UST target ang thrice-to-beat advantage sa beach volleyball

0
489

27 Agosto 2014, 7:17 p.m. – PATULOY ang mainit na kampanya ng UST Spikers sa UAAP season 77 beach volleyball tournament matapos nilang payukuin ang iba’t ibang mga koponan sa mga laban na ginanap sa University of the East-Caloocan, Miyerkules.

Sigurado nang pasok sa Final Four ang Tiger Spikers at Lady Spikers na kapwa may 5-0 na kartada.

Nakatuon ngayon ang UST na makuha ang thrice-to-beat advantage at outright finals berth kapag winalis ng parehong koponan ang elimination round.

Sa kanilang ikaapat na laban kontra FEU, muling nangibabaw ang galing ng rookies na sina Cherry Rondina at Rica Rivera ng UST matapos pataubin ang Tamaraws, 21-15, 21-16.

Pinangunahan ni Rondina ang opensa ng Lady Spikers matapos siyang magpakawala ng kanyang 6-1 run, kabilang ang dalawang service ace, upang iwanan ang tambalang Bernadeth Pons at Charmaine Simborio ng FEU, 19-12 sa unang set.

Ikinatuwa ni head coach Emil Lontoc ang ipinamalas na laro ng Lady Spikers na malaki daw ang ipinagbago sa kanilang nakakadismayang laban kontra Ateneo noong nakaraang Linggo.

“Nag-improve ang atake nila. Sinabihan ko sila na hindi basta-basta ang kalaban namin,” ani Lontoc.

Nagpatuloy ang pananalasa ng dalawang Cebuana matapos durugin ang University of the Philippines, 21-6, 21-14, para sa kanilang ikalimang sunod na panalo.

Nagtala si Rondina ng 18 puntos kabilang ang isang malakas na atake na tumapos sa laban sa second set, 21-14.

Tinangkang humabol ng Lady Maroons sa likod ni Hannah Mangulabnan, 12-13, ngunit bumawi ang Lady Spikers at nagpakawala ng isang 8-2 run.

Samantala, tuloy din ang pagarangkada ng Tiger Spikers matapos patumbahin ang University of the East, 21-16, 21-12, sa kanilang ikaapat na laban.

Tumirada ng 7-0 run ang tambalang Mark Alfafara at Roy Guzman sa ikalawang set upang tuluyang iwanan ang Red Warriors, 10-3.

Hindi na nakabangon ang UE na umasa na lamang sa errors ng UST para makapuntos. Siyam sa 12 puntos ng Red Warriors sa huling set ay mula sa mga mali ng Tiger Spikers.

Walang-awa ring nilapa ng Tiger Sikers sina Levin Dimayuga at Jopet Movido ng De La Salle University, 21-16, 21-8, tungo sa kanilang ikalimang sunod na panalo.

Dominante ang naging ikalawang set ng UST matapos paulanan ng matutulis na atake ni Guzman ang depensa ng Green Archers.

Ayon kay Lontoc, sisikapin na nilang ma-sweep ang elimination round para masungkit ang thrice-to-beat advantage sa finals.

“Magandang ma-sweep na natin ito para mas malaki ang chance na mag-champion,” ani Lontoc.

Susunod na makakaharap ng Lady Spikers ang National University habang makakatunggali naman ng Tiger Spikers ang FEU sa Sabado, Agosto 30. A. P. Abello at K. C. G. Basco

LEAVE A REPLY