Mga Dominiko, suportado ang pagbawal sa parusang kamatayan

0
2228

SINANG-AYUNAN ng mga miyembro ng Order of Preachers o mga Dominiko ang pagbabago ng Santo Papa ng katesismo ukol sa parusang kamatayan na nagsasabing hindi ito katanggap-tanggap sa kahit ano mang kadahilanan.

Ayon kay P. Ernesto Arceo, O.P., dating rektor ng Unibersidad at ngayon ay pangulo ng UST Legazpi, itinutuwid lamang ng Simbahan ang tila ba ay isang pagkakamali sa turo ni Santo Tomas de Aquino patungkol sa parusang kamatayan o death penalty sa kaniyang aklat na Summa Theologica.

Inanunsyo ng Roma ang pagbabagong ginawa ni Papa Francisco sa Katesismo ng Simbahang Katolika noong ika-2 ng Agosto na nagsasabing isang pag-atake sa dignidad ng tao ang parusang kamatayan.

Nakasaad naman sa lumang bersiyon nito na maaaring ipataw ang nasabing parusa sa mga mabibigat na krimen, bagaman bihira at halos walang sitwasiyon na kabilang dito.

Iginiit ni Arceo na nagkamali si Santo Tomas sa paggamit ng principle of totality sa lipunan dahil may dignidad ang bawat tao.

“Sa principle of totality, kapag nailalagay sa panganib ang buong katawan dahil sa isang daliri, dapat putulin ang daliri para mailigtas ang katawan. Ginamit iyon ni Santo Tomas pero hindi naman organic whole ang lipunan. Yung principle niya ay tama, pero yung application niya ay mali,” paliwanag niya sa isang panayam sa Varsitarian.

Ayon sa ikalawang bahagi ng ikalawang libro ng Summa Theologica, maaaring ipataw ang parusang kamatayan sa isang taong nagkasala sa lipunan upang hindi na ito makapaminsala sa mas nakararami.

Binanggit ni Arceo na isang eksperto sa turo ni Santo Tomas, na walang anumang gawain ang makapagpapabago sa dignidad ng tao dahil “walang aksidente ang maka-aapekto sa substance nito.”

Ayon naman kay P. Rodel Aligan O.P., dekano ng Faculty of Sacred Theology, na iniiwasan ng Simbahan na isipin ng mga tao na katanggap-tanggap ang parusang kamatayan dahil mayroong mga sitwasiyon na pahihintulutan ito.

“Walang ‘breaking’ of tradition. Nais lamang ipahiwatig ng Simbahan na kalian pa man, hindi ito payag sa parusang kamatayan,” aniya sa wikang Ingles sa panayam.

Dagdag pa ni Leo Ocampo, dalubguro ng teolohiya sa Unibersidad, hindi pagsuway sa tradisiyon ang pagbabago ng katekismo, kung hindi “pag-unlad sa pananaw ng Simbahan sa kahalagahan ng buhay.”

Sinabi rin ni Ocampo na lumalawak ang turo ng Simbahan sa pakikipagdiyalogo nito sa mga eksperto sa lipunan at medisina.

“May mga aral na tayo ngayon na hindi pa natin hawak noon, kung ito ba ay nakapagpapabawas ng krimen, o nakapagbibigay-kapayapaan sa mga biktima,” aniya.

Sa panahong “niyuyurakan” ang dignidad ng mga tao, binigyang-diin ni Jove Aguas, dalubguro ng pilosopiya, na mainam na hakbang tungo sa pagkilala sa halaga ng buhay sa Filipinas ang pagbabago ng katekismo.

Matatandaang ipinagbawal ng administrasiyon ni dating pangulong Corazon Aquino ang parusang kamatayan sa Saligang Batas ng 1987 matapos ang Martial Law, ngunit ibinalik ito ni dating pangulong Fidel Ramos noong 1999. Muli itong ipinagbawal sa ilalim ng administrasiyon ni dating pangulo at ngayo’y kongresista na si Gloria Macapagal Arroyo noong 2006.

Sa kasalukuyan, isa ang parusang kamatayan sa pangunahing batas na nais maipasa ni Pangulong Duterte. Noong Marso 2017, naipasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill 4727 o Death Penalty Bill, subalit hindi pa ito isinusulong sa Senado.

Kasabay ng pagpasa ng nasabing panukala sa kamara ang paghahain ng isang online petition ng mga lider ng iba’t ibang unibersidad sa Kamaynilaan, kasama na ang Rektor ng UST na si P, Herminio Dagohoy, O.P., upang himukin ang mga senador na bumoto laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Ayon sa The Capital Punishment Research Project, walang makabuluhang epekto ang pagkakaroon ng parusang kamatayan sa pagpapababa ng krimen.

Sang-ayon din ito sa pag-aaral ng Philippine Center for Investigative Journalism noong 1999 na nagsabing tumaas ng 15 porsiyento ang krimen nang ipatupad ang parusang kamatayan sa Filipinas.

Huling napatawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection si Leo Echegaray noong Pebrero 1999 dahil sa kaso ng panggagahasa.

Ayon sa pag-aaral ng Pulse Asia noong Marso 2017, tinatayang 67 porsiyento ng mga Filipino ang pabor sa parusang kamatayan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.