NAKATAKDANG ilunsad ng Graduate School ang kauna-unahang programang doktorado sa medical technology (medtech) sa bansa ngayong Taong Akademiko 2016-2017.

Kinumpirma ni Marilu Madrunio, dekano ng Graduate School, na bubuksan ang programa sa ikalawang semestre para sa mga medical technologists na nagnanais pag-ibayuhin ang kaalaman sa programa.

“All we need is constant upgrading of the programs to make them more recent and relevant, as well as [to] strengthen even more our research agenda and our community and extension programs,” ani Madrunio sa isang panayam sa Varsitarian.

Samantala, ikalawa naman ang UST sa buong Timog-Silangang Asya na nag-aalok ng programang gradwado sa medtech, sumunod sa Unibersidad ng Mahidol sa Thailand.

Dagdag ni Madrunio, ang pagkukusang ito ay isang inobasyon sa kabila ng matataas na karangalang natatamo ng Graduate School at ng Faculty of Pharmacy.

“We cannot rest on our laurels. We need to be innovative. The Ph.D. in Medical Technology is one innovation,” aniya.

Noong 2015, kinilala ng Commission on Higher Education (Ched) ang programang Medical Technology ng UST bilang Center of Excellence.

Ginawaran naman ng Philippine Association of Colleges and Universities Commission on Accreditation (Pacucoa) ang programang master’s degree sa Medical Technology ng ikaapat na antas sa akreditasyon noong Mayo.

Sa kabuuan, 21 akademikong programa ng Graduate School ang nakapasa sa nasabing antas.

Para kay Ruby Meim, katuwang na propesor mula sa Pharmacy, ang bagong kurso ay magbibigay-daan sa mga estudyante at guro ng fakultad na kumuha ng doktorado sa medtech nang hindi lumalabas sa bansa.

“We are grateful that we are finally given an opportunity to enroll in a program of our own field and interest,” aniya sa isang panayam sa Varsitarian. “Excited talaga `yung [may] mga master’s degree, hindi lang sa UST [kundi] pati sa [ibang unibersidad] dahil una ito kung tutuusin.” Mia Arra C. Camacho and Hannah Rhocellhynnia H. Cruz

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.