NGAYONG di na maglalaro para sa UST Tiger Cubs si UAAP Mythical Five member Inand Fornilos, mas mabigat na responsibilidad ang haharapin ni Batang Gilas big man Bismarck Lina sa darating na UAAP Season 80.

Si Lina ang tatayong starting center ng Tiger Cubs matapos mapagpasiyahan ng Filipino-Nigerian na si Fornilos na maglaro para sa La Salle-Greenhills (LSGH) Greenies ng NCAA.

Nakapagtala si Fornilos ng 11.5 puntos at 10.6 na rebounds noong nakaraang UAAP season.

“Medyo nakaka-pressure din sa akin kasi halos apat lang kami na big men. ‘Yong nawala kay Fornilos, sinusubukan kong pantayan,” ayon kay Lina sa isang panayam ng Varsitarian.

Nagpakitang gilas ang dating miyembro ng Chiang Kai Shek Blue Dragons sa finals ng Southeast Asian Basketball Association U-16 Championships nang magtala siya ng 13 puntos at 10 rebounds kontra Malaysia para sa ginto.

Si Lina ang sumunod na Tomasinong napabilang sa U-16 national team mula nang mapasama si dating UAAP juniors Most Valuable Player at dating King Tiger Kevin Ferrer sa koponan noong 2009.

Kampante si Lina na kaya niyang makipagsabayan sa mga kapwa Batang Gilas big men tulad nina Geo Chiu at Kai Sotto ng Ateneo, at Raven Cortez ng De La Salle-Zobel, dahil pamilyar na siya sa kanilang estilo sa paglalaro.

“Siguro, advantage ‘yon kasi alam ko na rin ‘yong totoong laro nila. Kasi dati, tinitingnan ko lang sila at iniisip ko lang kung paano ko sila dedepensahan. Noong nalaman ko ‘dun sa Gilas, medyo na-relax na lang ako,” wika niya.

Inatasan na rin si Lina ni head coach Chris Cantonjos na manduhan ang depensa sa loob.

“Dedepensahan ko ‘yong post area. Hangga’t maaari, hindi ko papatirahin ang mga bantay ko sa poste. Tapos ‘yong mga rebound, dadamihan ko,” wika ni Lina.

Ayon kay Cantonjos, magandang karanasan ang international tournaments para kay Lina upang mahasa pa ang kaniyang laro.

“Iyon ang kagandahan ng napupunta ka ‘dun sa higher league. Kasi kahit nawala ka sa team, mabilis kang makakabalik sa atin kasi nga ‘yong mga experience na nakukuha ang bilis mong magagamit pagbalik mo rito,” wika ni Cantojos sa isang panayam.

Pinuri naman ni team captain CJ Balingit ang tapang at bangis ni Lina sa pakikipagsapalaran sa depensa.

Dagdag pa niya, malaki rin ang iginaling ng sentro matapos ang torneo ng Batang Gilas noong Mayo.

“Hindi naman lahat ng mga kasing bata niya, may tapang na kagaya ‘nung [sa] kaniya. Malaki na ‘yong progression niya,” wika ni Balingit.

Nagtala si Lina ng 4.1 puntos at 7.4 rebounds noong Hulyo sa nakaraang Filoil Cup kung saan nagtapos ang Tiger Cubs sa ikaapat na pwesto.

LEAVE A REPLY