Ateneo, Adamson taob sa UST sa UAAP beach volleyball

0
521

24 Agosto 2014, 10:25 p.m.  – PATULOY ang pagratsada ng UST matapos pataubin ang Adamson at Ateneo De Manila University sa ikalawang araw ng UAAP season 77 beach volleyball tournament sa University of the East-Caloocan kanina.

Muling nagpakitang gilas ang dalawang koponan ng UST para panatilihin ang kanilang puwesto sa taas ng torneo tangan ang magkaparehong 3-0 na kartada.

Dinaig nina Mark Gil Alfafara at Kris Roy Guzman ng Tigers Spikers ang tambalang Rence Melgar at Michael Sudarin ng Adamson, 21-17, 21-17.

Namuhunan ang Tiger Spikers sa mga blocks ni Alfafara upang makalayo sa Falcons sa ikalawang set habang si Guzman naman ang umasikaso sa opensa ng UST gamit ang tatlong sunod na atake sa dulo ng laban upang tuluyang masungkit ang kanilang ikatlong panalo, 21-17.

Dikit ang naging bakbakan sa unang set kung saan nagkaroon ng pitong deadlocks bago nagpakawala ng isang 5-0 run ang UST para tuluyang iwan ang Adamson, 17-12.

Wagi rin ang Tiger Spikers sa kanilang ikalawang laban kahapon matapos talunin ang Ateneo sa isang umaatikabong 14-21, 21-12, 15-12 na panalo.

“Kahapon nangamote tayo sa first set [kontra Ateneo]. Hindi tayo makaatake ng maayos pero lumamang na tayo ng malaki sa second set tapos nagtuloy na sa third set,” ani UST head coach Emil Lontoc. “Nakabawi din tayo ngayon against Adamson kasi nabuhay ulit ‘yung depensa at atake natin.”

Samantala, patuloy din ang magandang simula ng Lady Spikers matapos magwagi ang rookies na sina Rica Rivera at Cherry Rondina kontra Ateneo sa loob ng dalawang set, 21-16, 21-11.

Bagaman madaming naitalang errors ang UST sa simula ng laban, bumawi sila sa depensa pagdating ng ikalawang set para mapigilan ang tangkang pagatake ng Ateneo.

Gumanda na rin sa ikalawang yugto ang opensa nina Rondina at Rivera na siyang lalong nagpahirap sa tambalang Mich Morente at Jhoana Maraguinot ng Ateneo.

Nilampaso naman ng Lady Spikers ang University of the East sa kanilang pagtutunggali kahapon, 21-13, 21-12, para sa kanilang ikalawang panalo.

Sa kabila ng malinis na kartada, dismayado naman si Lontoc sa dami ng errors ng kanyang mga rookies.

“Lahat ng bagay pinag-aaralan. Pagdating sap ag-atake, skill ‘yun at meron naman sila noon kaya lang pagdating sa judgment nila, nagkukulang pa sila,” aniya. “Yung nilaro nila kanina, sinabayan lang nila ang kalaban hindi nila hinigitan, bumaba ang intensity.”

Sunod na makakalaban ng Tiger Spikers ang UE at De La Salle University habang Far Eastern University at University of the Philippines naman ang makakabangga ng Lady Spikers sa Miyerkules, Agosto 27, sa University of the East-Caloocan. Angelica P. Abello

LEAVE A REPLY