DALAWANG Tomasinong manunulat ang pinarangalan sa kategoryang Filipino ng patimpalak pampanitikan na F. Sionil Jose Young Writers Award noong Sabado, ika-10 ng Oktubre, sa Henry Sy Sr. Building ng De La Salle University – Manila.
Nagkamit ng unang gantimpala si Benjamin Joshua Gutierrez, instruktor mula sa UST Department of Creative Writing, para sa kaniyang maikling kuwento na pinamagatang “+1.”
“Tungkol ‘yon sa kuwento ng isang ride-hailing app [driver] na gusto sanang umuwi bago mag-alas dose para makapag-celebrate ng birthday niya kasama [ang] mga mahal niya sa buhay,” ani Gutierrrez sa panayam ng Varsitarian.
Dahil sunod-sunod na aberya at problema ang kanyang hinarap sa kalsada, hindi siya nakauwi sa takdang oras.
Ginamit ni Gutierrez ang satirikal na tono sa paglalarawan ng kalagayan ng mga habal-habal rider na naghahanapbuhay sa kabila ng mga utang, sugal, at malisyosong tukso mula sa paligid.
Noong 2018, kinilala bilang Rector’s Literary Awardee si Gutierrez sa ika-34 Gawad Ustetika, ang taunang patimpalak pampanitikan sa UST na inoorganisa ng Varsitarian.
Nagtapos si Gutierrez ng journalism at kumuha ng masterado sa creative writing sa Unibersidad.
Nagwagi ng ikatlong gantimpala si Jericho Christian Lopez, mag-aaral mula sa UST Graduate School, para sa kanyang akdang “Kasalang Bayan.”
“Social critique ko ito sa nagpapatuloy na isyu ng flood control sa Pilipinas,” wika ni Lopez. “Mga ilang buwan na rin nang masulat ko ‘to ngunit parang wala pa ring nagbago at swak pa rin sa sitwasyon ng bayan natin.”
Sentro ng maikling kuwento kung paano ginagamit ng mga pulitiko ang krisis at midya upang hubugin ang pananaw ng publiko para sa pansariling interes.
Inilalarawan ito sa pamamagitan ng paniniwalang nagpapakasal ang mga tikbalang kapag umuulan habang maaraw.
“Angkop na tawaging fantasy ang aking kuwento na mayroong nakahalong political satire, commentary, at allegory sa state negligence at disaster management,” dagdag pa ni Lopez.
Nagkamit ng ikatlong gantimpala si Lopez sa ika-41 Gawad Ustetika para sa parehong akda sa ilalim ng kategoryang Katha.
Tatanggap si Gutierrez ng P25,000 para sa unang gantimpala, habang P10,000 naman kay Lopez para sa ikatlong gantimpala.
‘Double-edged sword’ na AI-verification policy
Sa unang pagkakataon, ipinatupad ng mga nag-organisa ng patimpalak ngayong taon ang AI-verification policy sa mga lahok na akda.
Para kay Gutierrez, “magandang armas” ang pagpapatupad ng polisiyang ito sa kompetisyon upang bigyang-halaga ang pagsisikap ng mga kalahok sa paglikha ng mga orihinal na akda.
“Gusto ko rin na sa ganiyang paraan, sinasabi nila na walang puwang ang mga makina sa proseso ng paglikha na dapat ginawa ng tao,” aniya sa panayam ng Varsitarian.
Gayunpaman, itinuturing ni Lopez na may kaakibat na pakinabang at panganib ang naturang polisiya.
“Pabor ako pero isa siyang double-edged sword,” wika niya.
“Sa isang banda, naaagapan natin ‘yong invasion ng mga gawang-AI sa mga spaces ng panitikan, ngunit sa kabilang banda, AI rin naman ang ilang mga tool na ginagamit natin para makita kung gawang-AI nga ba ang isang akda,” saad ni Lopez.
Dagdag pa niya, maaaring humantong sa maling akusasyon laban sa mga manunulat ang kawalan ng kredibilidad ng mga AI tool checker.
Binigyang-diin niya ang “alinlangan” ng ilang manunulat sa paggamit ng bantas na em dash dahil kadalasang naiiugnay ito sa kung paano magsulat ang AI.







