MAHIGPIT na magkatunggali ang suka-sibuyas-pipino combo at ang minatamis na sawsawan sa tradisyunal na tambayan sa kanto lalo na’t pinag-aagawan ito ng mga mamimiling dalubhasa sa pagkain ng tokneneng, isaw at iba pang street food.

Lingid sa kaalaman ng Tomasinong street food gourmet, umaabot sa 40 milyon hanggang 81 milyon ang nagiging kaso ng foodborne illnesses sa buong mundo kada taon. Nakapapatay ito ng 8,000 hanggang 12,000 na katao taun-taon, ayon pa sa datos ng Quality Partners Company Ltd.

Bagaman likas na sa mga mag-aaral ang maging stressed habang pumapasok, naging paksa na ng ilang mga pag-aaral ang relasyon ng pagkain sa stress ng tao. Sa pag-aaral nila Tanja Adam at Elissa Epel ng University of California, San Francisco, naisaad na mas napapakain ang isang indibidwal kapag stressed kaysa hindi.

Hindi maikakailang maraming posibleng panggalingan ng kontaminasyon. Maaaring magmula ang kontaminasyon sa pagkain, mga kagamitan, at mula sa naghahanda.

Mahahati ang mga food hazards, o mga bagay na delikadong ihalo sa pagkain, sa tatlong bahagi: ang biological hazards na mula mismo sa pagkain, ang chemical hazards kabilang na ang masyadong maraming additives at preservatives, at ang physical hazards na mula sa kapaligiran.

Halimbawa, ang salmonella at staphylococcus, mga bacteria na karaniwang nahahanap sa pagkain, ay madaling kumalat sa mainit na temperatura. Nahahanap sila sa mga parte ng katawan katulad ng ilong at lalamunan at maaaring maikalat sa pamamagitan ng paghawak. Kapag hindi ito naagapan, maaari itong maging sanhi ng lagnat, pagtatae at iba pang komplikasyon.

Karaniwang pinagmumulan ng impeksyon ang tubig, hangin, basura, mga insekto at hayop, ang mismong pinagbalutan ng pagkain, pati na rin ang mga mismong naghanda ng pagkain.

READ
Artists and their ateliers featured in book

Nagsisimula sa loob

Ayon kila Miliflora Gatchalian, chief executive officer ng Quality Partners Company at Sonia de Leon, pangulo ng Foundation for the Advancement of Food Science & Technology, ang kasalukuyang problema ng food poisoning ay maaaring malutas na sa loob pa lamang ng pagawaan at hindi sa labas nito.

Naibahagi nila noong ika-5 ng Agosto sa isang food safety forum sa Quezon Avenue na kailangang makasunod ang mga kumpanya sa mga trend sa larangan ng pagkain ngayong ika-21 na siglo.

Ani De Leon, mas napagtutuunan ng pansin ngayon ang mga exotic at di-kilalang mga pagkain pati na rin ang relasyon ng magandang kinakain sa kalusugan ng tao.

Ayon naman kay Gatchalian, kailangang maging ligtas ang kakainin ng tao mula bukirin hanggang sa mga plato. Binigyang-diin niya ang food defense, kung saan sa mga pagawaan at iba pang negosyo magsisimula ang paniniguro ng kaligtasan ng kakainin ng mamamayan. Kabilang sa kanilang pagsasanay ang hazard analysis, hazard control, at risk management.

Dagdag ng mga dalubhasa, kailangang magkaroon ng parte ang gobyerno sa paniniguro ng food safety gaya ng pagtulong ng Department of Health, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry at Department of the Interior and Local Government.

Ani De Leon, mabisang masisimulan ng mga pagawaan ang paniniguro sa food safety sa pamamagitan ng paglilinis sa lugar na pinagtatrabahuhan. Lahat ng mga manggagawa ay dapat may tamang kagamitan, nakapag-hugas ng mga kamay at paa, at nasa tamang kondisyon upang magtrabaho.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.