NAKAUGAT sa kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang agrikultura, na nananatiling haligi ng kabuhayan at pamumuhay sa bansa, ayon sa isang propesor.
Para kay Norman Arancon, propesor sa College of Agriculture, Forestry, and Natural Resource Management sa University of Hawai’i at Hilo, hindi lamang usapin ng wika ang Filipino Studies dahil saklaw din nito ang paraan ng pamumuhay ng mga Pilipino, lalo na ang ugnayan nila sa lupa at sa kalikasan.
“Agriculture is deeply rooted in the culture [of the Filipinos]. So, it’s not just a way to earn a living, but it’s a way of life for a lot of Filipinos. It provides [not] just livelihood, but [also] food for every Filipino,” saad ni Arancon sa isang panayam sa Varsitarian sa 4th International Conference on Multidisciplinary Filipino Studies at ikawalong “Hasaan,” ang Pambansang Kumperensiya sa Filipino.
Binigyang-diin ni Arancon na ang agrikultura ay hindi lamang propesyon, kundi bahagi ng ating pagkatao at pamana bilang mga Pilipino.
Bagaman 11.6 milyon na lamang ang aktibong nakikilahok sa agrikultura, bawat magsasaka ay sumusuporta sa daan-daang Pilipino, patunay na nananatili itong gulugod ng lipunan, aniya.
Dagdag niya, mahalagang balikan ng kabataan ang pagsasakang nakabatay sa katatagan at pagkalinga sa kalikasan, sa halip na lubos na umasa sa modernong sistemang nakatuon sa ani ngunit pabaya naman sa lupa.
“Sustainable agriculture grows plants, animals, and food while preserving our role as stewards of the land,” aniya.
Bagaman nakatutulong ang modernong agrikultura sa pagpapataas ng produksiyon, babala ni Arancon na ito rin ang nagpapabilis ng pagkasira ng lupa at nagpapataas ng greenhouse gas emissions.
Aniya, kabilang sa mga pinakamalalaking suliranin sa sektor ang labis na paggamit ng mga pestisidyo at kemikal na pataba sa mga pananim.
“[If] we don’t return to agricultural practices that protect the land, air, and environment, we will not even be able to save our health,” wika niya.
Giit ng propesor, ang pagbabalik sa mga sustainable na gawi ay hindi hakbang paatras, kundi pamumuhunan para sa kinabukasan—isang paraan upang manatiling mataba at produktibo ang lupa para sa susunod na henerasyon.
Dagdag pa niya, dapat pagsamahin ang tradisyunal na kaalaman at makabagong agham upang makabuo ng mas matatag at ekolohikal na sistema ng produksyon ng pagkain.
“We merge our indigenous knowledge in sustainable agriculture with modern science. Before, there were already practices considered mythical or superstitious, but many of them are actually rooted in ecological wisdom,” paliwanag niya.
Halimbawa, binanggit ni Arancon ang paggamit ng planting calendars, composting, at organikong pataba mula sa nabubulok na basura—na matagal nang isinasagawa ng mga magsasakang Pilipino bago pa man dumating ang modernong teknolohiya.
Inihalintulad niya ito sa konsepto ng “bahay kubo agriculture,” kung saan sari-saring pananim ang itinataguyod sa isang lugar.
“We need to go back to the era of bahay kubo, diversifying our farms, not just planting corn or rice. Because monocropping supports only a few corporations and ruins our environment,” aniya.
Ang panayam ay bahagi ng kumperensiyang may temang “Filipino Studies in Hawai‘i: Cultivating Cultural Roots and Advancing Sustainability through Agriculture.” Idinaos ito bilang paggunita sa ika-100 anibersaryo ng Kolehiyo ng Edukasyon ng UST, sa pakikipag-ugnayan ng University of Hawai‘i at Hilo. Jamiebeth P. Ortega may ulat nina Frenchshield Shayne G. Delovieres at Sofia Gabrielle G. Rosario







