Growling Tigresses, sisikaping bumalik sa Final Four

0
1405

KARANASAN at mas pinaigting na coaching system ang puhunan ng UST Growling Tigresses upang mamayagpag sa papalapit na UAAP Season 80.

Sa ikalawang taon ni head coach Haydee Ong, iginiit niya na mas handa at mas magiging palaban ang UST dahil nasanay na ang mga manlalaro sa kaniyang sistema.

They now embrace the system. Not like last year, talagang nangangapa kami,” wika ni Ong sa isang panayam sa Varsitarian.

Dagdag pa ni Ong, mas tumaas ang kalidad ng physical conditioning at skill level ng kaniyang mga manlalaro dahil sa mga sinalihan nilang pre-season tournaments.

Nasungkit ng UST ang ikaapat na puwesto sa Fr. Martin Cup noong Abril at lumahok din sila sa isang invitational tournament sa China mula ika-28 ng Mayo hanggang ikalawa ng Hunyo.

Nakalaban nila sa China ang iba’t ibang mga manlalaro na kasapi sa Southeast Asian Games tulad ng Thailand at Chinese-Taipei.

Iginiit ng dating UST point guard na mahalagang maging mas mataas ang kompyansa at moral ng mga manlalaro para sa darating na season.

For the past few years, parang ayos lang sa kanila matalo. ‘Yon ang gusto kong palitan na mindset sakanila, [to make them realize] that they are a good team and they can be contenders,” wika ni Ong na dati ring national team coach.

Para naman kay team captain Jhenn Angeles, malaking tulong sa koponan na bumalik sa basic drills dahil ito ang naging suliranin nila noong nakaraang taon.

“[H]indi kami aalis sa isang drill hangga’t hindi nagagawa nang [maayos] lahat,” wika ng fifth year na mag-aaral ng Sports and Wellness Management.

Pinagtibay din ng Tigresses ang kanilang koponan sa mga susunod na taon sa tulong ng mga bagong recruit na sina Tabitha Valera, anak ni dating Growling Tiger Boy Valera, at ang 6’3” Congo-native na si Grace Irebu.

Hindi muna makapaglalaro ang dalawa dahil sa isang taong residency rule ng UAAP.

Para kay Ong, marami pang pagdadaanan ang dalawa ngunit magandang asset sila para sa koponan.

Dagdag pa niya, plano ng koponan na makakuha ng limang panalo sa first round para mas malaki ang tiyansa nila sa susunod na round.

Season 77 pa nang huling pumasok ang Growling Tigresses sa Final Four kung kailan kinapos sila ng isang puntos lamang, 61-62, kontra Far Eastern University.

Nagtapos sila sa ikalimang puwesto sa nakaraang dalawang taon.

LEAVE A REPLY