‘Beach volleyball king,’ handa na sa UAAP

0
1633

SISIKAPIN ni Tiger Spiker Kris Roy Guzman na maiuwi na sa wakas ang korona ngayong taon matapos pumangalawa ang UST sa UAAP beach volleyball tournament sa tatlong magkakasunod na season.

Taong 2009 pa noong huling naiuwi ng UST ang titulo.

Tatlong beses naglaro sa finals si Guzman pero di minsan niyang napanalunan ang korona.

“Hindi siguro para sa amin ‘yung huling tatlong seasons dahil palagi kaming kinakapos sa finals,” ani Guzman sa Varsitarian.

Nitong nakaraang season, inilampaso ng UST ang National University Bulldogs sa semifinals matapos itong matalo sa dalawang magkasunod na finals noong taong 2013 at 2014.

Sakripisyo

Pero bigo sina Guzman at Anthony Arbasto laban sa Ateneo De Manila University sa isang do-or-die game.

Ayon kay head coach John Paul Doloiras, mas lumawak na ang karanasan ni Guzman lalo na’t “isinakripisyo” niya ang paglalaro sa indoor volleyball para mas mapagtuunan ng pansin ang beach volleyball.

Aminado si Guzman na may mga pagkakataong gusto na niyang sumuko at mas maglaan na lang ng oras sa pag-aaral.

“Mali na nagsawa akong mag-training nung third playing year ko dahil lang sa lagi kaming first runner-up kaya mas determinado ako ngayong season .”

Kamakailan lamang, itinanghal ang fourth year Electronics & Communications Engineering student bilang unang Beach Volleyball Republic King of the Sands noong Hulyo. Siya rin ang nagdala sa UST tungo sa kampeonato sa nakalipas na ika-19 Nestea Beach Volleyball Tournament noong Mayo.

Sa darating na season, ang hinagpis ng tatlong taong pagkabigo ang dadalhin ni Guzman upang isulong ang Tiger Spikers sa minimithing gintong medalya.

LEAVE A REPLY