Kuha ni John Paul R. Autor

15 Agosto 2014, 9:04 p.m. – HINDI lamang pinagpala kundi naging isang pagpapala sa sambayanan ang Arsobispo Leonardo Legaspi, O.P., unang Pilipinong rektor ng UST.

Sa kanyang homiliya sa huling misa para sa yumaong Legaspi sa Dambana ng La Naval de Manila sa Lungsod Quezon, sinabi ni Teodoro Bacani, obispo emerito ng Novaliches, na maraming naibahagi ang dating arsobispo ng Caceres sa pagpapalakas ng pananampalataya ng mga tao at pagpaparami ng kaparian at mga parokya.

“Maraming pinagpapala ngunit hindi lumalabas na pagpapala sa bayan. Naiiba si Arsobispo Legaspi dahil tinanggap niya ang mga biyayang binigay ng Diyos sa kanya at ibinalik ulit ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa Simbahan at sa sambayanan,” ani Bacani.

Lubos na pinagpala si Legaspi na maihatid ng mga tao sa kanyang hantungan na parang isang bayani dahil sa kanyang serbisyo sa Simbahan, dagdag pa niya.

Inilahad ni Bacani na hiniling ni Legaspi ang mailibing na saksi ang kanyang mga kapwa paring Dominiko.

“Nang maiburol, ang suot po niya ay pang-Dominikano. Iyan po ang gusto niya bago pa man maging pari, ang maging Dominikano. Isang malaking biyaya para sa kanya na ilibing kasama ang kanyang mga kapatid na Dominikano,” aniya.

Ang Santa Misa ay pinangunahan ng arsobispo emerito ng Maynila, Kardinal Gaudencio Rosales.

Bago ang misa, binigyang-pugay ng UST si Legaspi sa isang “funeral sendoff” kaninang umaga.

Inilibot ang mga labi ni Legaspi sa loob ng Unibersidad at inilabas ng Arch of the Centuries habang tinutugtog ang himno ng Unibersidad.

Ayon kay P. Rodel Aligan, O.P., dekano ng Faculty of Sacred Theology, isang uri ng pagbibigay parangal kay Legaspi ang paglabas ng kanyang mga labi sa makasaysayang Arch of the Centuries.

“Kapag ang mga mag-aaral ay nagtapos na sa Unibersidad, nagiging simbolo ang kanilang paglabas sa Arch of the Centuries. Sa kanyang paglisan, nararapat lamang na lumabas din siya rito,” ani Aligan.

Nagdaos din ng necrological service para kay Legaspi noong Agosto 14 sa Parokya ng Santisimo Rosario na dinaluhan ng mga mga Dominiko, malapit na kaibigan, at kamag-anak ng arsobispo.

Pagkatapos ng misa sa Dambana ng La Naval na siya ring Simbahan ng Santo Domingo, inilibing ang mga labi ni Legaspi sa Sanctuario de Santo Domingo. Danielle Ann F. Gabriel

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.