PASOK sa coaching staff ng UST Growling Tigers ang mga dating PBA players na sina Gerry Esplana at Bobby Jose.

Makakatulong sila ni head coach Rodil “Boy” Sablan na pinutakti ng kontrobersya matapos malaglag sa ika-walong puwesto ang koponan noong nakaraang season.

Nagreklamo rin ang dating Tiger na si Mario Bonleon dahil nagbabayad daw ang ibang manlalaro kaya mas mahaba ang playing time sa ilalim ni Sablan.

Dati nang pinabulaanan ni Sablan ang mga akusasyon.

Dating coach ng Emilio Aguinaldo College si Esplana habang naglaro para sa noo’y UST Glowing Goldies si Jose.

Naging Rookie of the Year si Esplana para sa PBA team na Presto Tivolis noong 1990 bago lumipat sa Sta. Lucia Realtors noong 1993.

Naging parte naman si Jose ng San Miguel Beermen na nagwagi ng tatlong sunod na kampeonato noong 1989.

“Pinagkakatiwalaan ko silang dalawa kasi malaki ang naitutulong ni coach Gerry sa mga point guard at marami siyang experience na naibigay. Si coach Bobby naman, sa big men at forwards naka-focus,” wika ni Sablan.

Walo ang rookies na sasabak para sa Growling Tigers sa darating na UAAP.

Pero umaasa si Sablan na mas maganda ang ipakikita ng koponan.

Handa nang maglaro ang Cameroonian big man na si Steve Akomo na kinailangan munang tapusin ang isang taong residency.

Siya ang inaasahang sagot ng UST sa reigning Most Valuable Player na si Ben Mbala ng defending champion na De La Salle University.

Si Marvin Lee ang bagong team captain ng koponan na kabilang pa rin ang mga beteranong sina Zachary Huang, Jeepy Faundo, Justin Arana, Joco Macasaet, Enrique Caunan, at Oliver de Guzman.

“Sinasabi ko na lang sa kanila na tulungan tayo, kasi kami rin naman ang magkakasama hanggang dulo,” ani Lee.

Makakaharap ng Tigers ang University of the Philippines Fighting Maroons sa ika-10 ng Setyembre sa Mall of Asia Arena.

LEAVE A REPLY