HINIKAYAT ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang responsable at etikal na paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pananaliksik, pagsasalin, at digital na pag-arkibo ng mga katutubong wika.
Binigyang-diin ng komisyon na dapat manguna ang mga pamayanang katutubo sa pagbuo ng datos at paggamit ng teknolohiya upang matiyak na napangangalagaan ang kanilang kaalaman, mga karapatan at pagkakakilanlan.
“Sa tulong ng algoritmo, mas mabilis nang naitatala ang mga rehiyonal na diyalekto at maisasaayos ang mga grammatical analysis na dati’y inaabot ng dekada bago matapos ng mga lingguwista,” ani KWF Commissioner Benjamin Mendillo Jr., kinatawan ng wikang Ilocano at nangangasiwa sa pananalapi ng komisyon.
Batay sa pananaliksik ng Living Tongues Institute for Endangered Languages, nagbibigay-daan ang mga AI-powered platform at mobile application sa maliliit na pangkat etniko upang makapag-ambag sa dokumentasyon ng kanilang mga wika.
Gayunman, iginiit ni Mendillo na hindi dapat mabawasan ng teknolohiya ang halaga ng katutubong kaalaman.
“Ang hamon sa atin ngayon ay ang pagtiyak na ang paggamit ng AI sa Pilipinas ay nananatiling nakaugat pa rin sa etika,” aniya.
Aniya, isinulong ng KWF ang community-led AI integration, kung saan mangunguna ang mga tagapagsalita ng mga katutubong wika sa pagbuo ng datos at paggabay sa paggamit ng AI para sa pangangalaga ng kanilang mga wika.
Mananatili ring mahalaga ang pagsusuri ng komisyon sa mga impormasyong nililikha ng AI dahil maaari itong makapagpalaganap ng maling impormasyon, lalo na kung nagmula ang datos sa mga hindi mapagkakatiwalaang sanggunian, ani Mendillo.
Sinabi naman ni KWF Commissioner Carmelita Abdurahman, kinatawan ng wikang Waray, na kolaboratibo ang paggamit ng AI dahil nananatiling mahalaga ang papel ng tao sa proseso.
“Kumbaga sa pagtuturo, upang maging malinaw sa mga mag-aaral, nangangailangan tayo ng kagamitang panturo na akma sa pipiliin nating lunsaran,” aniya.
Nilinaw ni KWF Chairman Marites Barrios-Taran na hindi saklaw ng mandato ng komisyon ang usapin hinggil sa pagtatayo ng mga AI data center sa bansa.
“Ito po ay isang usaping pakikipag-ugnayan ng bansa sa bansa, at iyan ay ating ipinauubaya sa mga karampatang ahensiya,” aniya.
“Ang aming hinihikayat ay ang responsable, matino, angkop at tamang paggamit [ng AI], ngunit hindi dapat kinalilimutan ang paggalang sa intellectual property rights ng mga katutubo,” dagdag niya.
Inilahad ng KWF ang posisyon nito sa isang press launch para sa Buwan ng Wikang Pambansa 2026 sa Metropolitan Theater sa Ermita, Manila noong Hulyo 23.
May temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” magsisimula ang pagdiriwang sa Quezon Memorial Shrine sa Quezon City sa Aug. 1. J.M.R. Talavera







