KASABAY ng pagsunod ng Unibersidad sa globalisasyon, isang propesor mula sa bansang Espanya ang ipinadala sa UST noong ikapito ng Hulyo upang ipalaganap ang kultura’t wikang Espanyol sa mga Tomasino.

Ayon kay Cornelio Bascara, tagapangulo ng Department of Foreign Languages, ang pagbisita ng mga banyagang propesor gaya ni Jose Miguel Carnicero ay magbibigay sa Unibersidad ng magandang reputasyon at imahe.

“Maganda ‘yung merong visiting professor ang isang Unibersidad dahil pupunuan niya ang isang departamento. Lalong mapapalakas ang pagkakaibigan, relasyong akademiko, at relasyong kultural,” ani Bascara.

Si Carnicero ay ipinadala sa Unibersidad ng Agencia Española de Cooperacion Internacional para el Desarrollo (AECID), isang ahensya ng gobyernong Espanya na naglalayong ipalaganap ang ugnayang pangkultural ng Espanya at Pilipinas.

Siya ay pinili ng Department of Foreign Languages mula sa anim na kandidatong iminungkahi ng AECID sa UST.

Sa Memorandum of Understanding ng Unibersidad at AECID na nilagdaan noong Peb. 12, 2014, nakasaad na layunin nitong pag-ibayuhin ang ugnayan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa larangan ng international studies.

Si Carnicero ay magtuturo ng tatlong yunits ng literatura sa Graduate School at siyam na yunits ng humanities sa Faculty of Arts and Letters (Artlets).

Dagdag ni Bascara, si Carnicero ay nakatakdang magbigay ng mga lecture, forum at symposium, at magsumite ng publishable articles sa mga publikasyon ng Unibersidad.

Mananatili siya sa UST hanggang 2015.

Ayon kay Artlets Dean Michael Anthony Vasco, ang isang visiting professor ay magkatutulong sa Unibersidad sa paghahanay ng Quacquarelli-Symonds (QS) World at Asian rankings at mga akreditasyon sa bansa.

READ
HS parents still unimpressed by K to 12

Si Carnicero ay nagtamo ng doktorado ng Pilolohiya (summa cum laude) para sa pag-aaral ng wika partikular sa literatura at lingwistiko sa Universidad de Castilla-La Mancha. Siya ay may master’s degree sa pagtuturo ng wikang Espanyol mula sa Universidad de Alcala, at may Master of Advanced Studies at Master of Arts in English Philology sa Universidad de Extremadura.

Matatandaang bumisita sa UST si Queen Sofia ng Espanya noong 2012, kung saan isa sa mga pakay niya ay personal na inspeksyunin ang mga programang ipinapatupad ng AECID hindi lamang sa edukasyon kundi maging sa proyektong may kinalaman sa kalikasan, demokratikong pamamahala, pagkamit ng kapayapaan, at pagpapalakas ng ugnayang Pilipinas at Espanya.

Nagsimula ang pagpapadala ng visiting professor sa Unibersidad noong 1999, sa panahon ng dating rektor na si P. Tamerlane Lana, O.P.

Limang na ang naging visiting professor sa Unibersidad. Jerome P. Villanueva

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.