UAAP: Naghihingalong UST Growling Tigers, kulang sa ‘pride’?

0
519

SA KABILA ng pangakong babawi sila sa ikalawang round, patuloy na naghihingalo ang UST Growling Tigers at tila hindi makalulusot sa Final Four.

Bagama’t may kakarampot pa rin silang pag-asa na makaabot sa semifinals, inamin ni head coach Bong dela Cruz sa isang eksklusibong panayam sa Varsitarian na kulang sa ‘mental toughness’ at consistencyang kaniyang manlalaro.

Aniya, ibang-iba ang pinapakita ng mga ito sa training kumpara sa tunay na laban.

“Maganda ‘yung pinapakita nila sa training, maganda yung nira-run nila. Kaya lang pagdating sa game, nagbabago lahat,” ani dela Cruz. “Willing naman silang gawin ‘yung mga dapat nilang gawin kaya langonce na sinabi ng utak mo na ‘napapagod na ako,’ pagod na.”

Bagama’t binigyang diin ni Dela Cruz na maayos ang samahan ng kaniyang mga manlalaro, inamin rin niyang “kulang sa pride” ang kanilang koponan. Isa itong problema na inilahad ni Karim Abdul sa Spin.ph.

Sumang-ayon ito sa mga naunang sinabi ni Abdul na kulang sa puso ang UST ngayon.

“Kung nanood kayo ng game, ‘yun talaga masasabi mo. Nasaan na ‘yung puso at pride ng UST?” ani dela Cruz.

Sa nakalipas na siyam nilang laro, tanging sa laban kontra Ateneo de Manila University at Far Eastern University sa first round ang nakitaan ni Dela Cruz ng totoong kakayahan ng Growling Tigers.

Bukod sa nakadidismayang laro ng buong koponan, aminado rin si Dela Cruz na nakukulangan pa siya sa ipinapapakita ni Aljon Mariano bilang team captain.

“[A]s a team captain dapat malakas ka. Si Aljon (Mariano) ang team captain ngayon at si Kevin Ferrer nandoon lang siya to back up kung may kaunting pagkukulang kay Aljon. Kailangan ng team captain talaga [mag-step up],” kuwento ni Dela Cruz.

Kaugnay nito, hinamon ng rookie coach si Mariano na pangunahan ang Growling Tigers sa kanilang huling limang laro upang isalba ang UST at patahimikin ang mga kritiko nito.

“Sabi ko sa kaniya, kung magli-lead ka, ipakita mo. ‘Di ka puwedeng mag-lead ng hanggang salita lang,” hamon ni dela Cruz. “Kung mayrooon kang dapat i-prove sa mga tao, ito na yun. Patahimikin mo sila. Wala ka ng mistake na dapat gawin,” dagdag niya.

Samantala, aminado rin ang ilang miyembro ng Growling Tigers na ang kakulangan nila ng kontribusyon at kagustuhang lumaban sa laro ang madalas na nagiging sakit ng koponan.

“Everyone should do their part because if they do, kahit konti lang, there’s no reason for us to lose,” ani Abdul.

Ngunit sa mga nakaraang laban ng UST, hindi sigurado si Abdul kung talagang sapat na ang ipinapakita ng kaniyang mga kakampi.

“A Tiger is more dangerous when he’s hungry. But I don’t know if they’re hungry or not,” aniya.

Ganoon din ang nakikitang problema ni Ed Daquioag kung kaya’t patuloy ang pagkatalo ng UST sa kabila ng pagkakaroon nila ng magandang lineup.

“May mga iba kasi talagang player na wala talaga, off ‘yung laro, pero meron din ‘yung mga ibang player na basta makalaro lang [okay na],” aniya.

Isa pa sa mga nakikitang balakid ni Daquioag sa tagumpay ng Tigers ay ang mga biglaang pagbabago sa kanilang plays at rotation dulot ng mga injury tulad ng fracture sa kamay ni Kevin Ferrer kamakailan lamang.

Hindi na rin nagpalusot ang rookie coach at sinabing inaako niya ang lahat ng sisi sa hindi magandang laro ng Growling Tigers.

LEAVE A REPLY