UST Female Shuttlers tuloy ang laban sa Final 4; Male Shuttlers laglag na

0
679

25 Agosto 2014, 1:14 p.m. – MAGKASALUNGAT ang naging tadhana ng UST badminton teams sa pagtatapos ng elimination round ng UAAP Season 77 sa Rizal Memorial Stadium noong Linggo, Agosto 24.

Buhay pa ang tiyansa na makaabot sa Final Four ang Female Shuttlers matapos talunin ang University of the East, 3-2, habang naglaho naman ang pag-asa ng Male Shuttlers marapos silang pataubin ng University of the Philippines, 1-4.

Maagang umarangkada ang Female Shuttlers nang manalo kontra UE at tumabla kontra Far Eastern University para sa ikaapat na puwesto tangan ang 4-3 na kartada.

Hindi pinagbigyan nina Steffie Aquino at Ana Patricia Barredo sina Heidi Rosal at Lyra Jane Rosal ng UE sa doubles 2, 21-11, 21-19, para ibulsa ang panalo.

Ayon kay head coach Noli Cajefe, maganda ang nilaro ng Female Shuttlers sa torneo ngunit sadyang malalakas lang ang iba nilang nakalaban na puno ng mga manlalaro mula sa national team.

Dagdag pa niya na nakatuon na ang kanilang pansin kontra FEU na kanilang makakabangga para sa isa pang laban.

“Sana maka-execute uli sila sa game sa Sabado [laban sa FEU],” ani Cajefe.

Sa singles 1, pinatumba ni Barredo si Rochelle Andres ng UE matapos bitahin ng magkakasunod na smash tungo sa 21-14, 21-15 na panalo.

Binigyan naman ni Aquino ng 2-0 na kalamangan ang UST matapos ang 21-11, 21-17 na panalo sa singles 2.

Hindi naman pinalad ang tambalang Airish Macalino at Ma. Victoria Vizmonte ng Female Shuttlers matapos matalo, 15-21, 21-15, 17-21, sa doubles 1.

Susubukan ng Female Shuttlers na makapasok sa Final Four sa kanilang laban kontra FEU sa Sabado, Agosto 30, sa kaparehong venue.

Samantala, tuluyang nabura ang pagasa ng Male Shuttlers na makapasok sa Final Four matapos kapusin laban sa University of the Philippines, 1-4.

Nagtapos ng may 3-4 na kartada ang Male Shuttlers para sa ikalimang puwesto.

Naisalba ng tambalang Patrique Magnaye at Matteo Tungul ang doubles 2 laban kina Ethan Joshua Malelang at Reden Cuden, 21-16, 23-20, upang panatilihin ang pagasa ng koponan, 1-2.

Ngunit tuluyan ng natalo ang Male Shuttlers matapos mabigo sina Paul John Pantig at John Edgard Reyes kina Carl Clemente at Joaquin Deato, 23-25, 18-21, sa doubles 2.

Minalas rin si Alcaed Lee Sabanal kontra kay Malelang, 12-21, 20-22, sa singles 3.

“Sayang, nandun na eh. Kinulang lang kami,” kwento ni Cajefe. ” Baka hindi talaga para sa amin ang season na ito.”

Sa kabila ng mapait na pagkatalo, ikinatuwa naman ni Cajefe na nanatiling “united” ang kanyang koponan.

Sa ibang resulta, naungusan ni Lorenzo Leonardo si Pantig sa singles 1, 17-21, 14-21.

Talo rin si Reyes laban kay Wilson Lopes, 15-21, 21-15, 14-21, sa singles 2. J. D. G. Saynes

LEAVE A REPLY