Guard play ng UST ikinatuwa ni Dela Cruz kontra Adamson

0
458

MULI MAN silang pinahirapan ng Adamson University na nananatiling walang panalo, ikinatuwa naman ni UST head coach Bong Dela Cruz ang naging laro ng kaniyang mga guwardiya sa kanilang panalo kontra Falcons, 61-59, sa pagbubukas ng ikalawang round ng UAAP men’s basketball tournament noong Linggo, Agosto 16.

Kinilala ng rookie coach ang mga naging kontribusyon nina Louie Vigil, Jamil Sheriff, Ed Daquioag at Renzo Subido matapos masungkit ng Tigers ang kanilang ikaapat na panalo na pumutol sa kanilang three-game losing skid.

Nagpakawala si Vigl ang isang go-ahead jumpshot sa huling 1:51 ng laban upang tuluyang makalamang ang Tigers, 60-59.

Tumipa ng 13 puntos si Vigil upang pangunahan ang opensa ng UST sa laro kung saan parehong nangamote sina Kevin Ferrer at Aljon Mariano.

Nagtapos naman ng may 11 puntos si Daquioag na nagpamalas ng kaninang pinakamagandang laro ngayong season.

Plus 16 ang Growling Tigers kontra Adamson sa halos 30 minuto na nilaro ni Daquioag sa kabuuan ng laro.

Hindi rin nagpahuli ang mga point guards ng UST na nagpakitang gilas sa opensa at depensa.

Si Sheriff, ang steals leader ng UAAP sa pagtatapos ng unang round, ay nagtala ng anim sa steal para pabagalin ang naging mainit na opensa ng Adamson sa second half.

Samantala, mainit naman ang naging simula ni Subido sa first quarter upang tulungang makauna ang UST.

Nagtala si Subido ng walong puntos, anim mula sa dalawang tres, sa unang sampung minuto ng laro upang buhayin ang naghihingalong opensa ng UST.

“Sabi ko sa mga players ko, ‘we need consistency,’ hindi puwedeng Kevin Ferrer at Aljon Mariano lang. Hindi rin puwede na Daquioag and Sheriff will step up then ‘yung iba wala,” ani Dela Cruz.

Sinabi rin ni Dela Cruz na wala siyang ibang binilin sa kaniyang mga manlalaro kundi sundin lang nila ang natural sa kanila at “mag-enjoy” sa laro.

“Sinabi ko lang sa kanila mag-enjoy sila. Kung ano ‘yung laro nila, laruin nila. Mag-enjoy sila as long as they play defense kasi ‘yun ang importante sa team,” aniya. “The problem is hindi magkatugma-tugma ‘yung mga magagandang laro nila.”

Sa dami ng mga pinagdaraanang problema ng Growling Tigers, sinabi ni Dela Cruz na kukunin na niya ang panalong ito at susubukang magtayo muli ng winning streak sa likod ng kaniyang mga beteranong manlalaro para muling makapasok sa Final Four.

LEAVE A REPLY