MATAPOS bawiin ng UST Tiger Paddlers ang kampeonato mula sa karibal na De La Salle University noong isang taon, kampante ang koponan na mapapanatili nila ang titulo ngayong UAAP Season 80.

Sisikaping punan ng senior player na si Paul Que ang binakanteng puwesto ni dating team captain at Season 79 Most Valuable Player Norielle Pantoja at ng mga beteranong sina Gil Ablanque at Alberto Bazar.

Ayon kay head coach Jackson Que, mabigat man ang pagkawala ng tatlong beterano, nananatiling malaki ang tiwala niya sa koponan, lalo na sa mga manlalarong galing sa Team B.

“Nasanay na sila sa [sistema] kasi wala tayong rookies. Alam na nila ‘yong procedures at alam na nila ‘yong gagawin,” wika ni Que sa isang panayam sa Varsitarian.

Sa pagsasara ng Season 79, hindi naging madaling desisyon para sa bagong team captain na si Paul ang magpatuloy sa paglalaro dahil nakapagtapos na siya sa kursong accountancy.

“[N]aging malapit na rin ako sa kanila at gusto ko pang makatulong sa UST. Inisip ko rin ‘yong pag-aaral kasi sayang ‘yong scholarship, kaya nagpasya ako na ituloy ‘yung master’s degree [at makapaglaro pa.]”

Kumukuha si Que ng masteradong degree sa Developmental Studies sa Graduate School ng Unibersidad.

Bukod kay Que, inaasahang magiging sandalan din ng koponan ang beteranong si Rian Maldia. Ngunit noong Enero, napag-alaman ng manlalaro na positibo siya sa stage 1 ng lymphoma o kanser sa lympathic system kaya’t walang kasiguraduhan na makakapaglaro siya sa kaniyang huling playing year.

“Mahirap, kasi hindi basta-basta yung pinagdadaanan ko. Hindi ako nakapag-training [nang maayos] dahil sa nararamdaman ko,” wika ng fifth year na mag-aaral ng Sports and Wellness Management.

Sumasailalim ngayon ang manlalaro sa chemotherapy at medikasyon.

Si Maldia ang nakatakdang maging team captain ng koponan ngunit napilitan si head coach Que na baguhin ang kaniyang desisyon at bigyang pansin ang kalusugan ng manlalaro.

“Importante siya (Maldia) sa team dahil siya ‘yong dapat maglalaro sa doubles. Hindi natin sigurado kung makapaglalaro siya, kaya doon tayo nahihirapan ngayon. Baka magkulang tayo sa players,” wika ni Que.

Noong nakaraang taon, 14 na laro ang naipanalo ng UST, kaya nabawi ang kampeonato mula sa La Salle.

LEAVE A REPLY