Wika, walang sariling tahanan

0
235

SA KABILA ng inaambisyong maging Center of Excellence ang Unibersidad ng Santo Tomas sa iba’t ibang disiplina, nakagugulat isiping wala pa ring sariling language policy ang pinakamatandang unibersidad sa Pilipinas.

Taun-taon, simula pa noong 1980’s, naiulat na sa Varsitarian ang hinaing ng mga guro sa Filipino, Panitikan, at iba pang mga disiplina sa UST na tumatalakay sa paghadlang ng pag-unlad ng bawat disiplina.

At bago pa man naitatag ang General Education Department (Gen Ed) nitong taon, bilang sagot sa mga hinaing ng mga guro, ang Departament of Languages ang nangasiwa sa mga wikang itinuturo sa UST tulad ng Ingles, Filipino, Español, at maging ang Panitikan.

Dahil pinagsama-sama ang mga disiplina sa iisang kagawaran, hindi nabigyang-fokus ang pagpapaunlad sa mga disiplina, gayundin ang paglinang sa mga propesor. Dahil dito, patuloy na ipinaglalaban ng mga propesor ang pagkakaroon ng sariling kagawaran ng wika o ng araling itinuturo.

Kung ihahambing ang UST sa ibang unibersidad, masasabing napag-iwanan na ito. Ang Ateneo na mayaman sa pananaliksik sa wikang Ingles, may tinatawag na “Atenean English.” May sariling estilo naman ang De la Salle sa paggamit ng Filipino. Samantala sa Unibersidad ng Pilipinas, mayroon itong Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.

Dahil walang sariling departamento ang bawat disiplina, mahina ang pananaliksik sa aspeto ng wika at hindi matugunan ang kawalan ng language policy.

Ayon kay Dr. Marilu Madrunio, chairperson ng Committee for English, walang sariling language program ang UST at mahina rin umano ang mga guro nito sa pananaliksik. Sa katunayan, bihirang maglabas ng research articles ang mga guro sa mga pahayagang pangwika.

Bilang propesor sa Ingles, napansin din ni Madrunio na napabayaan ng Unibersidad ang pagpapayaman sa mga naturang disiplina.

“English was relegated for so many years.” aniya. “That is one weakness that we have to work on.”

Ayon naman kay Prop. Roberto Ampil, guro sa Filipino sa Faculty of Arts and Letters, wala ring sariling language policy sa Filipino sa UST, ‘di tulad ng ibang unibersidad sa bansa.

“Hindi nasusuportahan ng UST ang mga guro sa Filipino. Walang sariling departamento na magbibigay-pagkakataon sa mga guro sa pananaliksik at paglikha ng sariling grammatical standards para sa Unibersidad,” diin niya.

Bunga nito, natatak sa mga mag-aaral ng UST ang pagiging magaling sa analytical skills subalit mahina naman sa komunikasyon—kapwa sa pagsulat at pananalita.

Ngunit para kay Dr. Armando De Jesus, vice-rector for academic affairs, ang basic education ng bansa raw ang dahilan kung bakit mahina sa komunikasyon ang mga estudyante.

“I think you should not single-out UST in general. The country’s college students are weak in communications skills and that has something to do with our basic education,” ani De Jesus.

Tugon ng Unibersidad

Sa halip na magkaroon ng sari-sariling departamento ang mga wika, itinatag ang Gen Ed bilang tugon ng Academic Affairs sa suliranin ng mga guro.

“The old structure was not responding to the needs of the discipline,” sabi ni de Jesus. “Ang Department of languages noon nagko-coordinate lang, wala talagang supervisory authority.”

Ayon kay De Jesus, ang hakbang na ito ang pinakamabisang alternatibo upang malinang ang mga wika at iba pang minor subjects. Aminado siya na mas maganda kung magkakaroon ng sari-sariling departamento ang Filipino, Ingles, Espanyol at Panitikan ngunit hindi raw ito maaring ipatupad. Masyadong magastos at kakailanganin pa raw magtalaga ng department chairs sa bawat disiplina. Ngunit aniya, hindi raw aakma ang kasalukuyang sistema ng edukasyon sa UST.

“ Our structure is not vertically articulated,” ani De Jesus. “It would be an ideal thing if we were vertically articulated in the sense that we are like Ateneo de Manila and De La Salle. When we say English Department, it controls the structure and caters the subject from undergraduate to graduate school. They have the power to hire, evaluate, and fire their faculty members.”

Sa istruktura ng UST, ang mga dekano ang namamahala at kumukuha ng mga propesor upang magturo sa kanilang kolehiyo. Sa pamamagitan ng Gen Ed, sinubukan ni de Jesus na maging praktikal sa pamamahala ng bawat disiplina.

“Im trying to make things work without having to spend that much,” aniya.

“The current set-up of University committees is a throwback to the old system when faculty members are “orphaned” because there were no departments to take care of them,” sabi ni Prop. Joyce Arriola, chair of the Department of Media Studies at kasapi ng Committee on Literature.

Aniya, hindi makatutulong ang pagsasanib sa Unibersidad na maging Center of Excellence para sa buong akademiya nito sa 2011. Dinagdag pa niya na kailangan nang magkaroon ang Unibersidad ng sarili nitong sistemang pang-edukasyon.

Service departments

Naniniwala naman si Prop. Ferdinand Lopez, Literature Committee chairperson, na nasa “transition period” ang mga disiplina tungo sa pagsasarili.

Ayon sa kanya, kasalukuyan nilang pinaplano na gawing “service department” ng literature ang Arts and Letters. Sa ngayon, tanging ang Institute of Religion lamang ang maituturing na may sariling pamamalakad sa disiplinang Theology.

Sang-ayon din si Arriola na maikabit sa kolehiyo ang mga general subject na magsisilbing “service departments” kung saan mayroon silang specialization.

Naniniwala rin si Madrunio na magbibigay-daan ang kasalukuyang istruktura upang magkaroon ng kanya-kanyang departamento ang bawat disiplina.

“I am hopeful that in the future, the committee chair will also be empowered. Eventually he or she will not be called a committee chair but a department chair, if we really have a department,” sabi ni Madrunio. Angelo C. de Alban, Jose Teodoro B. Mendoza, Marlene H. Elmenzo kasama si Junica P Soriano

LEAVE A REPLY