heights?

Tiyak na marami. At nasa aming mga kamay na lamang kung paano namin matutugunan ang mga pagsubok sa buhay-peryodista.

***

Daghang Salamat sa aking Lola Celia, na tubong Bohol, para sa inspirasyon sa pamagat ng pitak na ito.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.