BUMABA nang halos 10,000 ang bilang ng mga bagong mag-aaral sa kolehiyo ng Unibersidad matapos ipatupad ang repormang K to 12 ngayong akademikong taon.

Ayon sa datos mula sa Office of the Registrar, sumadsad sa 3,772 ang bilang ng freshmen sa kolehiyo, kung saan 71.47 porsiyento ang ibinaba kumpara sa 13,223 noong nakaraang taon.

Nagtala ang Faculty of Arts and Letters ng pinakamalaking pagbaba sa bilang ng freshmen na umabot lamang sa 159 na mag-aaral, mas mababa ng 88.90 porsiyento mula sa 1,433 noong nakaraang taon.

Bumaba naman ng 84.26 porsiyento ang bilang ng freshmen sa College of Commerce and Business Administration sa 162 mag-aaral, mula sa 1,029 noong nakalipas na taon.

Tanging ang Faculty of Civil Law lamang ang nagtala ng bahagyang pagtaas sa bilang ng mga bagong mag-aaral. Halos 26 porsiyento ang itinaas sa fakultad, sa bilang na 294 na bagong estudyante, mula sa 234 noong huling taon.

Naitala ng Office of the Registrar ang pinakamalaking bilang ng freshmen sa Graduate School (1,358). Pumangalawa ang Faculty of Medicine and Surgery (514) at pumangatlo naman ang Civil Law (294).

Kabilang sa mga fakultad at kolehiyong nagtala ng pagbaba sa bilang ng freshmen ang Architecture, Fine Arts and Design, Nursing, Science, Conservatory of Music, Canon Law, Pharmacy, Philosophy, Sacred Theology, Graduate School, Institute of Information and Computing Sciences at Physical Education and Athletics.

Nauna nang iniulat ng Varsitarian na nilimitahan sa 18 ang mga kursong inialok ng Unibersidad ngayong taon—accountancy, architecture, business administration major in financial management, business administration major in marketing management, communication arts, computer science, information technology, medical technology, musika, music major in music education, pharmacy, physical education major in sports and wellness, political science, biology, interior design, psychology, advertising arts at nursing.

Umabot sa 43,762 ang kabuuang bilang ng mga Tomasino ngayong taon at 4,951 dito ay mga mag-aaral mula sa bagong bukas na UST Senior High School (SHS).

Para kay Rady Ventura, dekano ng College of Architecture, kailangan na lamang umayon ng mga Tomasino sa pagbabago.

“Kung sa palagay naman ng nakararami na pansamantala lamang ito, na by 2018 it goes back to the usual, then siguro everybody has to make some adjustments [and] sacrifices,” ani Ventura sa isang panayam sa Varsitarian.

Hindi naman nababahala sa pagbaba ng bilang ng freshmen ang dekano ng College of Science na si John Donnie Ramos, base na rin sa bilang ng mga mag-aaral ng UST-SHS.

“Majority of the SHS students in UST are taking up [Science, Technology, Engineering and Mathematics strand]. So eventually, many of them [will go] to the College of Science,” ani Ramos.

Sa nagdaang Misa para sa kapistahan ng Santo Domingo de Guzman, ika-5 ng Agosto, nabanggit ng Rektor P. Herminio Dagohoy, O.P. ang pagiging mapalad ng mga mag-aaral sa kabila ng kanilang maliit na populasiyon.

“Mapapalad kayo sapagkat kayo ay kakaunti [dahil] lahat ng atensiyon ng inyong teachers ay sa inyo… Ibibigay nila lahat sa inyo ang kanilang galing at talino,” ani P. Dagohoy.

Opisyal na ipinatupad ngayong taong akademiko ang K to 12 na magdaragdag ng ika-11 at ika-12 na baitang sa mataas na paaralan. Dahil dito, kakaunti ang nagpatala sa unang taon ng kolehiyo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.