MAS MABABANGIS na UST Lady Jins ang inaasahang sasabak sa UAAP Season 80 matapos nilang bigong makuha ang kampeonato sa nakaraang tatlong taon.

Para kay head coach Jasmine Strachan-Simpao, kailangang pag-ibayuhin ng mga manlalaro ang ensayo.

“Dapat mag-double time na, kasi ‘nung nakaraang taon hanggang pangalawang karangalan lang naaabot namin at syempre pagod na rin kami ‘dun. Gusto namin championship na,” wika ni Simpao sa isang panayam sa Varsitarian.

Bukod sa pag-eensayo, hangad ni Simpao na mapalakas ang stamina ng Lady Jins gamit ang dagdag na strength at conditioning drills.

Huling nakatikim ng kampeonato ang Lady Jins noong 2013.

Susubukin naman ngayon ni bagong team captain Marjelle Sy na pamunuan ang Lady Jins tungo sa kampeonato. Papalitan nya ang graduate nang si Abigail Cham.

Lumalaban si Sy sa kategoryang welterweight kung saan nagkamit siya ng ginto noong Season 78 at pilak noong Season 79.

Nagsimula nang mag-ensayo ang Lady Jins noong Mayo.

“Tinutulungan ko sila kapag may nakikita ako nanahihirapan sa training drills at pati na rin sa labas ng pagiging atleta. Binibigyan namin ng suporta ang isa’t isa bilang grupo sa positibo o negatibo man na mgapangyayari,” wika ni Sy.

Malaking banta man para sa Lady Jins ngayong taon ang defending champion na National University, tiwala pa rin si Simpao na mananaig sila dahil naaral na nila ang laro ng ibang mga koponan sa UAAP.

Ngayong taon, mas pinili ng koponan na hindi lumahok sa mga pre-season tournaments sa taekwondo sa kagustuhang ilaan ang oras sa masidhing pagsasanay.

“Mas kailangan naming magsikap dahil mayroon kaming target. Sinisigurado namin na kada ensayo, na kalagay sa isipan ng mga manlalaro na hindi kami nakatuon sapagkuha ng pangalawa o pangatlo kundi ‘yung ginto na talaga,” wika ni Simpao.

Sisikaping matamo ng Lady Jins ang kanilang panlanbing-isang kampeonato sa darating na season. Sila ang may pinakamaraming korona sa UAAP taekwondo history.

LEAVE A REPLY