Tigers bigo kontra Ateneo, malabo nang makapasok sa Final Four

0
576

30 Agosto 2014, 7:15 p.m. – LALONG lumiit ang tiyansa ng UST Growling Tigers na makapasok sa Final Four matapos silang padapain ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 58-69, sa ikalawang round ng UAAP season 77 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum, Sabado.

Matapos makalapit ng Growling Tigers, 49-51, isang 10-2 atake ang pinakawalan ng Ateneo sa simula ng ikaapat na yugto upang tuluyang iwanan ang UST, 63-51.

Sa huling bahagi ng fourth quarter, sinubukan pang ibaba ng Growling Tigers ang kalamangan ng Ateneo ngunit naging matindi ang depensa ng Blue Eagles.

Hindi rin nakatulong ang pagputok ni Kiefer Ravena ng Ateneo na kumabig ng 10 sa kanyang 23 puntos sa fourth quarter.

Muling nanguna si Karim Abdul para sa Growling Tigers matapos magtala ng 17 puntos at 13 rebounds.

Nanganganib ang misyon ng Tigers na makapasok sa Final Four tangan ang 5-6 na kartada. Kailangan ipanalo ng UST ang kanilang huling tatlong laro upang panatilihin ang nalalabi nilang pag-asa.

Maganda ang naging simula ng UST sa second half matapos maibaba sa 46-50 ang kalamangan ng Ateneo sa likod ng limang sunod na puntos ni Louie Vigil.

Ngunit hindi nagpatinag ang Blue Eagles na tuluyang tinapos ang Grolwing Tigers sa huling pitong minuto ng laban.

“‘Yung execution sa fourth quarter, masyado kaming nagtitira sa labas, hindi namin naging advantage ‘yun,” ani UST head coach Bong dela Cruz.

Ngunit sa kabila ng patung-patong na problema, nananatiling matatag ang rookie coach.

“Kailangan natin ng Thomasian pride at puso. Win or lose, kailangan nadoon pa rin ‘yun,” aniya.

Sisimulan ng Growling TIgers ang tila imposible nang kampanya tungo sa Final Four kontra defending champion De La Salle University sa susunod na linggo, Setyembre 6 sa Mall of Asia Arena. D. R. M. Dioquino

***

BOX SCORE:

UST 58 – Abdul 17, Vigil 14, Mariano 12, Basibas 5, Subido 4, Gayosa 4, Daquioag 2

Ateneo 69 – Ravena 23, Newsome 14, Elorde 7, Apacible 7, Tolentino 6, Pessumal 6, Babilonia 3, Capacio 2, Isaac 1

Quarter scores: 13-19, 30-38, 46-50, 58-69

LEAVE A REPLY