UST wagi sa opening ng UAAP beach volleyball

0
495

23 Agosto 2014, 5:39 p.m. – MAGKASUNOD na panalo ang sumalubong sa UST sa pagbubukas ng UAAP season 77 beach volleyball tournament sa University of the East-Caloocan, Sabado.

Nagpakitang-gilas ang mga rookies na sina Rica Rivera at Cherry Rondina na matapos pataubin ang De La Salle University sa loob lamang ng dalawang set, 21-18, 21-13.

Lumamang ang UST ng anim na puntos laban sa tambalang Kim Fajardo at Cyd Demecillo ng La Salle, 15-9, sa likod ng tatlong sunod na atake ni Rivera sa ikalawang set.

Sinubukang makabawi ng Lady Archers nang maibaba ang lamang ng UST sa apat na puntos, 16-12.

Ngunit hindi nagpapigil ang opensa ng UST at sumagot gamit ang tatlong sunod na atake, dalawa mula sa mga down-the-line hits ni Rondina at isang ace ni Rivera, upang dalhin sa match point ang laban.

Binulsa nina Rivera at Rondina ang kanilang unang panalo sa UAAP matapos ang service error ni Fajardo.

Ikinatuwa ni returning head coach Emil Lontoc ang ipinamalas na husay ng kanyang dalawang rookies laban sa mga beterano ng La Salle.

“Pagdating sa attack, lamang kami. Puro hard hit ang ginagawa ng La Salle. Mas may kontrol ‘yung dalawa [Rivera at Rondina] kaya kami nanalo sa kanila,” ani Lontoc.

Maganda rin ang naging simula ng kampanya ng tambalang Mark Gil Alfafara at Kris Roy Guzman ng UST matapos ungusan ang University of the Philippines, 21-16, 21-14.

Sa ikalawang set, nagpamalas ng bangis si Alfafara laban kina Fredrick Abulda at Julius Raymundo ng UP sa pamamagitan ng kanyang magkakasunod na atake at service aces upang palobohin ang lamang ng UST, 14-6.

Tinangkang lumapit ng UP sa kalagitnaan ng yugto ngunit hindi na nagpapigil si Alfafara at tuluyang tinapos ang laban sa pamamagitan ng magkasunod na atake, 21-14.

Madali namang naipanalo ng Tiger Spikers ang unang set sa tulong ng tatlong sunod na service aces ni Guzman na nagbigay ng pitong puntos na kalamangan sa UST, 19-12, tungo sa isang 21-16 na panalo.

“Masaya ako sa resulta ng opening games namin. Nag-focus kami sa training at masaya ako lasi ‘yung pinaghirapan namin may epektong maganda para sa kanila,” ani Lontoc.

Tatangkaing ipagpatuloy ng UST ang magandang nasimulan bukas sa University of the East-Caloocan. A. P. Abello

LEAVE A REPLY