PINARANGALAN ng Varsitarian ang mga Tomasinong manunulat sa ika-41 Gawad Ustetika, ang pinakamahabang taunang patimpalak pampanitikan sa bansa, sa Gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P. noong Marso 27.
Bitbit ang temang “Ipagbunyi ang alimbukad ng adhika at gunita ng panitikang Tomasino,” ang patimpalak ay may pitong kategorya: Tula, Poetry, Katha, Fiction, Sanaysay, Essay, Dulang May Isang Yugto o One-Act Play.
Nakatanggap ang Varsitarian ng kabuuang 272 lahok na akda — ang pinakamataas na bilang sa kasaysayan ng patimpalak.
Ipinagkaloob ang Rector’s Literary Award (RLA) kay Angela Maria Tabios para sa kaniyang akdang “A Thousand Sweet Deaths,” na nagwagi ng unang gantimpala sa kategoryang Fiction.
Ang RLA ay iginagawad sa napiling akda ng Rektor ng Unibersidad mula sa mga nanalo ng unang gantimpala sa iba’t ibang kategorya.
Iginawad naman sa mamamahayag na si Nestor Cuartero ang Parangal Hagbong, isang pagkilala na ibinibigay taon-taon sa mga Tomasinong manunulat na may malaking ambag sa larangan ng pagsusulat sa loob at labas ng Unibersidad.
Si Cuartero ay ginawaran ng pagkilala para sa kaniyang “natatanging kontribusyon sa larangan ng peryodismo, dedikasyon sa pagsasabi ng katotohanan bilang manunulat at patnugot, at sa kaniyang mahalagang papel sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mga mamamahayag bilang tagapagturo sa industriya.”
Narito ang listahan ng mga nanalo sa patimpalak:
Poetry
Unang Gantimpala: “89 Seconds to Midnight” ni Jericho Lopez (Ikalawang taon, M.A. in Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Manila, I Hope the Next Typhoon is a Sandstorm” ni Dan Stromile Vega (Ikalawang taon, Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “All My Skibidis Will Make Sense One Day” ni Maria Doreen Garcia (Ikatlong taon, M.A. in Creative Writing)
Fiction
Unang Gantimpala: “A Thousand Sweet Deaths” ni Angela Ma. Tabios (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “The Flood Line” ni Lharz Dapla (Ikatlong taon, Philosophy)
Ikatlong Gantimpala: F8 “Endless Run” ni Rafael Salaya (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Essay
Unang Gantimpala: “Why We Travel to the Underworld: Theoretical Underpinnings of a Dark Fantasy Writer” ni Franz Austin De Mesa (Ikalawang taon, M.A. in Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “The Night I Learned Silence” ni Charlson Patulin (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “The Exiled Prince” ni Yram Garcia (Ikatlong taon, Creative Writing)
One-Act Play
Unang Gantimpala: “Questions” ni Cecilia De Jesus (Unang taon, M.A. in Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Between the Lines” ni Irene Louise Rustia (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Five Minutes” ni Lharz Dapla (ikatlong taon, Philosophy)
Tula
Unang Gantimpala: “Kosmetiko ng Paglilibing” ni Clark Vinz Pino (Ikatlong taon, English Language Studies)
Ikalawang Gantimpala: “Ang Bagong Tipan” ni Lorenzo De Castro (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Noong Ipagdasal Mo Ako” ni Wycliff Concepcion (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Katha
Unang Gantimpala: “Ang Huling Tagasalin” ni Lharz Dapla (Ikatlong taon, Philosophy)
Ikalawang Gantimpala: “Sa Pagitan” ni John Roniel Canimo (Ikatlong taon, M.A. in Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Kasalang Bayan” ni Jericho Lopez (Ikalawang taon, M.A. in Creative Writing)
Sanaysay
Unang Gantimpala: “Ang Awit ni Dulce” ni Joseph Earl Quintana (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Ang Aming Mga Bahay” ni Wycliff Concepcion (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Kung Makakapagkuwento ang Maleta” ni John Roniel Canimo (Ikatlong taon, M.A. in Creative Writing)
Dulang May Isang Yugto
Unang Gantimpala: “I Think Hindi Akin Ang Buhay Ko” ni Rosemarie Uy (Ika-apat na taon, Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Manhid Ka!” ni Julia Lontok (Ikatlong taon, Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Sa Sakristiya” ni Lharz Dapla (Ikatlong taon, Philosophy)
Tumanggap ng premyong P15,000 ang mga nagkamit ng unang gantimpala, P10,000 naman sa ikalawang gantimpala, at P5,000 sa ikatlong gantimpala.
Dalawampu’t isang manunulat, akademiko, at kritiko ang bumuo sa mga lupon ng inampalan na namili ng mga nagwaging akda sa pitong kategorya.
Sina Allan Justo Pastrana, manunulat at propesor sa Pamantasang Ateneo de Manila, Carlomar Arcangel Daoana, nagwagi ng unang gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, at Ramil Gulle, tatlong beses na nag-uwi ng parehong pagkilala, ang humusga sa kategoryang Poetry.
Nagsilbing kritiko ng mga akda sa Fiction sina Jose Wendell Capili, propesor at kawaksing dekano sa Public Affairs ng College of Arts and Letters sa UP Diliman, Charlson Ong, na premyadong nobelista at nagkamit ng Carlos Palanca Memorial Awards for Short Story in English, at John Jack Wigley, propesor ng panitikan at malikhaing pagsulat sa UST.
Ang lupon ng hurado sa Essay ay kinabilangan ni Nestor Cuartero, beteranong mamamahayag at board member ng Movie and Television Review and Classification Board, Shirley Lua, kawaksing propesor ng panitikan sa De La Salle University Manila, at Oscar Campomanes, kasalukuyang Rev. James Donelan, S.J. Endowed Professorial Chair in the Humanities sa Pamantasang Ateneo de Manila.
Kinilatis ang mga lahok sa kategoryang Tula nina Roberto Añonuevo, tagasalin at dating direktor heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino, Romulo Baquiran Jr., propesor ng panitikan at malikhaing pagsulat sa UP Diliman, at Michael Coroza, isang makata na kinilala ng KWF bilang kampeon ng wika sa larangan ng panitikan at pagsasalin.
Ang mga nanalo sa Katha ay pinagpasiyahan nina Mark Anthony Angeles, instruktor sa Department of Creative Writing sa UST, Victor Emmanuel “Vim” Nadera, nagtuturo ng Filipino, panitikang Pilipino, malikhaing pagsulat, at kursong Rizal sa UP, at Eros Atalia, propesor ng malikhaing pagsulat sa Pamantasang De La Salle at board member ng PEN Philippines.
Nagsilbing hurado ng Sanaysay sina Gary Devilles, katuwang na propesor sa Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila, Joselito De Los Reyes, isang makata, mangangatha, sanaysayista, tagasalin, at tagapangulo ng Department of Creative Writing ng UST, at Rosa May Bayuga, pinarangalan ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Sinuri ang mga akda sa One-Act Play at Dulang May Isang Yugto nina Joanna Marie “J-mee” Katanyag, manunulat, aktor, senior artist-teacher at artistic director ng Philippine Education Theater Association (PETA), Glenn Sevilla Mas, ginawaran ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas noong 2020, at Jose Victor Torres, propesor sa Department of History ng De La Salle.







