PINANGUNAHAN ng UST Department of Biological Sciences ang pananaliksik sa lawa ng Taal na may angking natatanging biodiversity.

Ang “Taal Biota Project,” sa pamumuno ni Thomas Edison de la Cruz ay naglalayong suriin ang ekolohiya, at biodiversity sa lawa ng nasabing bulkan.

Bukod sa pananaliksik, layunin ding tumulong ni Dela Cruz, tagapangulo ng UST Department of Biological Sciences, at ng iba pang kasapi sa proyekto sa pangangalaga ng lawa.

Sa kasalukuyan, maraming lumilitaw na mga problema sa lawa ng Taal tungkol sa ekolohiya nito sanhi ng polusyon, maling pamamaraan sa aquaculture, at iba pang mga kadahilanan na maaaring humantong sa pagkawala ng mga hindi pangkaraniwang organismo.

Isang halimbawa ng problema sa lawa ang pagbaba ng kalidad ng tubig na magdudulot ng marahas na pagbabago sa pamumuhay ng mga organismo, tulad ng pagbaba ng kalidad ng mga isda at iba pang mga hayop na panglawa na makapipinsala sa kabuhayan ng mga komunidad doon.

Ang pagbaba ng kalidad ng tubig sa lawa ay maaaring ikamatay ng mga hayop dahil sa mabilis o biglaang pagbabago sa paligid nila, o maaari rin itong magdagdag ng mga bagong uri ng organismo na kayang malampasan ang mga dati nang namumuhay doon.

“Sa maraming paraan, nagiging marumi na ang kanilang kapaligiran, mayroon pa silang kaagaw,” paliwanag ni Rey Donne Papa, Ph.D, guro sa UST na nanguna sa pagsaliksik patungkol sa flora at fauna na bahagi ng proyekto.

“Ang nangyayari ay nagiging iba ang biyoholikal na komposisyon ng lawa,” aniya.

Ang pangunahing layunin ng proyekto, ayon kay Papa, ay ang makabuo ng mga mungkahing makatutulong sa lokal na pamahalaan at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa paggawa ng mga patakarang na makatutulong sa panganglaga sa lawa at sa mga mamamayang namumuhay doon.

READ
Digital inconvenience

“Nais naming ipaalam sa mga ahensyang sangkot dito kung ano nga ba ang mayroon sa Taal at bakit kailangan itong pangalagaan,” ani Papa.

“Gusto naming ipakita na malaking kawalan sa biodiversity ng Pilipinas kung malipol sila [mga halaman at hayop] sa lawang Taal.”

Parte rin ng proyekto ang pagtuturo sa mga pamayanan doon tungkol sa biodiversity ng lugar at sa pangagalaga nito, maliban pa sa nais ng mga mananaliksik na maparami ang mga scientific journal ukol sa lawa.

“Gusto naming matulungan ang mga pamayan na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kanilang lawa at sa kanilang halaman at hayop na endemic sa kanilang lugar,” sabi ni Papa.

Nais din ng proyektong ito na ipamalas ang angking ganda ng lawa bilang isang tirahan ng iba’t ibang mga halaman at hayop, at hindi lang isang ordinaryong lugar na may isang bulkan.

“Sa ngayon, kahit sabihing mayroong mga mananaliksik mula sa UST na nag-aaral ng Taal bilang paksa, kaunti pa lang talaga yung verified, published, scientific accounts sa kaniyang flora at fauna. Isama na rin ang mga katangian nito bilang tirahan ng mga organismo,” paliwanag ni Papa.

Progreso ng pananaliksik

Iminungkahi ng Departamento ng Biological Sciences sa Commission on Higher Education (CHEd) na bigyan sila ng pondo sa proyektong ito, upang mas mabuti nilang mapag-aralan ang Taal.

“Noon pa man ay marami nang pananaliksik na isinasagawa sa lawa, ipinanukala na ni Dr. Dela Cruz sa CHEd na mabigyan ang aming departamento ng pondo,” sabi ni Papa. “Pero, sa ngayon, wala pa ring sagot ang CHEd.”

READ
Accreditation denied to CSC ruling party

Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin nila ang kanilang mga pananaliksik gamit ang kani-kanilang research grants; samantalang ginagamit naman ng mga mag-aaral ang kanilang sariling pera, o sa pamamagitan ng tulong mula sa kanilang mga tagapayo sa pananaliksik na may sarili ring research grants.

Bagamat marami nang nagawang mga pananaliksik, umaasa pa rin ang kanilang sangay na pumabor ang CHEd sa kanilang mungkahi.

Plano sa pamayanan

Payo rin ni Papa sa UST Biology Society, ang pangkolehiyong samahan ng mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa biyolohiya, kung saan isa siya sa mga tagapayo, na magkaroon ng ibang proyekto sa lugar na ukol naman sa kanilang mga pamayanan.

“Sa darating na mga taon, dahil makakasalamuha naman namin lalo ang pamayanan ng Taal, makakagawa rin kami ng mga proyekto para sa komunidad na naninirahan doon,” aniya.

Dinarayo ng mga mananaliksik ang lawa ng Taal dahil sa angkin nitong natatanging biodiversity at mga organismong namumuhay sa lawa nito.

Nagsisilbi itong tahanan ng mga kakaiba at hindi pangkaraniwang mga hayop na mahahanap lamang doon, tulad ng Sardinella tawilis, ang nag-iisang tubig tabang na sardinas sa buong mundo.

Nahahanap din dito ang mga malapit nang maubos na uri ng organismo tulad ng Pseudodiaptomus brehmi, isang uri ng maliliit na crustaceans o copepod na matatagpuan lamang sa lugar na may tubig tabang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.