UST beach volleyball handang depensahan ang korona

0
954

SISIKAPING depensahan ng UST beach volleyball teams ang kampeonato sa darating na UAAP Season 80 pero hindi ito inaasahang magiging madali.

‘Di makakalaro para sa UST Lady Spikers si Jem Nicole Gutierrez. Nagpasya itong sumabak sa Philippine Army sa kahilingan ng kaniyang mga magulang.

“Medyo malayo-layo pa ang hinahabol namin. Kay [Cherry] Rondina, wala nang problema, pero di pa namin makita kung sinong ipa-partner sa kaniya,” ayon kay head coach Paul Jan Doloiras.

Inaalam ngayon kung sino ang pwedeng humalili para kay Gutierrez. Nariyan sina Season 79 Rookie of the Year Caitlyn Viray at Jinggay Bangan na dating miyembro ng Team B.

“Tinatiyaga [pa] naming parehas ‘tong dalawa na nanggaling sa Team B kaya [medyo] hilaw pa [ang kanilang laro],” wika ni Doloiras.

Noong nakaraang taon, isang beses lang natalo ang Lady Spikers bago masungkit ang korona kontra sa Far Eastern University (FEU).

Sakaling makuha ng Lady Spikers ang ikalima nilang titulo, sila na ang tatanghaling pinakamatagumpay na koponan sa UAAP.

Graduating naman sina Anthony Arbasto at Kris Roy Guzman ng Tiger Spikers kaya aminado si Doloiras na hirap sila ngayon sa ensayo.

Pero malaking tulong ang paglahok nila sa Beach Volleyball Republic noong Hulyo. Nasungkit ng dalawa ang ikalawang puwesto.

“Tinutulak namin ang sarili namin para lumakas at tumagal pa lalo sa loob ng court kasi alam naming malalakas ‘yung teams na makakaharap namin,” wika ni Arbasto.

Matapos maging runners-up sa tatlong magkakasunod na taon, naiuwi ng Tiger Spikers ang kampeonato noong nakaraang taon nang matalo nila ang FEU.

LEAVE A REPLY